Pagkabulag
Ang mga salitang Hebreo at Griego para sa “bulag” ay ʽiw·werʹ at ty·phlosʹ, kapuwa ginagamit sa literal at sa makasagisag na mga diwa.—Deu 27:18; Isa 56:10; Mat 15:30; 23:16.
Waring ang pagkabulag ay isang pangkaraniwang karamdaman sa sinaunang Gitnang Silangan. Bukod sa binanggit ito sa Bibliya nang napakaraming ulit, ang kapansanang ito ay malimit tukuyin ng sekular na mga akda, gaya ng Ebers Papyrus mula sa Ehipto, na naglalarawan ng ilang uri nito at ng mga sintomas, nagrereseta ng mga panghugas sa mata, at bumabanggit ng ilan sa mga kasangkapang ginagamit sa pag-oopera. Ang kautusan sa Israel hinggil sa pagganti, na humihiling ng kaluluwa para sa kaluluwa, mata para sa mata, ngipin para sa ngipin, kamay para sa kamay, paa para sa paa, ay hindi lamang nagdiin sa kabanalan ng buhay kundi mapuwersa rin nitong ikinintal sa mga Israelita na kailangan silang magpakaingat na huwag makapinsala sa iba. Idiniin din nito na kailangang tiyakin ng mga tao na totoo at tumpak ang anumang patotoo na ihaharap nila sa hukuman, yamang daranasin ng taong nagbibigay ng bulaang patotoo ang mismong kaparusahan na pasasapitin sana niya sa isang taong walang-sala. (Exo 21:23, 24; Deu 19:18-21; Lev 24:19, 20) Kung ang panginoon ng isang alipin ang sanhi ng pagkawala ng isang mata nito, hindi kailangang dukitin ang isa sa mga mata ng panginoong iyon, ngunit palalayain ang alipin. (Exo 21:26) Sa gayon, bagaman ang mga alipin ay maaaring piliting magtrabaho at maaaring paluin kung mapaghimagsik, dapat na maging palaisip ang kanilang mga panginoon na huwag maging labis na mabagsik.
Karaniwang kaugalian ng mga Asiryano at mga Babilonyo na dukitin ang mga mata niyaong mga natalo nila sa pakikidigma. Binulag ng mga Filisteo si Samson, at binulag naman ni Nabucodonosor si Haring Zedekias. (Huk 16:21; 2Ha 25:7; Jer 39:7) Sinabi ni Nahas, hari ng mga Ammonita, na tatanggapin niya ang pagsuko ng lunsod ng Jabes sa Gilead “sa kundisyon na dudukitin ang bawat kanang mata ninyo, at ilalagay ko iyon bilang kadustaan sa buong Israel.”—1Sa 11:2; tingnan ang NAHAS Blg. 1.
Nakatala sa Bibliya ang ilang kaso ng pagkabulag dahil sa katandaan, anupat wala namang sakit ang mga mata kundi “lumabo” o “nanigas” lamang ang mga ito. Dahil dito, naakay si Isaac na igawad ang pagpapala sa isa na karapat-dapat, si Jacob. Nagsimulang lumabo ang paningin ng mataas na saserdoteng si Eli bago pa siya mamatay sa edad na 98 taon. Nagpakana naman ang asawa ni Jeroboam na samantalahin ang pagiging bulag ng matanda nang propetang si Ahias, ngunit binigo ni Jehova ang pakanang iyon. (Gen 27:1; 1Sa 3:2; 4:14-18; 1Ha 14:4, 5) Gayunman, kahit sa edad na 120 taon, iniuulat tungkol kay Moises na “ang kaniyang mata ay hindi lumabo.”—Deu 34:7.
Si Jehova, ang maygawa ng mata, ay makapagpapasapit din ng pagkabulag. (Exo 4:11) Binabalaan niya ang bansang Israel na kung itatakwil nila ang kaniyang mga batas at lalabagin ang kaniyang tipan, pasasapitan niya sila ng nag-aapoy na lagnat, na magpapalabo ng mga mata. (Lev 26:15, 16; Deu 28:28) Binulag ang balakyot na mga lalaki ng Sodoma at ang manggagaway na si Elimas. (Gen 19:11; Gaw 13:11) Nabulag si Saul ng Tarso sa kaningningan ng liwanag noong magpakita si Jesus sa kaniya “tulad sa isa na ipinanganak nang kulang sa buwan.” Nanauli ang kaniyang paningin nang ipatong sa kaniya ni Ananias ang mga kamay nito, at “nalaglag mula sa kaniyang mga mata ang sa wari ay mga kaliskis.” (1Co 15:8; Gaw 9:3, 8, 9, 12, 17, 18) Sa isang makahulang pananalita ng propetang si Zacarias, sinabi ni Jehova na ang mga kabayo niyaong mga paroroon laban sa Jerusalem ay sasapitan ng pagkabulag (Zac 12:4) at na sa araw na nauukol kay Jehova, ang lahat ng mga bayan na magsasagawa ng paglilingkod militar laban sa Jerusalem ay daranas ng salot kung saan ang mismong mga mata nila ay “mabubulok sa kanilang mga ukit.”—Zac 14:1, 12.
