Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-aani

Pag-aani

Ang pagtitipon ng mga ani; isa sa mga bagay na hindi maglilikat “sa lahat ng mga araw na ang lupa ay nananatili.” (Gen 8:22) May kalakip na malaking pagsasaya ang panahon ng pag-aani, bagaman puspusang pagpapagal, sabihin pa, ang kailangan upang matipon ang mga ani. (Aw 126:5, 6; Isa 9:3; 16:9, 10) May ilang pangyayari sa Bibliya na binabanggit na naganap kaugnay ng panahon ng pag-aani.​—Gen 30:14; Jos 3:15; Huk 15:1; Ru 1:22; 2:23; 1Sa 6:13; 2Sa 21:9; 23:13.

Ang mga Sabbath at ang Jubileo. Binalangkas ng kautusan ng Diyos sa Israel ang ilang partikular na kahilingan at probisyon may kinalaman sa pag-aani. Palibhasa’y mahalaga ang Sabbath, hindi maaaring lumiban ang mga Israelita sa obligasyon nila na ipangilin ito, anupat walang probisyon sa Kautusan para mag-ani sa araw na iyon kahit sa kaso ng kagipitan. (Exo 34:21; ihambing ang Ne 13:15.) Yamang walang paghahasik na gagawin sa taon ng Sabbath, pati na sa taon ng Jubileo, tiyak na wala ring mga ani na titipunin, maliban sa sumibol mula sa mga natapong butil ng nakaraang pag-aani. Ngunit hindi rin iyon dapat anihin ng may-ari, bagaman siya, ang kaniyang mga alipin at ang kaniyang mga upahang trabahador, ang mga nakikipamayan at ang mga naninirahang dayuhan, pati ang mga alagang hayop at ang maiilap na hayop, ay maaaring kumain mula sa bunga ng lupain.​—Exo 23:10, 11; Lev 25:3-7, 11, 12, 20-22.

Ang mga Unang Bunga, at Pangangalaga sa mga Dukha. Noon, ang mga unang bunga ng bawat pag-aani ay dapat ihandog kay Jehova. (Lev 23:10, 11; Deu 26:1-4) Hindi dapat tipunin para sa personal na paggamit ang bunga ng isang punungkahoy hanggang sa ikalimang taon nito.​—Lev 19:23-25.

Kung nagugutom ang isang Israelita, maaari siyang pumasok sa bukid o ubasan ng iba at kumain ng bunga nito hanggang sa siya ay mabusog, ngunit hindi siya maaaring magdala ng anuman sa isang lalagyan o gumamit ng karit upang ipamutol sa mga butil ng kaniyang kapuwa.​—Deu 23:24, 25; ihambing ang Mat 12:1; Luc 6:1; tingnan ang PAGHIHIMALAY.

Sa panahon ng pag-aani, hindi dapat gapasin nang lubusan ng mga Israelita ang mga gilid ng kanilang mga bukid ni dapat man nilang pulutin ang mga himalay, yamang ang gayong mga tira ng kanilang mga bukirin ng mga butil at mga ubasan ay itinalaga para sa napipighati at sa naninirahang dayuhan.​—Lev 19:9, 10; 23:22; Deu 24:19.

Kalagayan ng Panahon. Noong sinaunang panahon, gaya rin sa ngayon, bihirang umulan sa Lupang Pangako kapag panahon ng pag-aani; sa katunayan, nang magpasapit si Jehova ng ulan at kulog bilang sagot sa panalangin ni Samuel, nagsilbing patunay iyon sa mga Israelita na isang malaking kasamaan ang nagawa nila nang humingi sila ng isang taong hari. (1Sa 12:17-19; tingnan din ang Kaw 26:1.) Ngunit inaapawan naman noon ng Ilog Jordan ang mga pampang nito dulot ng huling mga pag-ulan sa maagang bahagi ng tagsibol at ng natutunaw na niyebe mula sa Kabundukan ng Lebanon.​—Jos 3:15; 5:10, 11.

Mainit sa Palestina kapag panahon ng pag-aani, kaya naman doo’y lubhang nakarerepresko ang isang ulap ng hamog. (Isa 18:4) Ang isang inumin na pinalamig ng niyebe mula sa mga bundok ay nakagiginhawa, at maliwanag na ito, sa halip na ang pag-ulan ng niyebe, ang tinutukoy ng paralelismo sa Kawikaan 25:13, yamang isang kalamidad kung uulan ng niyebe sa panahon ng pag-aani.

Lino, Sebada, at Trigo. Sa kapaligiran ng Jerico, sinisimulang anihin ang lino sa ika-12 buwan, ang Adar (Pebrero-Marso), o sa maagang bahagi ng Nisan (Marso-Abril), ang unang buwan ng sagradong taon ng mga Hebreo. Binubunot at inaasarol ang mga tangkay ng lino at pagkatapos ay inilalatag ang mga ito upang matuyo. May mga tangkay ng lino sa bubong ni Rahab nang itago niya ang mga tiktik (Jos 2:6) noong mga unang araw ng Nisan.​—Jos 2:16, 22, 23; 3:1, 2; 4:19.

