Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-ali ng Demonyo

Pag-ali ng Demonyo

Ang mapang-aliping kontrol at impluwensiya sa isang tao ng di-nakikitang balakyot na espiritu. Noong panahon ng Bibliya, ang mga taong inaalihan ng demonyo ay napipighati sa iba’t ibang paraan: ang ilan ay di-makapagsalita, ang ilan ay bulag, ang ilan ay parang nababaliw, at ang ilan ay nagkaroon ng lakas na nakahihigit sa tao. Silang lahat ay pinagmalupitan ng di-nakikitang mga maton na ito. (Mat 9:32; 12:22; 17:15; Mar 5:3-5; Luc 8:29; 9:42; 11:14; Gaw 19:16) Nambiktima sila ng mga lalaki, mga babae, at mga bata. (Mat 15:22; Mar 5:2) Kung minsan, lumulubha ang paghihirap ng isang tao kapag maraming demonyo ang sabay-sabay na sumanib sa kaniya. (Luc 8:2, 30) Kapag napalayas ang demonyo, ang taong inalihan ay bumabalik sa normal at matinong pag-iisip. Magkaiba ang pag-ali ng demonyo at ang ordinaryong pisikal na sakit at karamdaman, sapagkat kapuwa pinagaling ni Jesus ang dalawang uring ito ng kalagayan.​—Mat 8:16; 17:18; Mar 1:32, 34.

Kabilang sa pinakadakilang mga himala ni Jesus ang pagpapalaya sa mga taong inaalihan mula sa pang-aalipin ng mga demonyo. Walang kalaban-laban sa kaniya ang mga demonyo. Subalit hindi lahat ay natuwa sa kaniyang pagpapalayas ng mga demonyo. Inakusahan siya ng mga Pariseo ng pakikipagsabuwatan sa tagapamahala ng mga demonyo, si Beelzebub, bagaman sa katunayan, gaya ng sinabi ni Jesus, sila mismo ang mga supling ng Diyablo. (Mat 9:34; 12:24; Mar 3:22; Luc 11:15; Ju 7:20; 8:44, 48-52) Batid ni Jesus ang pinagmulan ng kaniyang kapangyarihang sumupil ng mga demonyo, at hayagan niyang sinabi na iyon ay ang espiritu ni Jehova. (Mat 12:28; Luc 8:39; 11:20) Nakilala mismo ng mga demonyo kung sino si Jesus at tinawag nila siyang “Anak ng Diyos,” “ang Banal ng Diyos,” at “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos.” (Mat 8:29; Mar 1:24; 3:11; 5:7; Luc 4:34, 41; Gaw 19:15; San 2:19) Ngunit hindi niya sila kailanman pinahintulutang magpatotoo tungkol sa kaniya. (Mar 3:12) Sa kabilang dako, isang lalaki na pinalaya mula sa kapangyarihan ng mga demonyo ang sinabihang ipahayag sa kaniyang mga kamag-anak ang ‘lahat ng mga bagay na ginawa ni Jehova para sa kaniya.’​—Mar 5:18-20.

Binigyan din ni Jesus ng awtoridad sa mga demonyo ang kaniyang 12 apostol, at nang maglaon ay pati ang 70 na kaniyang isinugo, anupat sa pangalan ni Jesus ay nakapagpagaling din sila ng mga inaalihan ng demonyo. (Mat 10:8; Mar 3:15; 6:13; Luc 9:1; 10:17) Kahit yaong hindi matalik na kasamahan ni Jesus o ng kaniyang mga apostol ay nakapagpalayas ng demonyo salig sa pangalan ni Jesus. (Mar 9:38-40; Luc 9:49, 50) Pagkamatay ni Jesus, taglay pa rin ng mga apostol ang kapangyarihang ito. Inutusan ni Pablo ang “isang demonyo ng panghuhula” na lumabas mula sa isang aliping babae, na lubha namang ikinagalit ng maibigin-sa-salaping mga panginoon nito. (Gaw 16:16-19) Ngunit nang may mga impostor, ang pitong anak na lalaki ng saserdoteng si Esceva, na magtangkang magpalayas ng demonyo sa pangalan ni “Jesus na ipinangangaral ni Pablo,” silang pito ay sinunggaban ng taong inaalihan ng demonyo, binugbog nang husto at pinaghuhubaran.​—Gaw 19:13-16.

Kadalasan, ang mabangis at di-makontrol na paggawi ng mga taong may sakit sa isip ay dahil sa pag-ali ng di-nakikitang mga kampon ni Satanas. Kung minsan, iniuulat na ang mga espiritista ay nakapagpapalayas ng mga demonyo, anupat ipinaaalaala nito ang sinabi ni Jesus: “Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami . . . nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo . . . ?’ At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo kailanman nakilala!” (Mat 7:22, 23) Dahil dito, dapat nating sundin ang payo na, “Maging mapagbantay,” at, “Isuot ninyo ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo” at ng kaniyang mga demonyo.​—1Pe 5:8; Efe 6:11.