Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-iingat

Pag-iingat

Ang pangangalaga sa anumang bagay bilang legal na pananagutan.

Ang kautusan sa Bibliya na buong-linaw na nagpapaliwanag sa mga pananagutan ng isang tagapag-ingat ay binabalangkas sa Exodo 22:10-13, may kinalaman sa mga hayop na ipinagkatiwala sa iba. Ang kautusang ito, na walang alinlangang ibinatay sa isang mas naunang kautusan ng mga patriyarka (Gen 31:39), ay nagsasabi: “Kung ang isang tao ay magbigay sa kaniyang kapuwa ng . . . anumang alagang hayop upang ingatan, at ito ay mamatay o mapilayan o matangay habang walang sinumang nakatingin, . . . ang isang iyon ay hindi magbabayad. Ngunit kung ang mga iyon ay talagang ninakaw sa kaniya, siya ay magbabayad sa may-ari ng mga iyon. Kung iyon ay talagang nilapa ng mabangis na hayop, dadalhin niya iyon bilang katibayan. Ang nilapa ng mabangis na hayop ay hindi niya babayaran.”​—Ihambing ang Gen 30:31.

Kapag sinabi ng isang pastol o tagapag-alaga ng kawan na iingatan o babantayan niya ang isang kawan o bakahan, ipinakikita niya na legal niyang tinatanggap ang pangangalaga sa mga hayop na ito. Ginagarantiyahan niya sa may-ari na ang mga ito ay pakakainin at hindi mananakaw, kung hindi ay babayaran niya ang mga ito. Gayunman, hindi lubusan ang kaniyang pananagutan, sapagkat pinawawalang-sala ng nabanggit na kautusan ang tagapag-alaga sakaling may mangyari na talagang hindi kontrolado ng tao, gaya ng pagsalakay ng mababangis na hayop. Ngunit upang hindi siya managot bilang tagapag-ingat, kailangan siyang magharap ng katibayan sa may-ari, gaya halimbawa ng nilapang bangkay ng hayop. Ang may-ari naman, kapag nasuri na niya ang katibayan, ay dapat magbigay ng desisyon na ang tagapag-ingat ay walang-sala.

Sa pangkalahatan, kumakapit din ang simulaing ito sa anumang pag-aari na ipinagkatiwala, maging sa mga kaugnayang pampamilya. Halimbawa, ang pinakamatandang kapatid na lalaki ang itinuturing na legal na tagapag-alaga ng kaniyang nakababatang mga kapatid. Kaya naman mauunawaan natin ang pagkabahala ng panganay na si Ruben para sa buhay ni Jose, gaya ng nakaulat sa Genesis 37:18-30, nang magbalak ang iba pa niyang mga kapatid na patayin ito. “Sinabi niya: ‘Huwag nating patayin ang kaniyang kaluluwa.’ . . . ‘Huwag kayong magbubo ng dugo. . . . huwag ninyo siyang pagbuhatan ng marahas na kamay.’ Ang layunin niya ay iligtas siya mula sa kanilang kamay upang maibalik siya sa kaniyang ama.” At nang matuklasan ni Ruben na wala na si Jose, lubha siyang nabalisa anupat “hinapak niya ang kaniyang mga kasuutan” at bumulalas: “Ang bata ay wala na! At ako​—saan nga ako paroroon?” Alam niya na maaari siyang papanagutin sa pagkawala ni Jose. Upang makaiwas sila sa pananagutan, may-katusuhang kumatha ng katibayan ang magkakapatid upang palabasin na isang mabangis na hayop ang pumatay kay Jose. Sa gayon, binasâ nila sa dugo ng kambing ang guhit-guhit na kasuutan ni Jose. Pagkatapos ay dinala nila ang katibayang ito kay Jacob, ang kanilang ama at patriyarkang hukom, na nagpawalang-sala naman kay Ruben mula sa anumang pananagutan yamang ipinalagay niya na napatay si Jose, batay sa duguang kasuutan nito na iniharap ng kaniyang mga kapatid bilang katibayan.​—Gen 37:31-33.