Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagbabayubay

Pagbabayubay

Sa literal na diwa, ang pagpapako sa isang biktima, patay man o buháy, sa tulos o poste. Ang pagpatay kay Jesu-Kristo ang pinakakilalang halimbawa nito. (Luc 24:20; Ju 19:14-16; Gaw 2:23, 36) Iba’t ibang paraan ng pagbabayubay ang isinasagawa ng mga bansa noong sinaunang panahon.

Ang mga Asiryano, na kilala sa kanilang malupit na pakikipagdigma, ay nagbayubay ng hubad na katawan ng mga bihag na nakatuhog sa matutulis na tulos na itinusok sa tiyan patungo sa dibdib. May ilang relyebe na nasumpungan sa mga bantayog, na ang isa ay naglalarawan ng pagsalakay at pananakop ng mga Asiryano sa Lakis, anupat ipinakikita roon ang pamamaraang ito ng pagbabayubay.​—2Ha 19:8; LARAWAN, Tomo 1, p. 958.

Ang mga Persiano ay gumamit din ng pagbabayubay bilang isang paraan ng pagpaparusa. Sinasabi ng ilan na karaniwan nang pinupugutan muna nila ng ulo o binabalatan muna ang mga ibinabayubay. Ipinagbawal ni Dariong Dakila ang paghadlang sa muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem, at ang sinumang lalabag sa utos na iyon ay ibabayubay sa isang kahoy na binunot sa sariling bahay nito. (Ezr 6:11) Noong panahon ng paghahari ng anak ni Dario, si Ahasuero (Jerjes I), dalawa sa mga bantay-pinto ng palasyo ang ibinitin, o ibinayubay, sa tulos, ang kaparusahan na karaniwang inilalapat ng mga Persiano sa mga traidor. (Es 2:21-23) Si Haman at ang kaniyang sampung anak ay ibinitin din sa tulos. (Es 5:14; 6:4; 7:9, 10; 9:10, 13, 14, 25) Si Herodotus (III, 125, 159; IV, 43) ay bumabanggit din ng iba pang mga halimbawa ng pagbabayubay na ginawa ng mga Persiano.

Ayon sa isang kautusang Judio, ang mga nakagawa ng kagimbal-gimbal na mga krimen na gaya ng pamumusong o idolatriya ay papatayin muna sa pamamagitan ng pagbato, o ng iba pang pamamaraan, at pagkatapos ay ilalantad ang kanilang mga bangkay na nasa mga tulos, o mga punungkahoy, bilang babalang halimbawa para sa iba. (Deu 21:22, 23; Jos 8:29; 10:26; 2Sa 21:6, 9) Maaaring pinapatay rin muna ng mga Ehipsiyo ang mga kriminal bago nila ibitin ang mga iyon sa tulos, gaya ng ipinahihiwatig ng makahulang mga salita ni Jose sa punong magtitinapay ni Paraon: “Iaangat ni Paraon ang iyong ulo mula sa iyo at tiyak na ibibitin ka sa isang tulos.”​—Gen 40:19, 22; 41:13.

Sinasabi na ang kaugaliang pagbabayubay ay nakuha ng mga Griego at ng mga Romano sa mga taga-Fenicia, at inalis ito sa imperyo noon lamang mga araw ni Constantino. Bihirang-bihirang ibayubay noon ang isang mamamayang Romano, sapagkat ito ay isang kaparusahan na kadalasang inilalapat sa mga alipin at sa mabababang uri ng mga kriminal. Ang pagbabayubay ay itinuring kapuwa ng mga Judio at mga Romano bilang sagisag ng kadustaan at kahihiyan, anupat para lamang sa mga isinumpa.​—Deu 21:23; Gal 3:13; Fil 2:8.

