Pagbabata
Ang pandiwang Griego na hy·po·meʹno, literal na nangangahulugang “manatili o mamalagi sa ilalim,” ay isinasalin bilang ‘maiwan’ sa Lucas 2:43 at Gawa 17:14. Nagkaroon din ito ng diwa na “manindigan; magmatiyaga; manatiling matatag,” at sa gayon ay isinasalin bilang ‘magbata.’ (Mat 24:13) Ang pangngalang hy·po·mo·neʹ ay kadalasang tumutukoy sa may lakas-loob, matatag, o matiising “pagbabata” na hindi nawawalan ng pag-asa sa harap ng mga hadlang, pag-uusig, pagsubok, o tukso.
Kung Bakit Ito Kailangan. Kabilang sa mga bagay na maaaring mapaharap sa mga Kristiyano ang pagwawalang-bahala ng iba, pandurusta, paninira, masidhing galit, pagkapoot ng malalapit na miyembro ng pamilya, pagmamalupit, pagkabilanggo, at maging ang kamatayan. (Mat 5:10-12; 10:16-22; 24:9, 10, 39; Mar 13:9, 12, 13; Apo 13:10) Nangangailangan ito ng pagbabata. Kung wala ang mahalagang katangiang ito, talagang hindi maaaring makamit ng isang tao ang walang-hanggang buhay. (Ro 2:7; Heb 10:36; Apo 14:12) Ito ay dahil mas mahalaga ang katapusan ng landasin ng isa bilang Kristiyanong alagad kaysa sa basta pagkakaroon niya ng mahusay na pasimula. Gaya nga ng ipinahayag ni Jesu-Kristo: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mat 24:13) “Sa pamamagitan ng inyong pagbabata ay tatamuhin ninyo ang inyong mga kaluluwa.”—Luc 21:19.
Ang mga taong tumatanggap kaagad ng “salita ng Diyos,” kung mababaw lamang ang pagtanggap na iyon, ay walang pagbabata. Di-magtatagal at bibigay sila sa ilalim ng kapighatian o pag-uusig, at maiwawala nila ang pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos. Ngunit yaong mga naglilinang ng masidhing pagpapahalaga sa “salita ng Diyos” ay nagbabata nang may katatagan. Sila ay “nagbubunga nang may pagbabata,” anupat tapat na nagpapatuloy sa paghahayag ng mensahe ng Diyos sa kabila ng paghihirap, pagdurusa, at panghihina ng loob.—Luc 8:11, 13, 15.
Kung Paano Ito Mapananatili. Ang pagbubulay-bulay sa mainam na halimbawang ipinakita ng mga lingkod ng Diyos—ang mga propeta bago ang panahong Kristiyano, si Job, ang mga apostol na sina Pablo at Juan, at marami pang iba—at ang pagbibigay-pansin sa kinalabasan ng kanilang tapat na landasin ay maaaring maging isang malaking pampasigla sa isa upang mapanatili niya ang pagbabata kapag siya’y nagdurusa. (2Co 6:3-10; 12:12; 2Te 1:4; 2Ti 3:10-12; San 5:10, 11; Apo 1:9) Ang walang-kapintasang pagbabata ni Jesu-Kristo ang dapat niyang pakatandaan.—Heb 12:2, 3; 1Pe 2:19-24.
Mahalaga rin na huwag kailanman hayaan ng isa na mawala sa kaniyang isipan ang pag-asang Kristiyano, ang walang-hanggang buhay na malaya sa kasalanan. Kahit ang kamatayan sa mga kamay ng mga mang-uusig ay hindi makapagpapawalang-bisa sa pag-asang ito. (Ro 5:4, 5; 1Te 1:3; Apo 2:10) Ang pagdurusa sa kasalukuyan ay magtitinging napakadaling pagtiisan kapag inihambing sa katuparan ng dakilang pag-asang iyon. (Ro 8:18-25) Kung isasaalang-alang ang pag-asang mabuhay nang walang hanggan, ang anumang pagdurusa, bagaman matindi sa panahong ito, ay “panandalian at magaan.” (2Co 4:16-18) Kung aalalahanin ng isa na pansamantala lamang ang mga pagsubok at kung manghahawakan siyang mahigpit sa pag-asang Kristiyano, makatutulong ito upang hindi siya mawalan ng pag-asa at maging di-tapat sa Diyos na Jehova.
