Pagkabaog
Ang ideya ng kawalang-kakayahang magluwal ng anak ay itinatawid ng mga salitang Hebreo na ʽa·qarʹ at gal·mudhʹ (“baog”; Gen 11:30; Isa 49:21). Bukod dito, sa Kawikaan 30:16, ang pagkabaog ay literal na inilalarawan bilang “pagkapigil ng bahay-bata.” (Tlb sa Rbi8) Ang salitang Griego para sa “baog” ay steiʹros. (Luc 1:7, 36) Tinutukoy rin ang pagkabaog bilang “patay na kalagayan ng bahay-bata.”—Ro 4:19.
Kabilang sa orihinal na utos ni Jehova kina Adan at Eva ang utos na, “Magpalaanakin kayo at magpakarami”; nang maglaon ay inulit ito sa mga anak ni Noe. (Gen 1:28; 9:7) Kaya naman noong sinaunang mga panahon, kapag ang isang babaing may asawa ay hindi makapagluwal ng anak, itinuturing iyon na isang kadustaan, isang kapighatian, isang kaparusahan, at isa sa pinakamasaklap na kasawian. “Bigyan mo ako ng mga anak o kung hindi ay magiging patay na babae ako,” ang pakiusap ni Raquel sa kaniyang asawang si Jacob.—Gen 30:1.
May kakayahan si Jehova na gawing palaanakin ang isang babaing baog, gaya ng ipinakikita ng mga salita ni Jacob kay Raquel: “Ako ba ay nasa kalagayan ng Diyos, na nagkait sa iyo ng bunga ng tiyan?” Nang dakong huli ay sinabi sa atin, “Naalaala ng Diyos si Raquel, at siya ay dininig at sinagot ng Diyos anupat binuksan nito ang kaniyang bahay-bata. At siya ay nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki.” (Gen 30:2, 22, 23) May iba pang mga halimbawa na nagtatanghal sa kapangyarihan ni Jehova na magbigay ng anak sa mga babaing pinighati ng likas na pagkabaog sa loob ng mahabang panahon, gaya ng sumusunod: si Sara (Gen 11:30; 17:19; 21:1, 2); si Rebeka (Gen 25:21); ang ina ni Samson (Huk 13:2, 3); si Hana (1Sa 1:10, 11; 2:5); isang babaing Sunamita (2Ha 4:14-17); at si Elisabet (Luc 1:7, 36). Dahil sa pagpapala ni Jehova, lubhang naging palaanakin ang mga Israelita noong panahon ng pakikipamayan nila sa Ehipto anupat nabahala ang mga Ehipsiyo, palibhasa’y inisip ng mga ito na di-magtatagal ay magiging mas marami pa ang mga Israelita kaysa sa kanila. (Exo 1:7-12, 18-21) Si Jehova rin ang kinilalang nagkaloob ng paglilihi kay Ruth na ninuno ni David.—Ru 4:13.
Kapag ipinagkakait ni Jehova ang kaniyang pagpapala, maging ang lupain ay nagiging isang baog at tiwangwang na kaguhuan. Sa kabilang dako, dahil sa pagpapala ng Diyos, ang lupain ay nakapamumunga nang sagana. (Lev 26:3-5) Gayundin naman, sa pamamagitan ng mayamang pagpapala ni Jehova, ipinangako na “walang babaing nakukunan ni babaing baog ang iiral sa iyong lupain.” (Exo 23:26; Deu 7:13, 14; 28:4, 11; Aw 127:3-5; 128:3) Kabaligtaran nito, noong isang pagkakataon ay “mahigpit na sinarhan ni Jehova ang bawat bahay-bata” sa bahay ni Abimelec nang tangkain nitong kunin si Sara bilang asawa.—Gen 20:17, 18.
Dahil sa matinding kabagabagan na inihulang darating sa unang-siglong Jerusalem, sinabi ni Jesus na ang “mga babaing baog” ay magiging maligaya, walang alalahanin, yamang hindi sila mamimihagti na makitang nagdurusa ang kanilang mga anak.—Luc 23:29.
Humula si Isaias at ang salmista tungkol sa isang babaing baog na ang kadustaan at kahihiyan ay malilimutan, sapagkat magluluwal siya ng maraming anak, na pawang naturuan ni Jehova. (Aw 113:9; Isa 54:1-15) Ang mga salita ni Isaias ay ikinapit ng apostol na si Pablo sa “malayang babae,” samakatuwid nga, “ang Jerusalem sa itaas.”—Gal 4:26-31.