Maliwanag na ang pagkabulag na sumapit sa hukbong militar ng mga Siryano dahil sa salita ni Eliseo ay mental na pagkabulag. Kung pisikal na pagkabulag ang pinasapit sa buong hukbo, lahat sana sila ay kinailangang akayin sa kamay. Ngunit inilalahad lamang ng ulat na sinabihan sila ni Eliseo: “Hindi ito ang daan, at hindi ito ang lunsod. Sundan ninyo ako.” Hinggil sa penomenong ito, sinabi ni William James sa kaniyang Principles of Psychology (1981, Tomo 1, p. 59): “Ang isang lubhang nakatatawag-pansing epekto ng diperensiya sa ‘cortex’ ay ang mental na pagkabulag. Hindi naman ito pagkabulag sa mga nakikita ng mata, kundi ang kawalan ng kakayahang maunawaan ang mga iyon. Sa sikolohiya, ito ay maaaring tukuyin bilang ang pagkawala ng mga ugnayan sa pagitan ng mga nakikita ng mata at ng kahulugan ng mga ito; at nangyayari ito kapag naharangan ang mga daanan sa pagitan ng mga sentro ng paningin at ng mga sentro para sa ibang mga ideya.” Lumilitaw na ito ang uri ng pagkabulag na inalis ni Jehova nang makarating sa Samaria ang hukbong Siryano. (2Ha 6:18-20) Maaaring mental na pagkabulag din ang dinanas ng mga lalaki ng Sodoma, yamang ipinakikita ng ulat na, sa halip na mabagabag sila dahil nawala ang kakayahan nilang makakita, pilit pa rin nilang hinahanap ang pinto ng bahay ni Lot.—Gen 19:11.
Hindi kuwalipikadong maglingkod ang isang lalaki bilang saserdote sa santuwaryo ni Jehova kung siya ay bulag. (Lev 21:17, 18, 21-23) Hindi rin kaayaaya kay Jehova ang paghahain ng isang hayop na bulag. (Deu 15:21; Mal 1:8) Ngunit mababanaag sa kautusan ni Jehova ang konsiderasyon at pakikiramay sa mga bulag. Isinusumpa ang isa na naglalagay ng halang sa daraanan ng taong bulag o nagliligaw sa kaniya. (Lev 19:14; Deu 27:18) Sinabi ng matuwid na lingkod ng Diyos na si Job: “Ako ay naging mga mata para sa bulag.” (Job 29:15) Sinasabi mismo ni Jehova na sa hinaharap ay papawiin niya ang pagkabulag.—Isa 35:5.
Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, makahimala niyang pinanauli ang paningin ng maraming taong bulag. (Mat 11:5; 15:30, 31; 21:14; Luc 7:21, 22) Minsan, nang malapit na si Jesus sa Jerico, pinagaling niya ang bulag na si Bartimeo at ang kasamahan nito. (Mat 20:29-34; Mar 10:46-52; Luc 18:35-43) Noong isang pagkakataon naman, magkasabay niyang pinagaling ang dalawang lalaking bulag. (Mat 9:27-31) Karagdagan pa, pinagaling niya ang isang lalaking inaalihan ng demonyo na kapuwa bulag at di-makapagsalita. (Mat 12:22; ihambing ang Luc 11:14.) Unti-unti naman niyang pinanauli ang paningin ng isang lalaki. Maaaring ito ay upang maibagay ng lalaki, na nasanay na sa dilim, ang kaniyang mga mata sa matinding liwanag ng araw. (Mar 8:22-26) Isa namang taong bulag mula pa nang kapanganakan nito ang naging mananampalataya ni Jesus matapos panauliin ang paningin nito. (Ju 9:1, 35-38) Sa dalawang huling kaso, gumamit si Jesus ng laway o laway na hinaluan ng putik, ngunit hindi nababawasan ang pagiging makahimala ng mga pagpapagaling na ito dahil sa sinasabing pagkakahawig nito sa tradisyonal na panggagamot. Sa kaso ng taong bulag mula pa nang kapanganakan nito, siya ay sinabihang maghugas sa Tipunang-tubig ng Siloam bago siya nagkaroon ng paningin. (Ju 9:7) Walang alinlangang naging pagsubok ito sa kaniyang pananampalataya, kung paanong hinilingan si Naaman na maligo sa Ilog Jordan bago siya luminis mula sa kaniyang ketong.—2Ha 5:10-14.