Kasunod nito ay ang pag-aani ng sebada sa buwan ng Nisan (Marso-Abril). Panahon ng pag-aani ng sebada nang pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako at nagsimula silang kumain ng bunga ng lupain noong Nisan 15. (Jos 3:15; 5:10, 11) Samantalang nagpapatuloy sa mga burol ng Palestina ang pag-aani ng sebada, kasunod naman nito ang pag-aani ng trigo sa kapatagan (Ru 1:22; 2:23; 2Sa 21:9), na nagsisimula sa buwan ng Ziv, o Iyyar (Abril-Mayo).

Pagkatapos, sa buwan ng Sivan (Mayo-Hunyo), ang pag-aani ng trigo ay nagsisimula na sa matataas na lupain. Samantalang hawak ng isang kamay niya ang mga tangkay ng butil, pinuputol ng manggagapas ang mga ito sa pamamagitan ng karit.​—Ihambing ang Deu 23:25; Isa 17:5.

Ubas, Datiles, Igos, at Olibo. Unang nahihinog ang mga ubas sa buwan ng Tamuz (Hunyo-Hulyo), anupat sa buwan ng Ab (Hulyo-Agosto) nagsisimula ang pag-aani ng ubas; sa panahong ito ay hinog na rin ang mga olibo sa mabababang lupain. Sa buwan ng Elul (Agosto-Setyembre), nagpapatuloy ang pangkalahatang pag-aani ng ubas, hinog na ang mga datiles, nagsisimula namang mahinog ang mga granada, at natipon na ang mga igos na pantag-araw. (Bil 13:23) Pagsapit ng buwan ng Etanim, o Tisri (Setyembre-Oktubre), halos tapos na ang pangkalahatang pag-aani bagaman maaaring tinitipon pa rin ang mga olibo sa hilagang Galilea sa buwan ng Bul, o Heshvan (Marheshvan) (Oktubre-Nobyembre). Ang mga olibo ay inaani sa pamamagitan ng pagpaspas sa mga sanga ng punong olibo gamit ang isang pamalo.​—Deu 24:20; tingnan ang KALENDARYO.

Mga Kapistahan. Ang tatlong pangunahing kapistahan ng Israel ay tuwirang nauugnay sa pag-aani. (Exo 23:14-17) Ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, na nagsisimula ng Nisan 15, ay kasabay ng pag-aani ng sebada. Kapag Nisan 16, ang “araw pagkaraan ng sabbath” (hindi laging nangangahulugan na isang lingguhang sabbath, yamang ang unang araw ng kapistahan ay itinatalaga bilang isang sabbath anumang araw iyon mapatapat), ikinakaway ng mataas na saserdote sa harap ni Jehova ang isang tungkos ng mga unang bunga ng pag-aani ng sebada.​—Lev 23:6-11.

Ang Kapistahan ng mga Sanlinggo, o Pentecostes, ay ipinagdiriwang naman sa ika-50 araw mula Nisan 16. Ito ay sa panahon ng pag-aani ng trigo. Sa araw na iyon, dalawang tinapay na may lebadura at gawa sa mga unang bunga ng bagong butil ang inihahandog kay Jehova bilang handog na ikinakaway. (Lev 23:15-17) Maliwanag na ang pitong sanlinggo ng pag-aani sa pagitan ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa at Kapistahan ng Pentecostes ang tinutukoy ni Jeremias nang ilarawan niya si Jehova bilang “ang Isa na nagbabantay sa itinakdang mga sanlinggo ng pag-aani para sa atin,” anupat iniingatan Niya ang yugtong iyon bilang isang panahon ng tagtuyo, yamang ang ulan ay makapipinsala sa pag-aani.​—Jer 5:24; ihambing ang Am 4:7.

Sa Kapistahan ng mga Kubol, o ng Pagtitipon ng Ani, na nagsisimula sa ika-15 araw ng ikapitong buwan na Etanim, o Tisri, ang kalakhang bahagi ng taóng agrikultural ay sumasapit sa isang maligayang pagtatapos, yamang sa panahong iyon ay tapos na ang pangkalahatang pag-aani.​—Lev 23:33-36, 39-43; tingnan ang KAPISTAHAN at ang iba’t ibang kapistahan sa ilalim ng kani-kaniyang pamagat.

Makasagisag na Paggamit. Inihahambing sa pag-aani ang pagbabalik ng bayan mula sa pagkatapon at ang pagtitipon sa mga tao ukol sa buhay (Os 6:11; Mat 9:37, 38; Luc 10:2; Ju 4:35-38), gaya rin ng pagtitipon at pagpuksa sa mga balakyot. (Jer 51:33; Apo 14:17-20) Tinukoy ni Kristo Jesus bilang pag-aani ang “katapusan ng sistema ng mga bagay,” anupat sa panahong iyon, titipunin ng mga anghel, na gaganap na mga manggagapas, ang lahat ng mga tulad-panirang-damo at ihahagis nila ang mga ito sa “maapoy na hurno,” samantalang ang mga tulad-trigo naman ay “sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.” (Mat 13:24-30, 36-43) Ang gawaing pag-aaning ito ay isinasagawa sa ilalim ng patnubay ni Jesu-Kristo, sapagkat sa aklat ng Apocalipsis, siya, bilang isa na “tulad ng isang anak ng tao,” ay inilalarawan na may matalas na karit sa kaniyang kamay.​—Apo 14:14-16; tingnan ang AGRIKULTURA; MANGGAGAPAS, PAGGAPAS.