Pag-aanak
Pribilehiyo na sa mga kababaihan lamang ipinagkaloob ng Maylalang. Pantangi niyang dinisenyo at sinangkapan ang babae para rito. Kasama sa utos na ibinigay sa unang mag-asawang tao sa Eden, at nang maglaon ay inulit sa mga nakaligtas sa Baha, ang paglilihi at pag-aanak. (Gen 1:28; 9:7) Gayunman, dahil sa kasalanan at pagsuway, ganito ang sinabi ni Jehova kay Eva tungkol sa pag-aanak: “Palulubhain ko ang kirot ng iyong pagdadalang-tao; sa mga hapdi ng panganganak ay magluluwal ka ng mga anak.”—Gen 3:16; tingnan ang KAPANGANAKAN; KIROT NG PAGDARAMDAM, MGA.
Hinggil sa pag-aanak at pagiging ina, inirekomenda ng apostol na si Pablo na ang mga nakababatang babaing balo, na maaaring mabalisa kung hindi matutugunan ang kanilang likas na pagnanais na maging ina, ay mag-asawa at magsipag-anak sa halip na gugulin ang kanilang panahon sa pagpapalipat-lipat bilang ‘mga tsismosa at mga mapanghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao.’ (1Ti 5:11-15) Sinabi rin ni Pablo na ang mga babae sa kongregasyong Kristiyano ay ‘maiingatang ligtas sa pamamagitan ng pag-aanak, kung mananatili sila sa pananampalataya at pag-ibig at pagpapabanal kasama ng katinuan ng pag-iisip.’—1Ti 2:15.