Makasagisag na mga Paggamit. Sa maraming pagkakataon, ang pag-aapuhap ng mga bulag ay nagsisilbing ilustrasyon tungkol sa pagiging mahina. (Deu 28:29; Pan 4:14; Isa 59:10; Zef 1:17; Luc 6:39) Tiwalang-tiwala ang mga Jebusita na hindi maigugupo ang kanilang kuta anupat tinuya nila si David sa pagsasabing ang kanilang mga bulag, bagaman mahihina, ay makapagdedepensa sa tanggulan ng Sion laban sa Israel.—2Sa 5:6, 8.
Ang pagkabigong maglapat ng katarungan dahil sa katiwalian sa paghatol ay isinagisag ng pagkabulag, at maraming payo sa Kasulatan laban sa panunuhol, pagbibigay ng kaloob, o pagtatangi, yamang maaaring mabulag sa mga bagay na iyon ang isang hukom at makahadlang sa walang-pagtatanging paglalapat ng katarungan. “Ang suhol ay bumubulag ng mga taong malinaw ang paningin.” (Exo 23:8) “Ang suhol ay bumubulag sa mga mata ng marurunong.” (Deu 16:19) Ang isang hukom, matuwid man siya at may pang-unawa, ay maaaring maapektuhan ng isang kaloob mula sa mga nasasangkot sa kaso, namamalayan man niya iyon o hindi. Maingat na isinasaalang-alang ng kautusan ng Diyos ang nakabubulag na epekto hindi lamang ng isang kaloob kundi gayundin ng damdamin, yamang sinasabi nito: “Huwag mong pakikitunguhan nang may pagtatangi ang maralita, at huwag mong kikilingan ang pagkatao ng isang dakila.” (Lev 19:15) Kaya udyok man ng sentimyento o upang maging popular sa karamihan, hindi dapat igawad ng isang hukom ang kaniyang desisyon laban sa mayaman dahil lamang sa mayaman ang mga ito.—Exo 23:2, 3.
Espirituwal na Pagkabulag. Sa Bibliya, higit na mahalaga ang espirituwal na paningin kaysa sa pisikal na paningin. Nang pagalingin niya ang taong bulag mula pa nang kapanganakan nito, ginamit ni Ju 9:39-41; 3:19, 20) Sinabi naman ng apostol na si Pablo sa kongregasyon ng Efeso na naliwanagan na ang mga mata ng kanilang puso. (Efe 1:16, 18) Itinatawag-pansin ni Jesus na yaong mga nag-aangking Kristiyano ngunit hindi palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan ay bulag at hubad, anupat hindi napag-uunawa na sila’y kahabag-habag at nag-aapuhap. (Apo 3:17) Kung paanong ang pagiging nasa kadiliman sa loob ng mahabang yugto ng panahon ay maaaring magdulot ng pagkabulag sa likas na mga mata, itinatawag-pansin ng apostol na si Juan na ang isang Kristiyano na napopoot sa kaniyang kapatid ay lumalakad nang walang patutunguhan sa nakabubulag na kadiliman (1Ju 2:11); at nagbababala naman si Pedro na ang isa na hindi naglilinang ng mga bungang Kristiyano, anupat ang pinakadakila sa mga ito ay pag-ibig, ay “bulag, na ipinipikit ang kaniyang mga mata sa liwanag.” (2Pe 1:5-9) Ang pinagmumulan ng gayong kadiliman at espirituwal na pagkabulag ay si Satanas na Diyablo, na nag-aanyong isang anghel ng liwanag ngunit sa aktuwal ay “diyos ng sistemang ito ng mga bagay” at diyos ng kadiliman na bumulag sa mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya upang hindi nila maunawaan ang mabuting balita tungkol sa Kristo.—Luc 22:53; 2Co 4:4; 11:14, 15.
Jesus ang pagkakataong iyon upang itawag-pansin ang bigat ng pagkakasala ng mga Pariseo dahil nag-angkin silang may espirituwal na paningin at kusang tumangging lumabas mula sa kanilang bulag na kalagayan. Katulad sila niyaong mga umiibig sa kadiliman sa halip na sa liwanag. (