Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkamasunurin

Pagkamasunurin

Ang pagpapasakop sa awtoridad, ang paggawa ng iniuutos, ang pagsunod sa hinihiling, o ang pag-iwas sa bagay na ipinagbabawal.

Sa Hebreong Kasulatan, ang diwa ng pagkamasunurin ay ipinapahayag ng salitang sha·maʽʹ, na may pangunahing kahulugan na “makinig” o “pakinggan.” Kaya naman, may mga pagkakataon na ang sha·maʽʹ ay tumutukoy sa simpleng pakikinig, ang pagkakaroon ng kabatiran sa isang bagay sa pamamagitan ng mga sangkap sa pandinig. (Gen 3:10; 21:26; 34:5) Ngunit kapag ang bagay na sinasalita ay nagpapahayag ng kalooban, naisin, tagubilin, o utos, ang terminong Hebreo ay may diwa ng pagbibigay-pansin o pagsunod sa isa na nagsasalita. “Pinakinggan” ni Adan ang tinig ng kaniyang asawa, samakatuwid nga, nakiayon siya sa naisin ng kaniyang asawa na samahan niya ito sa pagkain ng ipinagbabawal na bunga. (Gen 3:17; ihambing ang 21:12.) Tumangging ‘makinig’ si Jose sa mga pagsusumamo ng asawa ni Potipar. (Gen 39:10) Natakot naman si Haring Saul sa bayan ‘kung kaya sinunod [pinakinggan] niya ang kanilang tinig,’ at sa gayo’y nilabag niya ang utos ng Diyos. (1Sa 15:24) Nagbigay si Jehova kay Abraham ng isang pangako hinggil sa isang binhi dahil “pinakinggan,” o sinunod, ni Abraham ang tinig ni Jehova, anupat tinupad ang kaniyang mga utos.​—Gen 22:18; 26:4, 5; ihambing ang Heb 11:8; tingnan ang TAINGA, PANDINIG.

Ginagamit din ang terminong Hebreo na ito upang tumukoy sa ‘pakikinig’ ng Diyos sa mga tao. Dito, hindi angkop ang terminong Tagalog na “pagkamasunurin,” yamang hindi naman maaaring utusan ng mga tao ang Diyos. Maaari lamang silang makiusap o magsumamo sa kaniya. Kaya naman, nang sabihin ng Diyos kay Abraham na “kung tungkol kay Ismael ay narinig kita,” ang ibig niyang sabihin ay na isinaalang-alang niya ang kahilingan ni Abraham at na kikilos siya kasuwato niyaon. (Gen 17:20) Sa katulad na paraan, ‘naririnig’ o tinutugon ng Diyos ang pagsamo ng mga tao sa mga panahon ng suliranin o kapighatian, anupat sinasagot ang kanilang mga pakiusap kapag nakikita niyang angkop na magpakita ng awa.​—Gen 16:11; 29:33; 21:17; Exo 3:7-9; ihambing ang Deu 1:45.

Katulad ng sha·maʽʹ, ang pandiwang Griego na hy·pa·kouʹo (anyong pangngalan, hy·pa·ko·eʹ), na nagpapahayag ng ideya ng pagsunod, ay literal na nangangahulugang “makinig sa ilalim,” samakatuwid nga, makinig nang may pagpapasakop o tumugon (gaya sa Gaw 12:13). Ang isa pang termino na nagtatawid ng diwa ng pagkamasunurin ay ang peiʹtho, na nangangahulugang “hikayatin.” (Mat 27:20) Sa tinig na balintiyak (passive voice) at sa tinig na panggitna (middle voice), hindi lamang ito nangangahulugan ng mahikayat (Luc 16:31), magtiwala (Mat 27:43), manampalataya (Gaw 17:4) kundi nangangahulugan din ng pakinggan (Gaw 5:40), sundin (Gaw 5:36, 37). Sa terminong ito nagmula ang negatibong anyo na a·pei·theʹo (nangangahulugang hindi maniwala [Gaw 14:2; 19:9] o sumuway [Ju 3:36]), at ang iba pang kaugnay na mga termino.

