Pag-aasawa Bilang Bayaw
Isang kaugalian kung saan kinukuha ng isang lalaki bilang asawa ang walang-anak na balo ng kaniyang namatay na kapatid upang makapagluwal ng supling na magpapanatili sa linya ng kaniyang kapatid. Ang pandiwang Hebreo na nangangahulugang “tuparin ang pag-aasawa bilang bayaw” ay ya·vamʹ, at nauugnay sa mga terminong Hebreo para sa “bayaw” at “balo ng kapatid.”—Gen 38:8; Deu 25:5, tlb sa Rbi8; 25:7.
Ang kautusan sa Deuteronomio 25:5, 6 may kinalaman sa pag-aasawa bilang bayaw ay kababasahan: “Kung ang magkapatid na lalaki ay manahanang magkasama at ang isa sa kanila ay mamatay na walang anak, ang asawa ng namatay ay hindi dapat mapunta sa ibang lalaki sa labas. Ang kaniyang bayaw ay dapat pumaroon sa kaniya, at kukunin siya nito bilang asawa at tutuparin sa kaniya ang pag-aasawa bilang bayaw. At mangyayari nga na ang panganay na ipanganganak niya ay dapat humalili sa pangalan ng kapatid nitong namatay, upang ang kaniyang pangalan ay hindi mapawi sa Israel.” Walang alinlangang kumakapit ito sa natitirang kapatid na lalaki may asawa man o wala.
Si Jehova ang “pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa.” (Efe 3:15) Ikinababahala niya ang pananatili ng pangalan at linya ng pamilya. Ang simulaing ito ay sinunod noong panahon ng mga patriyarka at nang maglaon ay inilakip sa tipang Kautusan sa Israel. Ang babae ay hindi dapat “mapunta sa ibang lalaki sa labas,” samakatuwid nga, hindi siya dapat mapangasawa ng sinuman sa labas ng pamilya. Kapag kinuha siya ng kaniyang bayaw, dadalhin ng panganay, hindi ang pangalan ng bayaw, kundi ang pangalan ng lalaking namatay. Hindi ito nangangahulugan na sa lahat ng kaso ay magiging kapangalan ng namatay ang bata kundi nangangahulugang ipagpapatuloy ng bata ang linya ng pamilya at ang minanang pag-aari ay mananatili sa sambahayan ng lalaking namatay.
Lumilitaw na ang pananalitang “kung ang magkapatid na lalaki ay manahanang magkasama” ay hindi naman nangangahulugang nakatira sila sa iisang bahay kundi nakatira sila sa iisang lugar. Gayunman, sinasabi ng Mishnah (Yevamot 2:1, 2) na hindi ito nangangahulugang nakatira sila sa iisang komunidad kundi nabubuhay sila sa iisang panahon. Sabihin pa, kung masyadong magkalayo ang kanilang tirahan, magiging mahirap para sa natitirang kapatid na pangalagaan ang kaniyang sariling mana at ang mana ng kaniyang kapatid hanggang sa magkaroon ng isang tagapagmana na makagagawa nito. Ngunit ang mga mana ng pamilya ay kadalasang nasa iisang lugar.
Ang isang halimbawa ng pag-aasawa bilang bayaw noong panahon ng mga patriyarka ay ang nangyari kay Juda. Kinuha niya si Tamar upang mapangasawa ni Er na kaniyang panganay, ngunit dahil naging masama si Er sa paningin ni Jehova, pinatay siya ni Jehova. “Dahil doon ay sinabi ni Juda kay Onan [na kapatid ni Er]: ‘Sipingan mo ang asawa ng iyong kapatid at tuparin mo sa kaniya ang pag-aasawa bilang bayaw at magbangon ka ng supling para sa iyong kapatid.’ Ngunit alam ni Onan na ang supling ay hindi magiging kaniya; at nangyari, nang sipingan niya ang asawa ng kaniyang kapatid ay pinatapon niya ang kaniyang semilya sa lupa upang hindi magbigay ng supling sa kaniyang kapatid.” (Gen 38:8, 9) Dahil tumanggi si Onan na gampanan ang kaniyang obligasyon may kinalaman sa kaayusan ng pag-aasawa bilang bayaw, pinatay siya ni Jehova. Pagkatapos ay sinabihan ni Juda si Tamar na maghintay hanggang sa lumaki ang kaniyang ikatlong anak na si Shela, ngunit hindi ipinatupad ni Juda kay Shela ang kaniyang tungkulin kay Tamar.
Nang maglaon, pagkamatay ng asawa ni Juda, minaniobra ni Tamar ang mga pangyayari upang makapagsilang siya ng isang tagapagmana mula sa kaniyang biyenan. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagbabalatkayo, anupat naglagay siya ng isang alampay at isang talukbong sa kaniyang sarili, at umupo siya sa tabi ng daan na alam niyang daraanan ni Juda. Napagkamalan siya ni Juda na isang patutot at sinipingan siya nito. Humingi siya ng ilang bagay mula rito bilang katibayan ng kanilang pagsisiping, at nang lumabas ang katotohanan, hindi siya sinisi ni Juda kundi ipinahayag nito na mas matuwid si Tamar kaysa sa kaniya. Sinasabi ng rekord na hindi na siya nakipagtalik kay Tamar nang malaman niya kung sino ito. Kaya di-sinasadyang si Gen 38.