Noong unang siglo, kung may karapatan man ang mga Judio na magbayubay ng isang tao sa relihiyosong mga kadahilanan (isang bagay na pinag-aalinlanganan), maliwanag na hindi nila magagawa iyon para sa mga paglabag na sibil; tanging isang opisyal na Romano na gaya ni Poncio Pilato ang may gayong awtoridad. (Ju 18:31; 19:10) Gayunpaman, ang mga Judio, at lalo na ang kanilang mga punong saserdote at mga tagapamahala, ang pangunahin nang responsable sa pagbabayubay kay Kristo.​—Mar 15:1-15; Gaw 2:36; 4:10; 5:30; 1Co 2:8.

Kung minsan, itinatali ng mga Romano sa tulos ang kanilang biktima, anupat maaari pa itong mabuhay nang ilang araw bago bumigay ang kaniyang pisikal na lakas dahil sa paghihirap na dulot ng kirot, uhaw, gutom, at pagkahantad sa araw. Gaya sa kaso ni Jesus, karaniwan nang ipinapako ng mga Romano sa tulos ang mga kamay (at malamang na pati ang mga paa) ng akusado. (Ju 20:25, 27; Luc 24:39; Aw 22:16, tlb sa Rbi8; Col 2:14) Yamang noon pa ma’y itinuturing na ng mga anatomista na ang pulso ay bahagi ng kamay, ipinapalagay ng ilang tao sa medisina na ang mga pako ay ibinabaon noon sa pagitan ng maliliit na buto ng pulso upang huwag mapunit ang laman na maaaring mangyari kung ang mga ito ay ibinaon sa mga palad. (Tingnan ang The Journal of the American Medical Association, Marso 21, 1986, p. 1460.) Kasuwato ito ng mismong paggamit ng Bibliya sa salitang “kamay” na kasama pati ang pulso sa mga tekstong gaya ng Genesis 24:47, kung saan sinasabi na ang mga pulseras ay isinuot sa “mga kamay,” at Hukom 15:14, kung saan tinutukoy ang mga pangaw na nasa “mga kamay” ni Samson.

Hindi sinasabi ng ulat kung ang mga manggagawa ng kasamaan na nakabayubay sa tabi ni Jesus ay ipinako o itinali lamang sa mga tulos. Kung itinali lamang sila, maaaring ito ang dahilan kung bakit, noong si Jesus ay masumpungang patay na, sila ay buháy pa at kinailangan pang baliin ang kanilang mga binti. (Ju 19:32, 33) Pagkatapos baliin ang kanilang mga binti, di-nagtagal ay namatay sila dahil sa pangangapos ng hininga, yamang, gaya ng ipinapalagay ng ilan, hindi na nila maiaangat ang kanilang katawan upang maibsan ang igting ng kanilang mga kalamnan sa dibdib. Gayunman, hindi masasabi na ito talaga ang dahilan kung bakit mas huling namatay ang mga manggagawa ng kasamaan kaysa kay Jesus, sapagkat hindi naman nila naranasan ang mental at pisikal na pahirap na idinulot kay Jesus. Bago nito ay dumanas siya ng magdamag na paghihirap sa mga kamay ng kaniyang mga kaaway, bukod pa sa panghahagupit ng mga kawal na Romano, anupat marahil ay hanggang sa puntong hindi na niya mapasan ang kaniyang sariling pahirapang tulos, gaya ng kaugalian noon.​—Mar 14:32–15:21; Luc 22:39–23:26.

Ano ang isinisiwalat ng orihinal na Griego may kinalaman sa hugis ng kasangkapan kung saan pinatay si Jesus?

Karamihan ng mga salin ng Bibliya ay nagsasabi na si Kristo ay “ipinako sa krus” sa halip na “ibinayubay.” Ito’y dahil sa karaniwang paniniwala na ang pahirapang kasangkapan kung saan siya ibinitin ay isang “krus” na binubuo ng dalawang piraso ng kahoy sa halip na iisang istaka, o tulos. Ayon din sa tradisyon, at hindi batay sa Kasulatan, ang pinapasan lamang ng isang taong nahatulan ay ang pahalang na bahagi ng krus, na tinatawag na patibulum,antenna, sa halip na ang dalawang bahagi niyaon. Sa ganitong paraan ay sinisikap ng ilan na iwasang mag-atang sa isang tao ng napakabigat na pasan na hindi niya kayang kaladkarin o pasanin hanggang sa Golgota.