Gaya ng ipinakikita ng mga salitang ito sa orihinal na mga wika ng Kasulatan, ang pagkamasunurin ay nakadepende sa pakikinig, samakatuwid nga, sa pagtanggap ng impormasyon o kaalaman (ihambing ang Luc 12:47, 48; 1Ti 1:13), at pagkatapos ay sa pagpapasakop sa kalooban o naisin ng isa na nagsasalita o nagpapahayag ng kalooban o naising iyon. Ang pagpapasakop naman ay nakadepende sa pagkilala sa awtoridad o karapatan ng isang iyon na hingin o hilingin ang pagtugon na inaasahan, at gayundin sa pagnanais o pagiging handa ng tagapakinig na pagbigyan ang kalooban ng isang iyon. Gaya ng ipinahihiwatig ng mga salitang Griego na peiʹtho at a·pei·theʹo, kasangkot din dito ang paniniwala at pagtitiwala.

Mahalaga sa Buhay ang Pagkamasunurin sa Diyos. Ang Diyos ang siyang unang may karapatan sa pagkamasunurin ng lahat ng kaniyang mga nilalang. Wasto lamang na sumunod sila sa kaniya nang walang pasubali yamang siya ang kanilang Maylikha, ang Bukal ng buhay at tumutustos dito. (Aw 95:6-8) Dahil siya’y isang Diyos na Marunong-sa-lahat at Makapangyarihan-sa-lahat, ang mga sinasabi niya ay dapat pag-ukulan ng sukdulang paggalang at pansin. Marapat lamang na ang isang amang tao ay umasa na susundin ng kaniyang mga anak ang kaniyang mga sinasabi, at kung mabagal tumugon ang isang bata, baka mariing sabihin ng isang magulang, “Narinig mo ba ako?” Lalong higit na marapat humiling ng pansin at pagtugon ang makalangit na Ama sa kaniyang mga pananalita.​—Ihambing ang Deu 21:18-21; Kaw 4:1; Isa 64:8; 1Pe 1:14.

Walang maihahalili sa pagkamasunurin; hindi maaaring matamo ang lingap ng Diyos kung wala ito. Gaya ng sinabi ni Samuel kay Haring Saul: “Mayroon bang gayon kalaking kaluguran si Jehova sa mga handog na sinusunog at mga hain na gaya ng sa pagsunod [isang anyo ng sha·maʽʹ] sa tinig ni Jehova? Narito! Ang pagsunod [sa literal, ang pakikinig] ay mas mabuti kaysa sa hain, ang pagbibigay-pansin kaysa sa taba ng mga barakong tupa.” (1Sa 15:22) Ang hindi pagsunod ay pagtanggi sa salita ni Jehova, anupat nagpapakita na ang isa ay hindi talaga naniniwala, nagtitiwala, o nananampalataya sa salitang iyon at sa Pinagmumulan niyaon. Kaya naman, ang hindi sumusunod ay walang ipinagkaiba sa isa na nanghuhula o gumagamit ng mga idolo. (1Sa 15:23; ihambing ang Ro 6:16.) Walang kabuluhan ang berbal na mga kapahayagan ng pagsang-ayon kung hindi sinusundan ng hinihiling na pagkilos; ang kawalan ng pagtugon ay katibayan ng kawalan ng paniniwala o paggalang sa pinagmumulan ng mga tagubilin. (Mat 21:28-32) Yaong mga nasisiyahan sa basta pakikinig at pagtanggap sa katotohanan ng Diyos, ngunit hindi naman gumagawa ng hinihiling nito, ay lumilinlang sa kanilang sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran at hindi tatanggap ng anumang pagpapala. (San 1:22-25) Nilinaw ng Anak ng Diyos na kahit yaong mga gumagawa ng mga bagay na katulad niyaong mga ipinag-utos, ngunit maliwanag na sa maling paraan o taglay ang maling motibo, ay hindi kailanman makapapasok sa Kaharian kundi lubusang itatakwil.​—Mat 7:15-23.

