Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-asa

Pag-asa

Maaari itong mangahulugan ng pagtitiwala o pananalig; pagnanasa na may kasamang pag-asam sa bagay na ninanasa o paniniwala na makakamit ito; isa na pinakasentro ng mga pag-asa; isang dahilan upang umasa, o pangako; isang bagay na inaasahan, o pinagtutuunan ng pag-asa. Ang pandiwang salitang-ugat na Hebreo na qa·wahʹ, kung saan nagmula ang mga terminong isinasalin bilang “pag-asa,” ay may pangunahing kahulugan na ‘maghintay’ nang may-pananabik na pag-asam. (Gen 49:18) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang diwa ng terminong Griego na el·pisʹ (pag-asa) ay “pag-asam ng mabuti.”

Walang Tunay na Pag-asa Kung Wala ang Diyos. Ang tunay na pag-asa na binabanggit sa Bibliya ay higit pa sa basta pagnanasa lamang, na maaaring walang saligan o posibilidad na matupad. Mas mainam din ito kaysa sa basta pag-asam lamang, sapagkat yaong mga bagay na inaasam ay hindi naman laging kanais-nais. Ipinakikita ng Bibliya na ang mga tao sa sanlibutan ay walang tunay at matibay na pag-asa. Ang sangkatauhan ay namamatay, at palibhasa’y wala silang kaalaman hinggil sa isang paglalaan mula sa isa na nakatataas, wala silang pag-asa sa hinaharap. Inilarawan ni Solomon ang kawalang-saysay ng kalagayan ng tao, kung hindi makikialam ang Diyos, bilang “kaylaking kawalang-kabuluhan! . . . Ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan.”​—Ec 12:8; 9:2, 3.

Sinabi ng tapat na patriyarkang si Job na maging ang isang punungkahoy ay may pag-asang sumibol muli, ngunit ang tao, kapag namatay siya, ay lubusang naglalaho. Ngunit ipinahiwatig din ni Job na ang tinutukoy niya ay ang tao sa ganang sarili nito na walang tulong mula sa Diyos, sapagkat nagpahayag siya ng pag-asam at pag-asa na aalalahanin siya ng Diyos. (Job 14:7-15) Sa katulad na paraan, sinabihan ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyano na yamang sila ay may pag-asa ng pagkabuhay-muli, hindi sila dapat “malumbay na gaya rin ng iba na walang pag-asa.” (1Te 4:13) Bukod dito, may kinalaman sa mga Kristiyanong Gentil, itinawag-pansin ni Pablo sa kanila na bago sila nagkaroon ng kaalaman hinggil sa paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, sila’y hiwalay sa bansa na noon pa man ay pinakikitunguhan na ng Diyos, at bilang mga Gentil, sila noon ay “walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.”​—Efe 2:12.

Ang mga pananalita ng mga walang pag-asa sa Diyos at sa kaniyang pangako na pagkabuhay-muli ng mga patay ay katulad ng mga salita ng masuwaying mga tumatahan sa Jerusalem na nagpakasasa sa makalamang kasiyahan, sa halip na magpakita ng pagsisisi at kalumbayan dahil sa nalalapit na pagkawasak ng kanilang lunsod bilang isang kahatulan mula sa Diyos. Sinabi nila: “Magkaroon ng kainan at inuman, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.” (Isa 22:13) Binabalaan ng apostol ang mga Kristiyano hinggil sa panganib na mahawahan sila ng saloobin ng mga taong ito na walang pag-asa.​—1Co 15:32, 33.

Maling mga Pag-asa. Hindi itinatanggi ni Pablo na ang mga tao sa sanlibutan ay mayroon din namang itinataguyod na makatuwirang mga pag-asa, anupat kapuri-puri pa nga ang ilan sa mga ito. Sa halip, ipinakikita niya na kung wala ang Diyos ay walang patutunguhan ang mga pag-asa ng isang tao. Ang totoo, mawawalan ng saysay ang mga ito sa bandang huli.

