Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paggigiik

Paggigiik

Ang proseso kung saan inaalis ang butil mula sa tangkay at ipa nito. Kung kaunti lamang ang gigiikin ng mga naghihimalay, o kung maliliit ang butil gaya ng komino, o kung palihim na maggigiik sa mapanganib na mga panahon, isang tungkod o panlugas ang ginagamit noon upang hampasin ang mga butil sa pamamagitan ng kamay, maaaring sa lupa o sa isang pisaan ng ubas.​—Huk 6:11; Ru 2:17; Isa 28:27.

Gayunman, sa giikan karaniwang isinasagawa ang paggigiik. Ito’y kadalasang nasa isang dako na mataas at mahangin, anupat isa itong patag at pabilog na lugar na hanggang 15 m (50 piye) ang diyametro at alinman sa yari sa bato o sa pinikpik na lupa. Ang mga giikan na hindi pribadong pag-aari ay kadalasang magkakatabi malapit sa isang nayon upang magamit ng buong komunidad. Ang mga tungkos ng sebada o trigo, mga pangunahing butil ng Palestina, ay inilalatag sa sahig (sa ngayon ay karaniwan nang pinatataas nang 30 hanggang 46 na sentimetro [12 hanggang 18 pulgada]). Dahil niyayapakan ang mga ito ng mga toro o ng ibang mga hayop habang patuloy silang lumiligid sa sahig, unti-unting nagkakaputul-putol ang dayami at humihiwalay sa ipa ang butil. Hindi binubusalan ang mga hayop habang niyayapakan nila ang mga butil.​—Deu 25:4; Os 10:11; 1Co 9:9, 10.

Pinabilis ng mga kasangkapang panggiik na hinihila ng mga hayop ang prosesong ito at mas masinsing gumiik ang mga iyon kaysa sa mga paa lamang ng mga hayop. (Isa 41:15; Am 1:3) Sa mas makabagong mga panahon, ang ilan sa mga panggiik na ginamit ay mga karetang malalapad, sapad, at mabibigat anupat sa ilalim ng mga ito ay may matatalas na ngiping bato o bakal; ang iba naman ay mga kayariang humihila ng mabibigat at hugis-silinder na mga panggulong na may nakakabit na mga kutsilyo upang pagputul-putulin ang mga tangkay ng mga butil. Sa bawat pagligid ng gayong mga kareta at mga kagamitang panggulong, isang karagdagang hanay ang nagigiik, at dahil nakasakay sa ibabaw nito ang tagapagpatakbo, nakatutulong ang bigat niya upang higit itong maging epektibo.​—Ihambing ang Isa 28:28.

Pagkatapos na masinsing magiik ang mga butil, anupat ilang ulit na ibinabaligtad sa prosesong ito, tinatahip naman iyon.​—Tingnan ang PAGTATAHIP.

Palibhasa’y hantad at patag, ang mga giikan ay madalas gamitin sa iba pang mga layunin. Ang mga ritwal ng pagdadalamhati para kay Jacob ay idinaos sa giikan ng Atad, malapit sa Jordan. (Gen 50:10, 11) Ayon sa tagubilin ni Jehova, binili ni David ang giikan ni Arauna (Ornan), nagtayo siya roon ng isang altar, at naghain kay Jehova. (2Sa 24:16-25; 1Cr 21:15-28) Nang maglaon, ang giikang ito ang naging lugar ng templo ni Solomon. (2Cr 3:1) Noong magsanggunian sina Jehosapat at Ahab na makipagdigma laban sa Sirya, nasa isang giikan sa pasukan ng pintuang-daan ng Samaria ang kanilang mga trono.​—1Ha 22:10.

Makasagisag na Paggamit. Sa makasagisag na diwa, ang paghampas at pagpuputul-putol sa mga tangkay ng mga butil sa giikan ay angkop na angkop na sagisag ng pakikitungong tatanggapin ng mga kaaway ni Jehova. (Isa 41:15; Jer 51:33; Mik 4:12, 13; Hab 3:12) Inilalarawan din ng paggigiik ang mapaniil na pakikitungo na ginagawa kung minsan ng mga tao sa iba. (2Ha 13:7) Bukod diyan, ang pagbubukod ng trigo mula sa ipa ay maaaring lumarawan sa pagbubukod sa matuwid mula sa balakyot alinsunod sa kahatulan ni Jehova. (Mat 3:12) Sa isa pang diwa, ang isang mahaba at masaganang paggigiik ay nagpapahiwatig ng kasaganaan at pagpapala ni Jehova.​—Lev 26:5; Joe 2:24.