Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkakasala sa Dugo

Pagkakasala sa Dugo

[sa Ingles, bloodguilt].

Kung minsan, ang salitang Hebreo para sa “dugo” (dam; sa pangmaramihan, da·mimʹ) ay tumutukoy sa pagkakasalang bunga ng pagbububo ng dugong walang-sala at sa gayon ay isinasalin bilang “pagkakasala sa dugo.”​—Exo 22:2, tlb sa Rbi8; 1Ha 2:37, tlb sa Rbi8.

Ang “mga kamay na nagbububo ng dugong walang-sala” ay isa sa mga bagay na lubhang karima-rimarim kay Jehova mula pa noong sumigaw ang dugo ng matuwid na si Abel mula sa lupa. (Kaw 6:16, 17; Gen 4:10; Aw 5:6) Matagal na ring alam ng mga tao ang pagiging sagrado ng dugo; nang lumabas si Noe at ang kaniyang pamilya mula sa arka, ipinabatid sa kanila ang napakasasamang bunga na sasapit sa mga may pagkakasala sa dugo.​—Gen 9:6; 37:21, 22; 42:22.

Nang sumapit ang takdang panahon, naglabas ng mga kautusan, anupat malinaw na tinukoy kung anu-anong krimen ang karapat-dapat sa kamatayan, at sa ganitong paraan, maiiwasan ng bawat isa ang paggawa ng bagay na maaaring magdala ng pagkakasala sa dugo sa kaniyang sariling ulo. Nagtatag naman ng ibang batas upang maipagsanggalang ang mga tao mula sa pagbububo ng dugong walang-sala. Kailangang gumawa ng mga halang sa palibot ng bubong ng mga bahay na patag ang bubungan upang huwag mahulog ang mga tao mula roon. (Deu 22:8) Kailangang bantayan ng isang tao ang kaniyang toro upang huwag itong makapanuwag ng mga tao. (Exo 21:29) Kung mapatay ang isang magnanakaw habang nanloloob ito sa gabi, wala roong nasasangkot na pagkakasala sa dugo; ngunit kung mapatay siya sa araw, iba namang kaso iyon. (Exo 22:2, 3) Nagsaayos ng mga kanlungang lunsod upang maipagsanggalang ang nakapatay nang di-sinasadya mula sa tagapaghiganti ng dugo. (Bil 35:25; Deu 19:9, 10; Jos 20:2, 3; tingnan ang TAGAPAGHIGANTI NG DUGO.) Kung mabigo si Ezekiel sa kaniyang tungkulin bilang isang bantay sa Israel, mapapasakaniya ang dugo ng mga tumatahan doon. (Eze 3:18, 20; 33:6, 8) Kung isasaisip ito, mauunawaan natin ang ibig tukuyin ng apostol na si Pablo nang sabihin niyang siya’y walang pagkakasala sa dugo.​—Gaw 18:6; 20:26.

Itinatala ng Bibliya kapuwa yaong mga walang pagkakasala sa dugo at yaong mga may pagkakasala sa dugo, at ang mga ito ay nagsisilbing mainam na mga babalang halimbawa. Nariyan si Saul, na noong minsan ay nakaiwas na magkasala sa dugo dahil hindi niya pinatay si David; gayunman nang maglaon, dinalhan ni Saul ng pagkakasala sa dugo ang kaniyang buong sambahayan nang may-kamangmangan niyang patayin ang ilan sa mga Gibeonita. (1Sa 19:5, 6; 2Sa 21:1) Mayroon ding ilan na nagkaroon ng pagkakasala sa dugo sa iba’t ibang paraan. (Huk 9:24; 2Sa 1:16; 4:6-12) Sa kabilang dako, naiwasan ni David ang gayong pagkakasala nang dinggin niya ang babala ni Jehova na ipinarating sa kaniya sa pamamagitan ni Abigail. (1Sa 25:24-26, 31, 33) Winasak ang lunsod ng Jerusalem noong 607 B.C.E. dahil sa malubhang pagkakasala sa dugo. (Eze 22:2-4; 23:37, 45) Gaya rin ng mga lider noong panahon ni Jeremias, hindi maikakaila ng mga lider ng huwad na relihiyon noong mga araw ni Jesus ang kanilang pagkakasala sa dugo sapagkat, sa dalawang pagkakataong ito, kasimpula ng krimson ang kanilang mga laylayan dahil sa dugo ng tapat na mga lingkod ni Jehova. (Jer 2:34; Mat 23:35, 36; 27:24, 25; Luc 11:50, 51) Napakalaki ng pagkakasala sa dugo ng dakilang “patutot” na Babilonyang Dakila anupat sinasabing lasing siya sa dugo ng bayan ni Jehova.​—Apo 17:5, 6; 18:24.

Tunay na hindi marapat ipamuhay ng gayong mga may pagkakasala sa dugo ang kalahati ng kanilang mga buhay, gaya ng sinabi ni David. (Aw 55:23) Gaya ng ginawa ni David, dapat ding idalangin ng lahat na iligtas sila ni Jehova kapuwa mula sa pagkakasala sa dugo at sa mga may pagkakasala sa dugo. (Aw 51:14; 59:2; 139:19) Gaya ng patiunang sinabi ng hula sa Apocalipsis, di-magtatagal at darating ang panahon kapag isang malakas na koro ng papuri ang paiilanlang kay Jehova dahil napuksa na ang mga huling elemento ng Babilonyang Dakila at naipaghiganti na magpakailanman ang dugo ng lahat ng mga walang-sala na ito.​—Apo 19:1, 2.

Binabalangkas ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang tatlong magkakaibang paraan kung paano maaaring magkaroon ng pagkakasala sa dugo sa harap ng Diyos ang isang Kristiyano: (1) sa pamamagitan ng pagbububo ng dugo, pagpaslang​—kabilang dito yaong mga aktibo o tahimik na sumusuporta sa mga gawain ng isang organisasyon na may pagkakasala sa dugo (gaya ng Babilonyang Dakila [Apo 17:6; 18:2, 4] o ng iba pang organisasyon na nagbubo ng napakaraming dugong walang-sala [Apo 16:5, 6; ihambing ang Isa 26:20, 21]); (2) sa pamamagitan ng pagkain o pag-inom ng dugo sa anumang paraan (Gaw 15:20); at (3) sa pamamagitan ng hindi pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, anupat ipinagkakait ang nagliligtas-buhay na impormasyong taglay nito.​—Gaw 18:6; 20:26, 27; ihambing ang Eze 33:6-8.