Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagbuburda

Pagbuburda

Ang sinaunang sining ng paggamit ng karayom upang magtahi ng iba’t ibang kulay o uri ng sinulid o iba pang materyales sa mga tela o katad para makagawa sa mga iyon ng nakaumbok na palamuti. Ang pagtatahi ng mga disenyo at pigura sa tela sa pamamagitan ng karayom ay unang binanggit sa Bibliya may kaugnayan sa tabernakulo ng Israel. Pinuspos ni Jehova ng karunungan ng puso ang mga manggagawa sa tabernakulo na sina Bezalel at Oholiab upang gawin, bukod sa iba pang mga bagay, ang lahat ng gawain ng burdador, na iba pa sa gawain ng manghahabi.​—Exo 35:30-35; 38:21-23.

Alinsunod sa tagubilin ng Diyos, may-kahusayang binurdahan ng mga pigurang kerubin ang mga telang pantolda ng tabernakulo, anupat ang mga pigurang iyon ay makikita sa loob ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan. (Exo 26:1; 36:8) Binurdahan din ng mga pigurang kerubin ang kurtina na siyang naghihiwalay sa mga silid na ito ng tabernakulo.​—Exo 26:31-33; 36:35.

Upang gawin naman ang epod na isinusuot ng mataas na saserdote, nagpitpit sila noon ng mga laminang ginto hanggang sa maging maninipis na piraso ang mga ito, at mula rito ay pumutol sila ng mga hibla “upang itahing kasama ng sinulid na asul at lanang tinina sa mamula-mulang purpura at sinulid na iskarlatang kokus at mainam na lino, na gawa ng isang burdador.” (Exo 39:2, 3; 28:6) Sa katulad na paraan, ang “pektoral ng paghatol” ng mataas na saserdote ay ginawa rin ayon sa “gawa ng isang burdador.”​—Exo 28:15; 39:8.

Sa awit ng tagumpay nina Barak at Debora, inilalarawan ang ina ni Sisera bilang umaasa na babalik ito mula sa pakikipagbaka sa Israel anupat may dalang mga samsam na kinabibilangan ng mga burdadong kasuutan. (Huk 5:1, 28, 30) Dahil sa Kaniyang pag-ibig, sa makasagisag na paraan ay dinamtan ni Jehova ng mamahaling “burdadong kasuutan” ang Jerusalem. Ngunit maliwanag na ang idolatrosong mga tumatahan sa kaniya ay gumamit ng literal na mga burdadong kasuutan bilang pambalot sa mga imahen ng mga lalaki anupat inilalarawang nagpapatutot siya mismo sa mga ito. (Eze 16:1, 2, 10, 13, 17, 18) Inihula rin ni Jehova sa pamamagitan ni Ezekiel na, sa pagbagsak ng mayamang Tiro sa mga kamay ng mga Babilonyo, ang mga naalis sa trono na “mga pinuno sa dagat” ay ‘maghuhubad ng kanilang mga burdadong kasuutan.’​—Eze 26:2, 7, 15, 16.