Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-iikid

Pag-iikid

[sa Ingles, spinning].

Ang proseso ng paghatak at pagpilipit sa mga hibla ng halaman o balahibo ng hayop, gaya ng lino, bulak, balahibo ng tupa, at balahibo ng kambing, upang maging sinulid o estambre. Ang mga inikid na sinulid ay ginagamit noon sa paghahabi, pananahi, pagbuburda, o sa paggawa ng lubid.

Sa mga Hebreo at sa iba pang mga tao noon, panulid at kidkiran ang ginagamit sa prosesong ito. Sinasabi tungkol sa asawang babae na may kakayahan: “Ang kaniyang mga kamay ay iniuunat niya sa panulid, at tinatanganan ng kaniyang mga kamay ang kidkiran.” (Kaw 31:19) Ang panulid [sa Ingles, distaff] ay isang patpat kung saan maluwag na nakapaikot ang mga hiblang nalinisan at nasuyuran o kininis (Isa 19:9). Nagkakaiba-iba ang mga pamamaraan, ngunit ang isa sa mga ito ay ang paghawak sa panulid sa kaliwang kamay. Hinahatak mula roon ang mahaba-habang mga hibla at ikinakabit sa kidkiran [sa Ingles, spindle]. Ang kidkiran naman ay isang mas maikling patpat na may pangawit sa isang dulo na pinagkakabitan ng mga hibla at isang whorl (isang lapad at bilog na bagay na yari sa mabigat na materyal na gaya ng bato) na malapit sa kabilang dulo. Gamit ang kaniyang kanang kamay, pinaiikot ng mang-iikid ang nakabiting kidkiran, sa gayo’y napipilipit ang mga hibla upang maging sinulid. Pagkatapos, ang inikid na sinulid na ito ay ipinupulupot sa puluhan ng kidkiran at hinihigpitan. Inuulit-ulit ang proseso hanggang sa ang lahat ng mga hibla sa panulid ay maging isang pagkahaba-habang sinulid.

Sa sinaunang Ehipto, kapuwa nag-iikid ng sinulid ang mga lalaki at mga babae, ngunit sa mga Hebreo, waring ang pag-iikid ay pangunahing ginagawa ng mga kababaihan. Nagkapribilehiyo ang mga babaing Israelita na mag-ikid at mag-abuloy ng mga materyales para sa pagtatayo ng tabernakulo.​—Exo 35:25, 26.

Tinukoy ni Jesu-Kristo ang pag-iikid noong himukin niya ang kaniyang mga alagad na huwag mabalisa nang labis tungkol sa kanilang pananamit, kundi magtiwala na daramtan sila ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Pansinin ninyong mabuti kung paanong tumutubo ang mga liryo; hindi sila nagpapagal ni nag-iikid; ngunit sinasabi ko sa inyo, Kahit si Solomon sa kaniyang buong kaluwalhatian ay hindi nagayakan na gaya ng isa sa mga ito.”​—Luc 12:27, 28; Mat 6:28-30.