Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagbabasa

Pagbabasa

Pagkatuto ng isang tao mula sa nakikita niyang nakasulat; pagbigkas nang malakas sa anumang nakasulat.

Mula pa noong unang mga panahon, naging interesado na ang mga tao sa pagbabasa. Si Haring Ashurbanipal ng Asirya, na nagtayo ng isang aklatang binubuo ng 22,000 tapyas na luwad at teksto, ay nagsabi: “Nasisiyahan ako sa pagbabasa ng mga inskripsiyon sa bato mula sa panahon bago ang baha.” (Light From the Ancient Past, ni J. Finegan, 1959, p. 216, 217) Maaaring tumutukoy ito sa ilang tradisyonal na ulat may kinalaman sa pangglobong Baha o kaya ay sa mga rekord ng Asirya bago sumapit ang isang lokal na baha. Ang tanging mga akda may kinalaman sa isang baha na natagpuan sa mga guho ng palasyo ni Ashurbanipal ay yaong ulat ng mga Babilonyo tungkol sa baha, na naglalaman ng maraming mitolohiya. Hindi matiyak sa ngayon kung talaga ngang ang mga paganong Asiryano ay nagkaroon ng tunay na mga ulat o mga akdang aktuwal na isinulat bago ang pangglobong Baha.

Sabihin pa, nagsimula ang pagbabasa noong pasimulan ang pagsulat. Tungkol sa taglay nating katibayan may kinalaman dito, tingnan ang PAGSULAT.

Sa rekord ng Bibliya tungkol sa mga pangyayari noong ika-16 na siglo B.C.E. noong mga araw ni Moises, kapansin-pansin na espesipikong tinutukoy ang pagbabasa at pagsulat. (Exo 17:14) Pinasigla ang bansang Israel na magbasa at magsulat. (Deu 6:6-9) Si Josue, bilang lider ng Israel na kahalili ni Moises, ay inutusang magbasa ng Kasulatan “araw at gabi,” nang palagian, upang maging matagumpay siya sa atas na ibinigay ng Diyos sa kaniya. Upang maidiin kay Josue ang kahalagahan ng Salita ng Diyos, at walang alinlangang bilang pantulong din sa pagsasaulo, dapat niya itong basahin “nang pabulong.”​—Jos 1:8.

Ang mga hari ng Israel ay inutusan ng Diyos na sumulat para sa kanilang sarili ng mga kopya ng Kaniyang kautusan at basahin ito araw-araw. (Deu 17:18, 19; tingnan ang PAGBUBULAY-BULAY.) Dahil sa hindi nila pagsunod sa utos na ito, ang tunay na pagsamba ay napabayaan sa lupain, anupat nagbunga ito ng pagkasira ng moral ng mga tao, na humantong naman sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E.

Noon, makababasa si Jesus mula sa lahat ng kinasihang balumbon ng Hebreong Kasulatan na nasa mga sinagoga, kung saan sa isang iniulat na pangyayari ay binasa niya sa madla ang isang teksto at ikinapit niya iyon sa kaniyang sarili. (Luc 4:16-21) Gayundin, nang tatlong ulit siyang subukin ni Satanas, ang tugon ni Jesus sa tatlong pagkakataong iyon ay, “Nasusulat.” (Mat 4:4, 7, 10) Maliwanag, pamilyar na pamilyar siya sa Kasulatan.

