Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkabingi

Pagkabingi

Bahagya o ganap na kawalan ng kakayahang makarinig, kadalasa’y dulot ng sakit, sakuna, o malakas na ingay na maaaring matindi at biglaan o palagiang naririnig ng isa. Mayroon ding mga tao na ipinanganak na bingi. Sa Bibliya, ang isa pang dahilan ng pagkabingi ng isang tao ay kapag inalihan siya ng demonyo. (Mar 9:25-29) Ang salitang-ugat ng terminong Hebreo na che·reshʹ (“bingi”; Isa 35:5) ay tumutukoy sa pagkabingi o kaya’y sa pagtahimik at isinasalin sa iba’t ibang paraan bilang “magpakabingi,” ‘mabingi,’ at ‘manatiling tahimik.’​—Aw 28:1; 35:22, tlb sa Rbi8; 50:3, tlb sa Rbi8; Mik 7:16.

Hinihiling ni Jehova, ang Maylalang ng tainga (Kaw 20:12), na ang kaniyang bayan ay magpakita ng konsiderasyon sa mga bingi. Hindi dapat tuyain o sumpain ng mga Israelita ang mga taong bingi, sapagkat hindi maipagtatanggol ng mga bingi ang kanilang sarili laban sa mga pananalitang hindi nila naririnig.​—Lev 19:14; ihambing ang Aw 38:13, 14.

Ang mga salita sa Exodo 4:11, kung saan tinutukoy ni Jehova ang kaniyang sarili bilang ang ‘gumagawa ng bingi,’ ay hindi nangangahulugan na siya ang dahilan ng lahat ng kaso ng pagkabingi. Gayunman, maaaring pangyarihin ni Jehova na ang isang tao ay maging literal na bingi, pipi, o bulag para sa isang partikular na dahilan o layunin. Pansamantalang napipi ang ama ni Juan na Tagapagbautismo dahil hindi siya naniwala sa sinabi ng anghel. (Luc 1:18-22, 62-64) Maaari ring ‘gawin’ ng Diyos na maging bingi sa espirituwal ang ilang tao sa pamamagitan ng pagpapahintulot na manatili sila sa gayong kalagayan kung iyon ang gusto nila.​—Ihambing ang Isa 6:9, 10.

Noong panahon ng ministeryo ni Jesu-Kristo, ipinakita niya sa ilang pagkakataon ang kaniyang makahimalang kapangyarihan na magpagaling nang panauliin niya ang pandinig ng mga indibiduwal na literal na bingi. (Mat 11:5; Mar 7:32-37; Luc 7:22) Tinitiyak nito na sa ilalim ng kaniyang pamamahala sa lupa, ang lahat ng karamdaman, kasama na ang pagkabingi, ay aalisin.

Dahil sa pagtanggi ng balakyot na makinig sa tagubilin, inihambing siya ng salmista sa isang kobra na nagbibingi-bingihan sa tinig ng mga engkantador. (Aw 58:3-5) Sa katulad na paraan, ang mga Israelita noong mga araw ni Isaias, bagaman may mga tainga sila, ay parang bingi dahil mabagal sila sa pakikinig at pagtugon sa salita ni Jehova. (Isa 42:18-20; 43:8) Gayunman, pagkatapos ng inihulang pagsasauli mula sa pagkatapon, hindi na magiging bingi sa espirituwal na paraan ang bayan ng Diyos. Maririnig na nila ang salita ni Jehova, samakatuwid nga, magbibigay-pansin sila rito. (Isa 29:18; 35:5) Noong narito sa lupa si Jesu-Kristo, marami siyang binuksan na mga tainga ng pang-unawa, anupat ang mga gumaling ay nakakilos ayon sa kanilang narinig.​—Mat 13:16, 23.