Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkakulong, Pagkabihag

Pagkakulong, Pagkabihag

Ang kalagayan ng isang taong pinipigilan ayon sa proseso o awtoridad ng batas; aktuwal na pagkabilanggo.

Ang isang halimbawa nito ay ang mestisong Israelita na nang-abuso sa pangalan ni Jehova samantalang siya’y nasa kampo ng Israel. Matapos siyang lumabag sa Kautusan, sinabi ng ulat: “Pagkatapos ay inilagay nila siya sa kulungan hanggang sa magkaroon ng malinaw na kapahayagan sa kanila ayon sa salita ni Jehova.” (Lev 24:10-16, 23) Sa Israel, karaniwan nang hindi ikinukulong nang matagal ang mga kriminal sapagkat dapat nilang ilapat nang mabilis ang katarungan. (Jos 7:20, 22-25) Gayunman, sa kasong ito, at sa kaso ng manlalabag ng Sabbath sa Bilang 15:32-36, hinintay muna nilang linawin ni Jehova ang kautusan; ngunit nang matiyak na ang pasiya ni Jehova sa bagay na iyon, kaagad na inilapat ang hatol. Sa katulad na paraan, ikinulong si Pedro at ang iba pang mga apostol, bagaman hindi iyon makatarungan, samantalang hinihintay nila ang paglilitis sa harap ng Sanedrin noong sumunod na araw. (Gaw 4:3; 5:17, 18) Binabanggit din sa Kasulatan na si Jeremias ay di-makatarungang inilagay sa pag-iingat sa Looban ng Bantay, ngunit hindi ito basta pag-iingat bago ang paglilitis kundi aktuwal na pagbibilanggo.​—Jer 37:21.

Sa Galacia 3:19-25, ang mga terminong “nababantayan” at “pagkakabihag” ay ginagamit sa espirituwal na diwa. Sinasabi ni Pablo na inihayag ng Kautusan ang mga pagsalansang at na “sama-samang dinala ng Kasulatan ang lahat ng bagay sa pagkakabihag sa kasalanan.” Ngunit nagpatuloy siya: “Gayunman, bago dumating ang pananampalataya, tayo ay nababantayan sa ilalim ng kautusan, na sama-samang dinadala sa pagkabihag, na nakatingin sa pananampalatayang nakatalagang isiwalat.” Sa gayon ay idiniin niya kung paanong ang likas na Israel ay nasa espirituwal na pagkabihag noon, anupat nababantayan o naiingatan ng Kautusan, hanggang noong dumating ang pananampalataya kay Kristo.