Ngunit bukod sa di-gaanong mahalaga, pangkaraniwan, at normal na mga pag-asa ng tao mayroon ding masasamang pag-asa. May mga pag-asa na may-kabalakyutang inaasam. Sa ilang kaso, waring natutupad ang mga ito, ngunit sa totoo ay pansamantala lamang ang katuparan ng mga ito, sapagkat sinasabi ng isang kawikaan: “Ang pag-asam ng mga matuwid ay isang kasayahan, ngunit ang pag-asa ng mga balakyot ay maglalaho.” (Kaw 10:28) Karagdagan pa, “Kapag namatay ang taong balakyot, ang kaniyang pag-asa ay naglalaho; at maging ang pag-asam na salig sa kapangyarihan ay naglaho.” (Kaw 11:7) Kaya, ang sakim na mga pag-asa, at ang mga pag-asang nakasalig sa huwad na pundasyon ng materyalismo, sa mga kasinungalingan, sa maling mga pakikipag-ugnayan, o sa kapangyarihan o mga pangako ng mga tao, ay tiyak na mabibigo.

Ang Pinagmumulan ng Pag-asa. Ang Diyos na Jehova ang Pinagmumulan ng tunay na pag-asa at ang Isa na makatutupad sa lahat ng kaniyang mga pangako at sa mga pag-asa ng mga nagtitiwala sa kaniya. Sa pamamagitan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan ay binigyan niya ng “kaaliwan at mabuting pag-asa” ang sangkatauhan. (2Te 2:16) Mula’t sapol, siya ang pag-asa ng mga taong matuwid. Tinawag siyang “pag-asa ng Israel” at ‘pag-asa ng mga ninuno ng Israel’ (Jer 14:8; 17:13; 50:7), at ang Hebreong Kasulatan ay naglalaman ng maraming kapahayagan ng pag-asa, pagtitiwala, at pananalig sa kaniya. Dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan sa bayan niya, kahit noong ang mga ito ay yayaon sa pagkatapon dahil sa pagkamasuwayin sa kaniya, sinabi niya sa kanila: “Nalalaman kong lubos ang mga kaisipan na iniisip ko tungkol sa inyo, . . . mga kaisipang ukol sa kapayapaan, at hindi ukol sa kapahamakan, upang bigyan kayo ng kinabukasan at pag-asa.” (Jer 29:11) Pinanatiling buháy ng pangako ni Jehova ang pananampalataya at pag-asa ng tapat na mga Israelita noong panahon ng pagkatapon sa Babilonya. Lubha nitong pinalakas ang mga lalaking gaya nina Ezekiel at Daniel, sapagkat sinabi ni Jehova: “May pag-asa ang iyong kinabukasan, . . . at ang mga anak ay tiyak na babalik sa kanilang sariling teritoryo.” (Jer 31:17) Natupad ang pag-asang iyon nang bumalik noong 537 B.C.E. ang tapat na mga Judiong nalabi upang muling itayo ang Jerusalem at ang templo nito.​—Ezr 1:1-6.

Wastong Umasa Ukol sa Gantimpala. Hindi kasakiman na umasa ang lingkod ng Diyos na tatanggap siya ng gantimpala. Sapagkat kapag ang isang tao ay may tamang pangmalas at wastong unawa tungkol sa Diyos, batid niyang ang maibiging-kabaitan at ang pagkabukas-palad ay namumukod-tanging mga katangian ng Diyos. Hindi lamang naniniwala ang taong iyon na umiiral ang Diyos, kundi gayundin “na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Heb 11:6) Ang pag-asa ay nakatutulong sa isang ministrong Kristiyano na manatiling timbang at magpatuloy sa paglilingkod sa Diyos, yamang nababatid niyang ilalaan ni Jehova ang kaniyang pang-araw-araw na mga pangangailangan. Itinawag-pansin ito ng apostol na si Pablo, anupat humalaw siya sa mga simulaing nakasaad sa Kautusan. Sinipi ni Pablo ang kautusan sa Deuteronomio 25:4: “Huwag mong bubusalan ang toro habang ito ay gumigiik.” Pagkatapos ay idinagdag niya: “Tunay ngang nakasulat iyon para sa ating kapakanan, sapagkat ang taong nag-aararo ay dapat na mag-araro na may pag-asa at ang taong gumigiik ay dapat na gumawa nito sa pag-asang maging kabahagi.”​—1Co 9:9, 10.

