Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghahabi

Paghahabi

Ang proseso kung saan pinagsasala-sala ang mga grupo ng mga sinulid na pahaba at pahalang upang makagawa ng tela. Ang grupo ng mga sinulid na kahanay ng kahabaan ng kayo ay ang hiblang paayon [warp], at ang grupo naman na nakahabi rito sa anggulong 90° ay ang hiblang pahalang [woofweft]. Ang mga sinulid na pahalang ay inihahabi nang salit-salitan sa ibabaw at ilalim ng mga sinulid na paayon. (Lev 13:59) Kadalasan ay mga kababaihan ang naghahabi ngunit lumilitaw na isa rin itong hanapbuhay ng mga kalalakihan. (2Ha 23:7; 1Cr 4:21) Ang habihan na ginamit ng mga Hebreo, mga Ehipsiyo, at iba pa ay hindi nalalayo sa isang hamba.​—Huk 16:13, 14; Isa 19:1, 9, 10.

Ang sinaunang mga habihan ay maaaring patindig o pahiga. Ang isang uri ng patindig na habihan ay binubuo ng dalawang posteng patayo na may nakapahalang na biga sa ibabaw. Doon nakasabit ang mga sinulid na paayon na kinabitan ng mga pabigat upang manatiling tuwid. Sa ilang habihan, isang mas mababang biga ang ginagamit sa halip na mga pabigat, at sa iba naman, ang bigang ito ay maaaring paikutin upang magsilbing panggulong sa hinabing tela. Samantala, ang isang karaniwang pahigang habihan ay binubuo ng dalawang magkaagapay na biga na bahagyang magkalayo at sinusuhayan ng apat na tulos na nakabaon sa lupa sa mga dulo ng mga biga. Iniuunat sa pagitan ng dalawang bigang ito ang mga sinulid na paayon. Posibleng sa gayong uri ng mabigat na biga inihahambing ang tagdang kahoy ng sibat ni Goliat nang ihalintulad ito sa “biga ng mga manggagawa sa habihan.”​—1Sa 17:4, 7.

Sa habihan, kadalasa’y hinahati sa dalawang pangkat ang mga sinulid na paayon, upang ang sinulid na pahalang ay makaraan sa ibabaw ng isang pangkat ng mga sinulid na paayon kapag hinila ito sa isang direksiyon at sa ilalim ng pangkat ding iyon kapag hinila ito sa kabilang direksiyon. Para rito, dalawang “shed,” o daanan, ang kailangan. Sa isang simpleng pahigang habihan, isang lapad na “shed stick” o patpat ang inilalagay sa ilalim ng kasalitang mga sinulid na paayon, at kapag itinagilid ito, nagkakaroon ng isang “shed,” kung saan isinusuot ang sinulid na pahalang patungo sa isang direksiyon. Pagkatapos, ang kasalitang mga sinulid na paayon, na sa pamamagitan ng mga silo ng sinulid ay nakakabit sa isang “lease rod” na nasa ibabaw ng hiblang paayon, ay itinataas sa pamamagitan ng pag-aangat sa “lease rod” mula sa hiblang paayon, anupat nagkakaroon ng isa pang “shed” kung saan ang hiblang pahalang ay isinusuot at hinihila patawid sa kabilang direksiyon. Pagkatapos ng bawat pagtawid sa hiblang paayon, ang sinulid na pahalang ay isinisiksik sa lumalaking tela sa pamamagitan ng isa pang patpat. Hinahatak ng manghahabi ang hiblang pahalang patawid sa hiblang paayon sa pamamagitan ng isang lansadera, na pangunahin nang isang pahabang kahoy na kinalalagyan ng sinulid. Palibhasa’y mabilis na pinagagalaw ng dalubhasang manghahabi ang lansadera, masasabi nga ni Job: “Ang mga araw ko ay naging mas matulin kaysa sa lansadera ng manghahabi.”​—Job 7:6.

Pagkatapos na mahabi ang tela sa ninanais na haba at ito ay mairolyo, pinuputol ito ng manggagawa sa habihan mula sa mga sinulid na paayon. (Isa 38:9, 12) Kabilang sa mga materyales na karaniwang ginagamit ng mga manghahabi ay ang balahibo ng hayop (Exo 36:14; Mat 3:4), lana, at lino.​—Ihambing ang Kaw 31:13.

Makagagawa ng mga kayo na may sari-saring disenyo kung gagamit ng iba’t ibang kulay ng sinulid sa hiblang paayon o sa hiblang pahalang o sa dalawang ito. O kaya naman, maaaring isang partikular na kulay lamang ng sinulid na pahalang ang pararaanin sa isang bahagi ng hiblang paayon. (Gen 37:23; 2Sa 13:18; Kaw 7:16) Maaari ring pag-iba-ibahin ng manggagawa sa habihan ang pagkakasunud-sunod ng mga sinulid​—anupat nagpaparaan ng isang grupo ng mga sinulid na pahalang sa ibabaw ng isang sinulid na paayon at pagkatapos ay sa ilalim naman ng dalawa patawid sa hiblang paayon, at pagkatapos ay pararaanin ang sumunod na grupo sa ibabaw ng dalawang sinulid na paayon, sa ilalim ng dalawa, pagkatapos ay sa ibabaw ng isa sa buong lapad ng hiblang paayon, gaya ng paghahabi ng gabardine sa ngayon. Sa pamamagitan ng pag-iiba-iba ng mga pamamaraan sa paghahabi, isang partikular na disenyo ang nalilikha sa kayo kahit na magkakulay ang mga sinulid na paayon at pahalang. Halimbawa, si Aaron ay binigyan ng isang mahabang damit na puti na yari sa mainam na lino at hinabi “nang may disenyong pari-parisukat.”​—Exo 28:39.