Napatunayan ng mga apostol, na pangalawahing mga batong pundasyon ng isang banal na templo, ang kongregasyong Kristiyano, na mahalaga sa kanilang ministeryo ang pagbabasa ng Kasulatan. Sa kanilang mga akda, sumipi sila nang daan-daang ulit mula sa Hebreong Kasulatan at inirekomenda rin nila sa iba na basahin ito. (Gaw 17:11) Napag-unawa ng mga tagapamahalang Judio na sina Pedro at Juan ay mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan. (Gaw 4:13) Ngunit hindi ito nangangahulugang hindi sila marunong bumasa at sumulat, yamang pinatutunayan ng mga liham na isinulat ng mga apostol na ito na sila’y nakababasa at nakasusulat. Gayunman, hindi sila naturuan sa mataas na edukasyon ng mga paaralang Hebreo, sa paanan ng mga eskriba. Sa ganito ring kadahilanan, namangha ang mga Judio sa pagkakaroon ni Jesus ng kaalaman, bagaman, gaya ng sinabi nila, “hindi siya nakapag-aral sa mga paaralan.” (Ju 7:15) Laganap ang pagbabasa noong panahong iyon at ipinahihiwatig ito ng ulat may kinalaman sa bating na Etiope, isang proselita, na bumabasa mula sa isinulat ng propetang si Isaias, anupat dahil dito ay nilapitan siya ni Felipe. Ginantimpalaan ang bating na ito dahil sa kaniyang masidhing interes sa Salita ng Diyos, anupat tumanggap siya ng pribilehiyong maging tagasunod ni Kristo.​—Gaw 8:27-38.

Ang bahagi ng Bibliya na isinulat bago ang unang siglo ay nasa mga wikang Hebreo at Aramaiko. Noong ikatlong siglo B.C.E., ang Hebreong Kasulatan ay isinalin sa Griego, na siyang internasyonal na wika noon. Ang buong Kristiyanong Kasulatan ay orihinal na isinulat sa Griego, maliban sa Ebanghelyo ni Mateo. Dahil dito, posible para sa karamihan ng mga taong marunong bumasa at sumulat sa Imperyo ng Roma ang magbasa ng Bibliya, at ito ay partikular nang mababasa kapuwa ng mga Judio sa Palestina at niyaong mga nasa Pangangalat.

Pinatutunayan ng pagtangkilik sa Bibliya ng napakaraming tao na isa itong aklat na madaling basahin at mahalaga, yamang di-hamak na nakahihigit ito sa lahat ng iba pang aklat pagdating sa dami ng nailathala at lawak ng sirkulasyon, at nang panahong isinusulat ang akdang ito, ang Bibliya ay naisalin na, ang kabuuan man nito o ang ilang bahagi lamang, sa mahigit na 3,000 wika at diyalekto, anupat bilyun-bilyong kopya ang ginawa. Iniuulat na makukuha ito ng mga 90 porsiyento ng populasyon ng lupa sa kanilang sariling wika.

Inilalahad ng Bibliya ang maraming kapakinabangan mula sa pagbabasa ng Kasulatan, kabilang na rito ang kapakumbabaan (Deu 17:19, 20), kaligayahan (Apo 1:3), at kaunawaan sa katuparan ng hula sa Bibliya (Hab 2:2, 3). Binababalaan nito ang mga mambabasa nito na maging mapamili sa mga babasahin: Hindi lahat ng aklat ay nakapagpapatibay at nakarerepresko sa isip.​—Ec 12:12.

Kailangan ang tulong ng espiritu ng Diyos upang magkaroon ng wastong unawa sa Salita ng Diyos. (1Co 2:9-16) Upang matamo ang unawa at ang iba pang mga kapakinabangan, dapat basahin ng isang tao ang Salita ng Diyos taglay ang isang bukás na isip, anupat isinasaisantabi ang lahat ng maling akala at pinanghahawakang opinyon; kung hindi niya iyon gagawin, magkakaroon ng tila talukbong ang kaniyang pang-unawa, gaya ng nangyari sa mga Judio na nagtakwil sa mabuting balita na ipinangaral ni Jesus. (2Co 3:14-16) Hindi sapat ang pahapyaw na pagbabasa. Dapat itong pakadibdibin ng mambabasa, anupat pinagbubuhusan ng pansin ang pag-aaral ng materyal, binubulay-bulay ito nang husto, at sinisikap na personal na makinabang mula rito.​—Kaw 15:28; 1Ti 4:13-16; Mat 24:15; tingnan ang PANGMADLANG PAGBABASA.