Subalit, ano ang sinasabi ng mismong mga manunulat ng Bibliya may kinalaman sa mga bagay na ito? Ginamit nila ang pangngalang Griego na stau·rosʹ nang 27 ulit at ang mga pandiwang stau·roʹo nang 46 na ulit, ang syn·stau·roʹo (ang unlaping syn ay nangangahulugang “kasama”) nang 5 ulit, at ang a·na·stau·roʹo (ang a·naʹ ay nangangahulugang “muli”) nang minsan lamang. Ginamit din nila nang 5 ulit ang salitang Griego na xyʹlon, na nangangahulugang “kahoy,” upang tumukoy sa pahirapang kasangkapan kung saan ipinako si Jesus.

Kapuwa sa klasikal na Griego at Koine, ang stau·rosʹ ay walang diwa ng isang “krus” na binubuo ng dalawang kahoy. Ito ay nangangahulugan lamang ng isang patindig na tulos, istaka, pilote, o poste, na maaaring gamitin sa paggawa ng bakod, tanggulan, o kulungan. Ganito ang sabi ng New Bible Dictionary ng 1985 ni Douglas sa ilalim ng paksang “Cross,” pahina 253: “Ang salitang Gr. para sa ‘krus’ (stauros; pandiwa, stauroo . . . ) ay pangunahin nang nangangahulugan ng isang patindig na tulos o biga, at pangalawahin na ng isang tulos na ginagamit bilang isang kasangkapan sa pagpaparusa o paglalapat ng kamatayan.”

Bukod diyan, ginamit din nina Lucas, Pedro, at Pablo ang xyʹlon bilang singkahulugan ng stau·rosʹ, anupat ito’y karagdagang katibayan na si Jesus ay ibinayubay sa isang patindig na tulos na walang nakapahalang na biga, sapagkat iyon ang kahulugan ng xyʹlon sa pantanging diwang ito. (Gaw 5:30; 10:39; 13:29; Gal 3:13; 1Pe 2:24) Ang xyʹlon ay lumilitaw rin sa Griegong Septuagint sa Ezra 6:11, na bumabanggit ng iisang biga o kahoy na doo’y ibabayubay ang isang manlalabag-batas.

Kung gayon, may-kawastuang itinatawid ng Bagong Sanlibutang Salin sa mambabasa ang saligang ideyang ito ng tekstong Griego sa pamamagitan ng pagsasalin sa stau·rosʹ bilang “pahirapang tulos,” at sa pandiwang stau·roʹo bilang “ibayubay,” samakatuwid nga, ipako sa tulos, o poste. Sa ganitong paraan ay hindi maipagkakamali ang stau·rosʹ sa tradisyonal at eklesyastikal na mga krus. (Tingnan ang PAHIRAPANG TULOS.) Makatuwiran ang sinabi ng Kasulatan na isang tao lamang tulad ni Simon ng Cirene ang pumasan sa pahirapang tulos, sapagkat kung ang diyametro niyaon ay 15 sentimetro (6 na pulgada) at ang haba niyaon ay 3.5 m (11 piye), malamang na iyon ay tumitimbang nang mahigit lamang sa 45 kg (100 lb).​—Mar 15:21.

Pansinin ang sinabi ni W. E. Vine hinggil sa paksang ito: “Ang STAUROS (σταυρός) ay tumutukoy, pangunahin na, sa isang patindig na istaka o tulos. Ipinapako rito ang mga salarin upang patayin. Sa orihinal na paggamit, kapuwa ang pangngalan at ang pandiwang stauroo, ipako sa tulos o istaka, ay naiiba sa eklesyastikal na anyo ng krus na binubuo ng dalawang biga.” Pagkatapos ay binanggit ng iskolar sa Griego na si Vine na sa mga Caldeo nagmula ang krus na binubuo ng dalawang piraso ng kahoy at na tinanggap ito ng Sangkakristiyanuhan mula sa mga pagano noong ikatlong siglo C.E. bilang sagisag ng pagbabayubay kay Kristo.​—Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, 1981, Tomo 1, p. 256.