Ang pagbabata sa daang Kristiyano ay hindi nakadepende sa personal na lakas. Ang Kataas-taasan ang siyang umaalalay at nagpapalakas sa kaniyang mga lingkod, anupat ginagawa niya ito sa pamamagitan ng kaniyang espiritu at ng kaaliwan mula sa Kasulatan. Siya ay “naglalaan ng pagbabata” para roon sa mga lubusang nananalig sa kaniya, kaya naman wasto lamang na manalangin ang mga Kristiyano ukol sa kaniyang tulong, lakip ang paghingi ng karunungang kailangan upang maharap ang isang partikular na pagsubok. (Ro 15:4, 5; San 1:5) Hinding-hindi ipahihintulot ni Jehova na ang sinuman ay mapasailalim sa isang pagsubok na imposibleng matiis niya. Kung ang isang tao ay aasa sa Kaniya ukol sa tulong, anupat hindi nawawalan ng pananampalataya kundi lubusang nagtitiwala kay Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat ay gagawa ng daang malalabasan upang siya’y makapagbata.—1Co 10:13; 2Co 4:9.
Kapag dumaranas ng pagdurusa ang mga Kristiyano, walang limitasyon ang lakas na maaari nilang makuha. Nanalangin ang apostol na si Pablo para sa mga taga-Colosas na sila ay ‘mapalakas taglay ang buong kapangyarihan ayon sa maluwalhating kalakasan ng Diyos nang sa gayon ay makapagbata nang lubos at magkaroon ng mahabang pagtitiis taglay ang kagalakan.’ (Col 1:11) Ang isang halimbawa ng pagkilos ng “maluwalhating kalakasan” na ito ay ang pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mula sa mga patay at ang pagtataas sa kaniya sa kanan ng Ama.—Efe 1:19-21.
Nais ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak na ang lahat ay magtagumpay. Malinaw itong makikita sa pampatibay-loob may kinalaman sa pagbabata na ibinigay ni Jesu-Kristo sa mga miyembro ng mga kongregasyong Kristiyano sa Efeso, Smirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia, at Laodicea.—Apo 2:1-3, 8-10, 12, 13, 18, 19; 3:4, 5, 7, 10, 11, 14, 19-21.
Wastong Pangmalas sa mga Pagsubok. Sa pagkaalam na nakadepende sa pagbabata ng isang tao ang kaniyang walang-hanggang kinabukasan at na makapagtitiwala siya sa tulong mula sa kaitaasan, ang mga Kristiyano ay hindi dapat matakot sa mga pagsubok at mga kapighatian, anupat naghihinanakit dahil sa mga iyon o nagbibigay-daan sa pagrereklamo, pagkahabag sa sarili, o kapaitan. Nagpayo ang apostol na si Pablo: “Magbunyi tayo samantalang nasa mga kapighatian, yamang alam natin na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagbabata.” (Ro 5:3) Ang mga pagsubok na napagtagumpayan nang may pagtitiis at katatagan sa tulong ng Diyos ay magsisiwalat na taglay ng isang Kristiyano ang kinakailangang katangian na pagbabata—isang bagay na hindi aktuwal na nalalaman at hindi nababatid sa pamamagitan ng karanasan bago nagpasimula ang kapighatian.
Dapat hayaan ang pagbabata na ‘ganapin ang gawa nito’ sa pamamagitan ng pagpapahintulot na lubusang matapos ang pagsubok nang hindi sinisikap na gumamit ng di-makakasulatang pamamaraan upang matapos ito agad. Sa ganitong paraan, ang San 1:2-4.
pananampalataya ay masusubok at madadalisay, at mahahayag ang nagpapalakas na kapangyarihan nito. Maaaring malantad ang mga larangan na doo’y mahina ang isa, anupat inilalagay ang isang Kristiyano sa posisyon na makita ang mga depekto at gumawa ng kinakailangang mga pagbabago. Ang humuhubog na epekto ng mga pagsubok, kung nabata ang mga ito nang may katapatan, ay maaaring makatulong sa isang tao na maging mas matiisin, madamayin, mahabagin, mabait, at maibigin sa pakikitungo sa kaniyang kapuwa. Sa gayon, sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa pagbabata na ‘ganapin ang gawa nito,’ ang isang tao ay ‘hindi magkukulang ng anumang’ bagay na hinahanap ng Diyos na Jehova sa kaniyang sinang-ayunang mga lingkod.—