Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghapak sa mga Kasuutan

Paghapak sa mga Kasuutan

Isang pangkaraniwang tanda ng pamimighati ng mga Judio, at maging ng iba pang mga taga-Silangan, lalo na kapag narinig nila na namatay ang isang malapit na kamag-anak. Sa maraming kaso ng paghapak sa kasuutan, ang pinupunit lamang ay ang harapang bahagi nito upang mahantad ang dibdib, sa gayon ay hindi naman lubusang hinahapak ang kasuutan anupat hindi na ito maaaring isuot.

Sa Bibliya, ang unang napaulat na nagsagawa ng kaugaliang ito ay si Ruben, panganay na anak ni Jacob; noong bumalik siya at hindi niya nakita si Jose sa balon, hinapak niya ang kaniyang mga kasuutan, na sinasabi: “Ang bata ay wala na! At ako​—saan nga ako paroroon?” Bilang panganay, si Ruben ang partikular na may pananagutan sa kaniyang nakababatang kapatid. Ang kaniyang amang si Jacob naman, nang sabihan na diumano’y namatay ang kaniyang anak, ay naghapak din ng kaniyang mga balabal at nagsuot ng telang-sako bilang pagdadalamhati (Gen 37:29, 30, 34); at sa Ehipto, nang palabasin na isang magnanakaw si Benjamin, ipinakita ng mga kapatid sa ama ni Jose ang kanilang pamimighati sa pamamagitan ng paghapak sa kanilang mga kasuutan.​—Gen 44:13.

Kabaligtaran nito, nang puksain ni Jehova ang dalawang nakatatandang anak ni Aaron, sina Nadab at Abihu, dahil sa kanilang balakyot na gawa, tinagubilinan ni Moises ang kanilang amang si Aaron at ang dalawang natitirang anak nito: “Huwag ninyong pabayaang hindi nakaayos ang inyong mga ulo, at huwag ninyong pupunitin ang inyong mga kasuutan, upang hindi kayo mamatay.” (Lev 10:6) Gayunman, sa ibang mga pagkakataon, ang nakabababang mga saserdote na nagmula sa Aaronikong linya ay pinahihintulutang magpakita ng gayong katibayan ng pamimighati kapag malapit na mga kamag-anak ang namatay, ngunit ang mataas na saserdote ay hindi pinahihintulutan na pabayaang hindi nakaayos ang kaniyang buhok o punitin ang kaniyang mga kasuutan.​—Lev 21:1-4, 10, 11.

Marami pang ibang halimbawa ng mga nagpahayag ng kanilang pamimighati sa gayong paraan: si Job, na naghapak ng kaniyang damit na walang manggas nang ibalita sa kaniya ang pagkamatay ng kaniyang mga anak (Job 1:20); ang tatlong mapagpanggap na mga kaibigan niya, anupat nang una nila siyang makitang may sakit ay nagkunwari silang namimighati sa pamamagitan ng pagtangis, paghapak sa kanilang mga kasuutan, at pagsasaboy ng alabok sa hangin (Job 2:12); si Josue, matapos silang matalo sa Ai (Jos 7:6); ang kabataang lalaki na nagpatalastas na patay na si Haring Saul (2Sa 1:2); si David, nang may-kabulaanang sabihin sa kaniya na pinaslang ni Absalom ang lahat ng iba pa niyang mga anak (2Sa 13:30, 31); at si Haring Hezekias at ang kaniyang mga lingkod, na naghapak ng kanilang mga kasuutan nang marinig nila ang mga salitang sinabi ng Asiryanong si Rabsases laban kay Jehova at sa Jerusalem (Isa 37:1; 36:22). Gayundin, nang mabatid ni Reyna Athalia na magwawakas na ang pang-aagaw niya sa trono, ‘hinapak niya ang kaniyang mga kasuutan at nagsimulang sumigaw: “Sabuwatan! Sabuwatan!”⁠’​—2Ha 11:14.

Sa pagwawakas ng kasaysayan ng kaharian ng Juda, mapapansin ang pagkamanhid ng tumigas na puso ni Haring Jehoiakim at ng kaniyang mga prinsipe sapagkat nang basahin sa kanila ang hula ni Jeremias, na nagbababala hinggil sa mga kahatulan ni Jehova, hindi sila nakadama ng panghihilakbot at hindi nila ‘hinapak ang kanilang mga kasuutan.’​—Jer 36:24.

Gayunman, upang ipakita na ang gayong panlabas na pagtatanghal ay maaaring maging paimbabaw lamang o kaya ay di-taimtim at na wala itong halaga malibang taos-puso ang pamimighati ng isa, nagsalita si Jehova sa bayan ng Juda sa pamamagitan ng propetang si Joel at sinabi sa kanila: “Hapakin ninyo ang inyong mga puso, at hindi ang inyong mga kasuutan; at manumbalik kayo kay Jehova na inyong Diyos.”​—Joe 2:13.

Sa kalaunan, nang aminin ni Jesus na siya ang Anak ng Diyos, ang mataas na saserdoteng si Caifas ay pakunwaring nagpakita ng matinding pagkagalit at pagkasuklam sa pamamagitan ng paghapak sa kaniyang mga kasuutan. (Mat 26:65) Sa kabaligtaran, sina Pablo at Bernabe, bilang mga Kristiyanong tagasunod ni Jesus, ay nagpakita ng taimtim na pagkadismaya at pagkabagabag sa pamamagitan ng paghapak sa kanilang mga panlabas na kasuutan nang makita nila na sasambahin na sila ng mga taong-bayan ng Listra bilang mga diyos.​—Gaw 14:8-18.

Kahilingan sa Kautusan na ang isang ketongin ay magsuot ng punít na kasuutan (Lev 13:45), marahil ay dahil iniuugnay ng mga Hebreo ang ketong sa kamatayan, na makikita sa mga ulat na gaya ng pagtukoy kay Miriam bilang “gaya ng isang patay” matapos siyang pasapitan ng nakapanghihilakbot na karamdamang iyon. (Bil 12:12) Kaya ang ketongin ay obligadong magsuot ng pagkakakilanlang kagayakan, anupat sa diwa ay ipinagdadalamhati ang kaniyang sarili bilang isa sa mga ‘buháy na patay.’

Makasagisag na Paggamit. Noon, kung minsan ay pinupunit din ang damit upang magsilbing sagisag, gaya nang punitin ng propetang si Ahias ang kasuutang suot niya sa 12 piraso at sabihin kay Jeroboam na kunin ang 10 sa mga iyon, anupat lumarawan iyon sa paghahati ng kaharian ni Solomon. (1Ha 11:29-39) Sa katulad na paraan, inilarawan ni Samuel ang pagtatakwil ni Jehova sa sambahayan ni Saul sa pamamagitan ng pagtukoy sa walang-manggas na damit ni Samuel na napunit mula sa pagkakahawak ni Saul.​—1Sa 15:26-28.