Mahalaga sa Pananampalataya. Ang pag-asa ay mahalaga rin sa pananampalataya; ito ang pundasyon at saligan ng pananampalataya. (Heb 11:1) Sa kabilang dako naman, pinalilinaw at pinatatatag ng pananampalataya ang pag-asa. Upang palakasin ang mga Kristiyano, binanggit ng apostol na si Pablo ang mainam na halimbawa ni Abraham. Sa pangmalas ng tao, si Abraham at ang kaniyang asawang si Sara ay wala nang pag-asang magkaanak pa, ngunit ganito ang sinabi tungkol kay Abraham: “Bagaman wala nang pag-asa, gayunma’y salig sa pag-asa ay nagkaroon siya ng pananampalataya, upang siya ang maging ama ng maraming bansa ayon sa sinabi: ‘Magiging gayon ang iyong binhi.’⁠” Batid ni Abraham na kung tungkol sa pagkakaroon ng mga anak, ang katawan niya at yaong kay Sara ay “patay na.” Subalit hindi siya nanghina sa pananampalataya. Bakit? “Dahil sa pangako ng Diyos ay hindi siya nag-urong-sulong sa kawalan ng pananampalataya, kundi naging malakas sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya.”​—Ro 4:18-20.

Pagkatapos nito ay ikinapit ng apostol sa mga Kristiyano ang halimbawa ng pananampalataya at pag-asa ni Abraham, na sinasabi: “Magbunyi tayo, salig sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos . . . at ang pag-asa ay hindi umaakay sa kabiguan; sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng banal na espiritu, na ibinigay sa atin.”​—Ro 5:2, 5.

Ang Pag-asa ng mga Kristiyano. Ang pag-asa ng mga Kristiyano at ng sangkatauhan mismo ay nakasalalay kay Jesu-Kristo. Ang pagtatamo ng walang-hanggang buhay sa langit o sa lupa ay nabuksan lamang sa sangkatauhan noong si Kristo Jesus ay “nagpasikat ng liwanag sa buhay at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng mabuting balita.” (2Ti 1:10) Sinabi sa inianak-sa-espiritung mga kapatid ni Kristo na sila ay nagkaroon ng makalangit na pag-asa dahil sa dakilang awa ng Diyos, na nagbigay sa kanila ng “isang bagong pagsilang tungo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay.” (1Pe 1:3, 4; Col 1:5, 27; Tit 1:1, 2; 3:6, 7) Ang maligayang pag-asang ito ay matutupad “sa pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo.” (1Pe 1:13, 21; Tit 2:13) Kaya naman, si Kristo Jesus ay tinatawag na “ating pag-asa” ng apostol na si Pablo.​—1Ti 1:1.

Ang pag-asang ito na buhay na walang hanggan at kawalang-kasiraan para sa “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag” (Heb 3:1) ay may matibay na saligan at talagang maaasahan. Sinusuhayan ito ng dalawang bagay na doon ay imposibleng magsinungaling ang Diyos, samakatuwid nga, ang kaniyang pangako at ang kaniyang sumpa, at ang pag-asa ay nasa kay Kristo, na ngayon ay isa nang imortal sa langit. Kaya naman, ang pag-asang ito ay tinutukoy bilang “angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag, at pumapasok ito sa loob ng kurtina [kung paanong ang mataas na saserdote ay pumapasok sa Kabanal-banalan sa Araw ng Pagbabayad-Sala], kung saan isang tagapagpauna ang pumasok alang-alang sa atin, si Jesus, na naging isang mataas na saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec magpakailanman.”​—Heb 6:17-20.