Juda mismo ang nakapagbangon ng isang tagapagmana para kay Er sa pamamagitan ng kaniyang manugang na babae.—Sa ilalim ng Kautusan, sakaling ayaw tuparin ng bayaw ang kaniyang tungkulin, dadalhin ng balo ang usaping ito sa matatandang lalaki ng lunsod at ipaaalam sa kanila ang tungkol dito. Haharap sa kanila ang lalaki at sasabihin na ayaw niyang mapangasawa ang babae. Sa gayon ay huhubarin ng balo ang sandalyas ng lalaki mula sa paa nito at duduraan niya ito sa mukha. Pagkatapos nito, ang “pangalan [ng lalaki] ay tatawagin sa Israel na ‘Ang bahay niyaong hinubaran ng kaniyang sandalyas,’” isang pananalitang dumudusta sa kaniyang sambahayan.—Deu 25:7-10.
Ang kaugaliang pag-aalis ng sandalyas ay maaaring nagmula sa ginagawa ng isang tao kapag inaari niya ang isang lupaing ari-arian, anupat nilalakaran niya ang lupa at ipinahahayag ang kaniyang karapatan bilang may-ari nito sa pamamagitan ng pagtayo roon suot ang kaniyang mga sandalyas. Kapag inalis niya ang kaniyang sandalyas at iniabot ito sa iba, tinatalikuran niya ang kaniyang posisyon at ari-arian sa harap ng itinalagang matatandang saksi sa pintuang-daan ng lunsod.—Ru 4:7.
Higit pa tayong maliliwanagan tungkol sa bagay na ito sa aklat ng Ruth. Isang Judeanong lalaki na nagngangalang Elimelec ang namatay, gayundin ang kaniyang dalawang anak na lalaki, anupat naiwan ang kaniyang balong si Noemi at dalawang nabalong manugang na babae. May isang lalaking tinukoy sa Bibliya bilang si “Kuwan” na isang malapit na kamag-anak ni Elimelec, marahil ay kapatid niya. Yamang ang lalaking ito ang pinakamalapit na kamag-anak, siya ang tinatawag na go·ʼelʹ, o manunubos. Tumanggi ang isang ito na gampanan ang kaniyang tungkulin, hinubad ang kaniyang sandalyas, at maliwanag na ibinigay ito kay Boaz, sa gayon ay si Boaz ang naging sumunod na pinakamalapit na kamag-anak na may karapatang tumubos. Pagkatapos ay binili ni Boaz ang lupain ni Elimelec at sa gayon ay kinuha si Noemi, ngunit yamang napakatanda na ni Noemi upang magkaanak, ang balong manugang na si Ruth ang aktuwal na naging asawa ni Boaz upang magbangon ng isang anak sa pangalan ni Elimelec. Nang isilang ang batang si Obed, sinabi ng mga kapitbahay na babae: “Isang anak na lalaki ang isinilang kay Noemi,” anupat itinuring nila na ang bata ay anak nina Elimelec at Noemi. Sina Boaz at Ruth ay nakapagsagawa ng paglilingkod kay Jehova, anupat ang pangalang ibinigay sa kanilang anak ay nangangahulugang “Lingkod; Isa na Naglilingkod.” Pinagpala ni Jehova ang kaayusang ito, sapagkat si Obed ay naging ninuno ni David at sa gayon ay nasa linya ng angkan ni Jesu-Kristo.—Ru 4.
Maliwanag na ang karapatan sa pag-aasawa bilang bayaw ay nagsisimula sa pinakamalapit na kamag-anak na lalaki gaya ng nakabalangkas sa kautusan na umuugit sa pagmamana ng ari-arian, samakatuwid nga, ang pinakamatandang kapatid na lalaki, ang iba pang mga kapatid na lalaki ayon sa edad, pagkatapos ay ang tiyo sa panig ng ama, at ang iba pang mga kamag-anak na lalaki. (Bil 27:5-11) Sa Mateo 22:23-28 at Lucas 20:27-33 ay may binanggit hinggil sa pag-aasawa bilang bayaw na nagpapahiwatig na kapag ang isa na dapat kumuha sa walang-anak na balo ng isang lalaki ay namatay, ang pagganap sa tungkuling iyon ay ipapasa sa kasunod na kapatid na lalaki. Maliwanag na hindi puwedeng gumanap ang isang kapatid na lalaki kung mayroon pang ibang nakatatandang kapatid na lalaki, na may pangunahing obligasyon, maliban na lamang kung ayaw nitong gampanan ang obligasyong iyon.