Kapansin-pansin ang komentong ito sa aklat na The Cross in Ritual, Architecture, and Art: “Nakapagtataka, subalit walang alinlangang totoo, na matagal nang panahon bago pa ang kapanganakan ni Kristo, at mula pa noon sa mga lupaing hindi naman narating ng mga turo ng Simbahan, ang Krus ay ginagamit na bilang isang sagradong sagisag. . . . Si Bacchus ng Gresya, si Tamuz ng Tiro, si Bel ng Caldea, at si Odin ng Scandinavia, ay pawang isinasagisag ng isang kagamitang anyong-krus para sa kani-kanilang mga deboto.”​—Ni G. S. Tyack, London, 1900, p. 1.

Dagdag naman ng aklat na The Non-Christian Cross, ni J. D. Parsons (London, 1896): “Wala ni isang pangungusap sa alinman sa maraming akdang bumubuo sa Bagong Tipan, na, sa orihinal na Griego, ay nagbibigay kahit ng di-tuwirang katibayan na wari bang ang stauros na ginamit sa kaso ni Jesus ay iba pa sa pangkaraniwang stauros; wala ring katibayan na wari bang binubuo iyon, hindi ng iisang piraso ng kahoy, kundi ng dalawang piraso na magkapako sa anyong isang krus. . . . Nakapanlilinlang ang ginawa ng ating mga guro sa pagsasalin ng salitang stauros bilang ‘krus’ kapag isinasalin nila sa ating katutubong wika ang mga Griegong dokumento ng Simbahan, at na suportahan ang pagkilos na iyan sa pamamagitan ng paglalagay ng ‘krus’ sa ating mga leksikon bilang kahulugan ng stauros nang hindi maingat na ipinaliliwanag na ang pinakamahalaga ay na hindi iyan ang pangunahing kahulugan ng salita noong mga araw ng mga Apostol, na hindi iyan ang pangunahing katuturan nito kundi noong dakong huli na lamang, at nagkagayon lamang, kung nagkagayon nga, dahil, bagaman walang katibayang susuporta rito, sa di-malamang kadahilanan ay ipinalagay na ang partikular na stauros kung saan pinatay si Jesus ay may gayong partikular na hugis.”​—P. 23, 24; tingnan din ang The Companion Bible, 1974, Apendise Blg. 162.

Makasagisag na Paggamit. Bukod sa lubusang pagpapatotoo ng Kasulatan may kinalaman sa pisikal na pagbabayubay sa Panginoong Jesu-Kristo (1Co 1:13, 23; 2:2; 2Co 13:4; Apo 11:8), tinutukoy rin nito ang pagbabayubay sa diwang makasagisag at metaporiko, gaya sa Galacia 2:20. Pinatay ng mga Kristiyano ang kanilang lumang personalidad sa pamamagitan ng pananampalataya sa ibinayubay na si Kristo. (Ro 6:6; Col 3:5, 9, 10) “Bukod diyan, ibinayubay niyaong mga kay Kristo Jesus ang laman kasama ng mga pita at mga pagnanasa nito,” ang sabi ni Pablo, anupat idinagdag niya na sa pamamagitan ni Kristo “ang sanlibutan ay naibayubay sa akin at ako naman sa sanlibutan.”​—Gal 5:24; 6:14.

Ang mga apostata, sa diwa, ay ‘nagbabayubay muli sa Anak ng Diyos sa ganang kanila at naglalantad sa kaniya sa hayag na kahihiyan,’ anupat ginagawa iyon sa pamamagitan ng tulad-Hudas na paghihimagsik laban sa kaayusan ng Diyos para sa kaligtasan.​—Heb 6:4-6.