Dapat linangin at ingatan. Laging idiniriin ng Bibliya ang pangangailangan na ang mga Kristiyano ay manghawakan sa “isang pag-asa.” (Efe 4:4) Humihiling ito ng patuloy na kasipagan at ng paggamit ng kalayaan sa pagsasalita at “paghahambog” sa pag-asa mismo. (Heb 3:6; 6:11) Ang pag-asa ay nalilinang sa pamamagitan ng pagbabata sa ilalim ng kapighatian. Umaakay ito sa isang sinang-ayunang kalagayan sa harap ng Diyos, na siyang pinagmumulan ng pag-asa. (Ro 5:2-5) Binabanggit ito kasama ng pananampalataya at pag-ibig bilang isa sa tatlong katangian na naging pagkakakilanlan ng kongregasyong Kristiyano mula nang maglaho ang makahimalang mga kaloob ng espiritu na umiiral noon sa unang-siglong kongregasyon.​—1Co 13:13.

Mga katangian at kapakinabangan. Napakahalaga ng pag-asa para sa isang Kristiyano. Kaugnay ito ng kagalakan, ng kapayapaan, at ng kapangyarihan ng banal na espiritu. (Ro 15:13) Nakatutulong ito sa isa na magkaroon ng kalayaan sa pagsasalita sa paglapit sa Diyos para sa Kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan at awa. (2Co 3:12) Tinutulungan din nito ang isang Kristiyano na makapagbata nang may pagsasaya, anuman ang kalagayan. (Ro 12:12; 1Te 1:3) Kung paanong ipinagsasanggalang ng helmet ang ulo ng isang mandirigma, ipinagsasanggalang din ng pag-asa ang mga kakayahang pangkaisipan, anupat tinutulungan ang isang Kristiyano na manatiling tapat. (1Te 5:8) Ang pag-asa ay nakapagpapatatag, sapagkat, samantalang hindi pa taglay ng pinahirang Kristiyano na narito pa sa lupa ang gantimpalang buhay sa langit, napakatibay ng kaniyang pagnanasa at pag-asam sa pag-asang iyon anupat sa kabila ng matitinding pagsubok at mga kahirapan, patuloy niyang hinihintay iyon nang may pagtitiis at pagbabata.​—Ro 8:24, 25.

Ang pag-asa ay nakatutulong sa isang Kristiyano na panatilihing malinis ang kaniyang paraan ng pamumuhay, sapagkat alam niyang ang Diyos at si Kristo, kung kanino nakasalalay ang pag-asa, ay dalisay at na hindi siya makaaasang siya’y magiging tulad ng Diyos at tatanggap ng gantimpala kung nagsasagawa siya ng karumihan o kalikuan. (1Ju 3:2, 3) May malapit na kaugnayan ito sa pinakadakilang katangian, ang pag-ibig, sapagkat kung ang isa ay may tunay na pag-ibig sa Diyos, aasahan din niya ang lahat ng pangako ng Diyos. At, bukod pa rito, aasamin niya ang pinakamabuti para sa kaniyang mga kapatid sa pananampalataya, anupat iniibig sila at nagtitiwala sa kataimtiman ng kanilang puso kay Kristo.​—1Co 13:4, 7; 1Te 2:19.

Nakahihigit sa pag-asa sa ilalim ng Kautusan. Bago pa ibigay ang Kautusan sa Israel, ang tapat na mga ninuno ng bansa ay umaasa na sa Diyos. (Gaw 26:6, 7; Gen 22:18; Mik 7:20; 2Ti 1:3) Hinihintay nila noon ang paglalaan ng Diyos para sa buhay. Nang dumating ang Kautusan, waring iyon na ang magiging katuparan ng kanilang pag-asa. Ngunit, sa kabaligtaran, inilantad ng Kautusan ang lahat bilang mga makasalanan sa harap ng Diyos at, sa pamamagitan ng paghahayag sa mga pagsalansang, hinatulan nito ng kamatayan ang lahat ng nasa ilalim nito. (Gal 3:19; Ro 7:7-11) Ang Kautusan mismo ay banal, hindi masama. Gayunman, dahil sa mismong kabanalan at pagiging matuwid nito, inilantad nito ang mga di-kasakdalan ng mga nasa ilalim nito. (Ro 7:12) Gaya ng inihula sa pamamagitan ng mga propeta, kinailangan ng Diyos na magpasok ng “isang mas mabuting pag-asa” sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, anupat isinasaisantabi ang Kautusan at tinutulungan yaong mga nananampalataya kay Kristo na lumapit sa Diyos.​—Heb 7:18, 19; 11:40; ihambing ang Jer 31:31-34.

