Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagbubulay-bulay

Pagbubulay-bulay

Ang malalim at nakapokus na pag-iisíp ng isang tao na seryosong nagninilay-nilay hinggil sa kaniyang nakalipas na mga karanasan, nagmumuni-muni tungkol sa mga nangyayari sa kasalukuyan, o nagdidili-dili hinggil sa mga bagay na posibleng mangyari sa hinaharap.

Upang makapagbulay-bulay nang maayos, kailangang hindi nagagambala ang isang tao, anupat mag-isa siyang nag-iisip. Halimbawa, si Isaac ay mag-isang lumabas at naglakad-lakad nang magdapit-hapon upang magbulay-bulay, posibleng tungkol sa nalalapit niyang pag-aasawa kay Rebeka. (Gen 24:63) Sa katahimikan naman ng mga pagbabantay sa gabi, nagbubulay-bulay ang salmista tungkol sa kadakilaan ng kaniyang Dakilang Maylalang. (Aw 63:6) Ang mga pagbubulay-bulay ng puso ay dapat na nakatuon sa kapaki-pakinabang na mga bagay, sa karilagan at mga gawa ni Jehova, sa mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya (Aw 19:14; 49:3; 77:12; 143:5; Fil 4:8), at hindi sa mga pakana ng mga balakyot.​—Kaw 24:1, 2.

Makatutulong ang kapaki-pakinabang na pagbubulay-bulay upang maiwasan ng isa ang pagbibigay ng walang-kabuluhang mga sagot. Seryoso niyang pag-iisipan ang mahahalagang bagay na ito, at bilang resulta, ang mga isasagot niya ay magmumula sa puso at hindi mga bagay na pagsisisihan niya sa dakong huli.​—Kaw 15:28.

Nang atasan si Josue na maging tagapangasiwa ng bansang Israel, tinagubilinan siyang gumawa ng isang kopya ng kautusan ni Jehova, at sinabihan siya (gaya ng pagkakasalin sa maraming bersiyon ng Bibliya) na “magbulay-bulay” sa mga ito araw at gabi. (Jos 1:8; AS, KJ, JB, RS) Ang salitang Hebreo na ginamit dito para sa “magbulay-bulay” ay ha·ghahʹ. Ito ay may pangunahing kahulugan na “bumigkas ng di-maliwanag na mga tunog” at isinasalin bilang ‘humalinghing,’ ‘umungol,’ ‘kumurukutok,’ at ‘bumulung-bulong.’ (Isa 16:7; 31:4; 38:14; 59:3) Ang ha·ghahʹ ay mayroon ding mga kahulugan na “pabulong na magsalita” at “magbulay-bulay.” (Aw 35:28; Kaw 15:28) Angkop na isinasalin ng Bagong Sanlibutang Salin ang terminong Hebreo na ha·ghahʹ, na masusumpungan sa Josue 1:8, bilang “babasahin mo ito nang pabulong.” (Tingnan din ang Aw 1:2.) Makatutulong ang pagbabasa nang pabulong upang tumimo nang mas malalim sa isipan ang materyal na binubulay-bulay ng isang tao. Sinasabi ng Gesenius’s Hebrew and Chaldee Lexicon (isinalin ni S. Tregelles, 1901, p. 215) tungkol sa ha·ghahʹ: “Sa wastong pananalita, kinakausap ang sarili, anupat bumubulung-bulong at sa mahinang tinig, gaya ng kadalasang ginagawa ng mga nagninilay-nilay.”​—Ihambing ang Aw 35:28; 37:30; 71:24; Isa 8:19; 33:18.

Si Timoteo ay sinabihan ng apostol na si Pablo na dapat siyang magmuni-muni o magbulay-bulay tungkol sa kaniyang paggawi, ministeryo, at pagtuturo. Bilang isang tagapangasiwa, kinailangang pakaingatan ni Timoteo na ang itinuturo niya ay tamang doktrina at na uliran ang kaniyang paraan ng pamumuhay.​—1Ti 4:15.

Maling Pagbubulay-bulay. Pagkatapos arestuhin ng kapitan ng templo ang mga apostol na sina Pedro at Juan at pagkatapos silang pagbantaan ng mga tagapamahalang Judio at utusan ng mga iyon na huwag nang magturo pa salig sa pangalan ni Jesus, bumalik ang mga apostol sa iba pang mga alagad. Nanalangin ang mga ito sa Diyos, anupat tinukoy nila ang makahulang mga salita ni David, na sinasabi: “⁠‘Bakit nagulo ang mga bansa at ang mga bayan ay nagbulay-bulay ng walang-katuturang mga bagay?’ . . . Kaya nga, kapuwa sina Herodes at Poncio Pilato kasama ang mga tao ng mga bansa at kasama ang mga tao ng Israel ay totoo ngang nagkatipon sa lunsod na ito laban sa iyong banal na lingkod na si Jesus, na iyong pinahiran, upang gawin ang mga bagay na patiunang itinalaga ng iyong kamay at layunin upang maganap.”​—Gaw 4:1-3, 18, 21, 23-28.

Ipinakikita ng konteksto na ang “walang-katuturang mga bagay” na binabanggit dito ay hindi mga bagay na karaniwang hinahangad ng mga tao sa buhay, kundi mga bagay na salat sa anumang kabutihan, mga bagay na lubusang walang saysay. Sa katunayan, ang mga ito ay nagsasangkot ng pag-iisíp, pagsasalita, at pagsisikap upang labanan si Jehova at ang kaniyang mga lingkod.​—Gaw 4:25.

Sinabi ni Haring David tungkol sa mga napopoot sa kaniya at naghahangad na patayin siya: “Mga panlilinlang ang lagi nilang ibinubulung-bulong [isang anyo ng ha·ghahʹ] buong araw.” (Aw 38:12) Ang mga pagbubulay-bulay na ito ay hindi lamang basta sumagi sa kanilang isipan. Ang mga ito’y malalim na nakaugat sa kanilang puso, anupat nakahilig sila na gawin ang balakyot na bagay na iyon. Sinasabi ng manunulat ng Mga Kawikaan tungkol sa gayong mga tao: “Pananamsam ang laging binubulay-bulay ng kanilang puso, at kaguluhan ang laging sinasalita ng kanilang mga labi.”​—Kaw 24:2.

Sinabi ni Jesus sa mga napopoot sa kaniya: “Bakit ninyo ipinangangatuwiran ang mga bagay na ito sa inyong mga puso?” (Mar 2:8) Tungkol sa lahat ng nais ‘sumawata sa katotohanan sa likong paraan,’ sinabi ng apostol na si Pablo: “Sila ay naging walang-isip sa kanilang mga pangangatuwiran at ang kanilang walang-talinong puso ay nagdilim.” Ang mga nagbubulay-bulay sa gayong paraan ay hahantong sa kamatayan.​—Ro 1:18, 21.