Paghuhugas ng mga Paa
Isang gawang nakagiginhawa at nagpapahiwatig ng pagkamapagpatuloy; sa sinaunang Gitnang Silangan, kadalasa’y ginagawa ito bago ang kainan, yamang karaniwang mainit ang klima roon at kinaugalian ng mga tao noon ang magsuot ng bukás na mga sandalyas, maglakad sa tuyong lupa, at maglakbay sa maalikabok na mga daan. Sa tahanan ng karaniwang mga tao, naglalaan ang punong-abala ng kinakailangang mga sisidlan at tubig, at hinuhugasan ng mga panauhin ang sarili nilang mga paa. (Huk 19:21) Kapag mas mayaman ang punong-abala, kadalasa’y ang alipin niya ang naghuhugas ng mga paa, at iyon ay itinuturing na isang mababang gawain. Ipinahiwatig ni Abigail na handa siyang sumunod sa kahilingan ni David na mapangasawa siya nito sa pagsasabing: “Narito ang iyong aliping babae bilang alila na maghuhugas ng mga paa ng mga lingkod ng aking panginoon.” (1Sa 25:40-42) Pantanging ipinakikita ang kapakumbabaan at magiliw na pagpapahalaga sa mga panauhin kapag ang punong-abala ang personal na naghugas ng mga paa ng mga panauhin.
Hindi lamang hinuhugasan ang mga paa bilang tanda ng pagkamapagpatuloy ng punong-abala sa kaniyang panauhin kundi kaugalian din na maghugas ng mga paa bago matulog ang isa. (Sol 5:3) Lalo pang kapansin-pansin ang kahilingan na dapat maghugas ang mga saserdoteng Levita ng kanilang mga paa at mga kamay bago sila pumasok sa tabernakulo o bago sila manungkulan sa may altar.—Exo 30:17-21; 40:30-32.
Noong narito sa lupa si Jesu-Kristo, maaaring alukin ng punong-abala ang kaniyang panauhin ng tubig na panghugas sa mga paa, maaaring halikan niya ito, at maaaring pahiran niya ng langis ang ulo nito. Hindi ginawa ng Pariseong si Simon ang tatlong kapahayagang ito ng pagkamapagpatuloy noong inaasikaso niya si Jesus sa kaniyang tahanan. Ngunit dumating ang isang makasalanang babae na tumatangis, at binasâ niya ng kaniyang mga luha ang mga paa ni Jesus, pinunasan ang mga ito ng kaniyang buhok, hinalikan ang mga ito, at pagkatapos ay pinahiran ang mga ito ng mabangong langis; sa gayon, itinawag-pansin ni Kristo na hindi ginawa ni Simon ang mga iyon at pagkatapos ay sinabi niya sa babae: “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na.”—Luc 7:36-50.
Noong huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, Nisan 14, 33 C.E., hinugasan ni Jesu-Kristo ang mga paa ng kaniyang mga apostol, anupat ginawa niya ito upang magturo sa kanila ng isang aral at ‘magbigay ng parisan,’ sa halip na magtatag ng isang seremonya. (Ju 13:1-16) May mga argumento na noon sa gitna ng mga apostol tungkol sa kung sino ang pinakadakila. Maging noong gabi ring iyon, pagkatapos niyang mahugasan ang kanilang mga paa, nagkaroon sila ng isa pang mainitang pagtatalo tungkol sa kung sino ang waring pinakadakila. (Luc 22:24-27) Ngunit ang ginawa ni Jesus ay hindi madaling malimutan. Noong gabing iyon, si Jesus at ang mga apostol ay nakikigamit lamang ng isang silid at hindi sila mga panauhin ninuman. Dahil dito, walang mga lingkod na maaaring maghugas ng kanilang mga paa, na walang alinlangang gaganap sa tungkuling iyon kung mga panauhin sila. Walang sinuman sa mga apostol ang nagkusang gumawa ng mababang paglilingkod na ito para sa iba. Gayunman, sa isang angkop na pagkakataon habang kumakain sila, tumindig si Jesus, pagkatapos ay inilagay sa tabi ang kaniyang mga panlabas na kasuutan, binigkisan ang kaniyang sarili ng isang tuwalya, nilagyan ng tubig ang isang palanggana, at hinugasan ang kanilang mga paa. Sa gayon ay ipinakita niya na taglay ang kapakumbabaan, bawat isa ay dapat na maging lingkod ng iba at dapat magpakita ng pag-ibig sa praktikal na mga paraan, anupat gumagawa ng mga bagay para sa kaalwanan ng iba. Ganito ang ginawa ng mga babaing Kristiyano na naging mga punong-abala, gaya ng ipinakikita ng pagtukoy ng apostol na si Pablo sa mapagpatuloy na gawa ng paghuhugas ng mga paa bilang isa sa maiinam na gawa ng mga Kristiyanong babaing balo. (1Ti 5:9, 10) Hindi itinatala ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pormal na paghuhugas ng mga paa bilang isang seremonya na kahilingan sa mga Kristiyano. Magkagayunman, ang halimbawang ibinigay ni Jesu-Kristo sa pamamagitan ng gawang ito ay nagsisilbing paalaala sa mga Kristiyano na paglingkuran nang may pag-ibig ang kanilang mga kapatid, maging sa maliliit na paraan at sa pamamagitan ng pagganap sa mabababang gawain alang-alang sa kanila.—Ju 13:34, 35; tingnan ang PALILIGO, PAGHUHUGAS.