Pag-asa para sa buong sangkatauhan. Ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay higit pang napadadakila yamang ang kamangha-manghang pag-asa na binuksan niya para sa espirituwal na mga kapatid ni Jesu-Kristo, na maging mga kasamang tagapagmana nito sa makalangit na pagtawag (Heb 3:1), ay mayroon ding malapit na kaugnayan sa isang pag-asa para sa buong sangkatauhan na nagnanais maglingkod sa Diyos. Pagkatapos niyang banggitin ang tungkol sa pag-asa niyaong mga magiging makalangit na “mga anak ng Diyos” at mga kasamang tagapagmana ni Kristo, ipinaliwanag ng apostol na si Pablo: “Ang may-pananabik na pag-asam ng sangnilalang ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos. Sapagkat ang sangnilalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay, hindi ayon sa sarili nitong kalooban kundi sa pamamagitan niya na nagpasakop nito, salig sa pag-asa na ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”​—Ro 8:14, 17, 19-21.

Ayon sa mga salita ni Pablo sa Roma 8:20, 21, hindi pinuksa ng Diyos na Jehova ang ninuno ng tao na si Adan noong magkasala ito, sa halip ay pinahintulutan niyang isilang ang mga tao mula sa isang di-sakdal na ama, anupat nakaharap sa kanila ang kawalang-saysay hindi dahil sa nakagawa sila ng sinasadyang pagkakasala, kundi dahil sa minanang di-kasakdalan. Gayunman, hindi sila pinabayaan ng Diyos na manatiling walang pag-asa, kundi may-kabaitan siyang naglaan ng pag-asa sa pamamagitan ng ipinangakong “binhi” (Gen 3:15; 22:18), na si Jesu-Kristo. (Gal 3:16) Patiunang inihula ni Daniel ang panahon ng unang pagdating ng Mesiyas. (Dan 9:24-27) Napukaw ng pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo ang mga pag-asam ng bansang Israel. (Mat 3:1, 2; Luc 3:15) Tinupad ni Jesus ang pag-asang iyon sa pamamagitan ng kaniyang ministeryo, kamatayan, at pagkabuhay-muli. Subalit ang pinakadakilang pag-asa ng sangkatauhan sa pangkalahatan, kapuwa ng mga buháy at ng mga patay ay nakasalalay sa Kaharian ni Kristo, kapag siya at ang kaniyang mga kasamang tagapagmana ay naglilingkod na bilang makalangit na mga hari at mga saserdote. Pagkatapos, ang nananampalatayang sangkatauhan sa bandang huli ay palalayain mula sa kasiraan ng di-kasakdalan at kasalanan at ganap na magiging “mga anak ng Diyos.” Ang kanilang pag-asa ay lalong tumibay nang buhaying-muli ng Diyos ang kaniyang Anak mahigit na 1,900 taon na ang nakalilipas.​—Gaw 17:31; 23:6; 24:15.

Inilaan ng Diyos na Jehova ang kaniyang Salita ang Bibliya kasama na ang mga tagubilin at mga halimbawa nito, upang magkaroon ng pag-asa ang lahat ng tao. (Ro 15:4; 1Co 10:11; 2Ti 3:16, 17) Ang pag-asang ito ay kailangang ihayag sa iba niyaong mga nagtataglay nito. Sa paggawa nito, maililigtas ng isa na nagtataglay ng pag-asa ang kaniyang sarili at yaong mga nakikinig sa kaniya.​—1Pe 3:15; 1Ti 4:16.