Paglaban sa pagkamasuwaying bunga ng minanang kasalanan. Sa pasimula pa lamang, sinabi na ng Diyos sa tao na ang pagkamasunurin ay isang mahalagang bagay na nangangahulugan ng buhay at kamatayan. (Gen 2:16, 17) Kapit din ang alituntuning ito sa mga espiritung anak ng Diyos. (1Pe 3:19, 20; Jud 6; Mat 25:41) Ang kusang-loob na pagsuway ng sakdal na taong si Adan, bilang ulong may-pananagutan kay Eva at lalaking pinagmulan ng buhay ng pamilya ng tao, ay nagdulot ng kasalanan at kamatayan sa lahat ng kaniyang supling. (Ro 5:12, 19) Kung gayon, ang mga tao ay likas na “mga anak ng pagsuway” at “mga anak ng poot,” anupat hindi karapat-dapat sa lingap ng Diyos dahil sa paglabag nila sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Kung hindi lalabanan ang likas na hilig na ito sa pagkamasuwayin, hahantong ito sa landasin ng sukdulang pagkapuksa.​—Efe 2:2, 3; 5:6-11; ihambing ang Gal 6:7-9.

Maawaing inilaan ng Diyos na Jehova ang paraan upang malabanan ng isa ang kasalanan sa laman at upang magtamo siya ng kapatawaran sa masasamang gawa na bunga ng di-kasakdalan at hindi ng kusang-loob na pagsuway. Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, inilalaan ng Diyos ang puwersa ukol sa katuwiran na tumutulong sa mga taong makasalanan na makapagluwal ng mabubuting bunga. (Gal 5:16-24; Tit 3:3-7) Napapatawad naman ang mga kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo, at ang mismong pananampalatayang iyan ay pumipigil sa isa sa paggawa ng masama at nag-uudyok sa kaniya na maging masunurin. (1Pe 1:2) Kaya naman tinutukoy ni Pablo ang “pagkamasunurin [pakikinig nang may pagpapasakop] sa pamamagitan ng pananampalataya.” (Ro 16:26; 1:16; ihambing ang Gaw 6:7.) Sa Roma 10:16-21, ipinakikita niya na ang pakikinig na nilakipan ng pananampalataya ay nagbubunga ng pagkamasunurin at na ang pagsuway (hindi paniniwala [mula sa a·pei·theʹo]) ng mga Israelita ay dahil sa kawalan ng pananampalataya. (Ihambing ang Heb 3:18, 19.) Yamang ang tunay na pananampalataya ay “ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan” at “ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita,” at yamang humihiling ito ng paniniwala na ang Diyos ay umiiral “at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya,” yaong mga may pananampalataya ay napakikilos na sumunod, palibhasa’y nagtitiwala at nakatitiyak sa mga pagpapalang idudulot ng pagkamasunurin.​—Heb 11:1, 6.

Kaayon nito, ang pakikipagtalastasan ng Diyos sa mga tao ay hindi gaya ng sa isang walang-malasakit na diktador na nagbibigay ng sunud-sunod na tahasang mga utos. Hindi ibig ng Diyos ang pagkamasunurin na tulad ng sa isang hayop na napapasunod gamit ang renda at kabisada. (Ihambing ang San 3:3; Aw 32:8, 9.) Ang hinihiling niya ay hindi isang mekanikal o pilít na pagsunod, na gaya niyaong iniukol ng mga demonyo kay Kristo at sa kaniyang mga alagad (Mar 1:27; Luc 10:17, 20), kundi pagsunod na udyok ng isang pusong mapagpahalaga. (Aw 112:1; 119:11, 112; Ro 6:17-19) Kaya naman ang mga kapahayagan ni Jehova ng kaniyang kalooban at layunin ay nilalakipan niya ng impormasyon na nakaaantig sa pagpapahalaga ng isa sa katarungan at katuwiran, sa pag-ibig at kabutihan, katalinuhan, pangangatuwiran, at karunungan. (Deu 10:12, 13; Luc 1:17; Ro 12:1, 2) Yaong mga may tamang saloobin ng puso ay sumusunod dahil sa pag-ibig. (1Ju 5:2, 3; 2Ju 6) Gayundin, ang mga tagapakinig ay nahihikayat na sumunod dahil sa pagiging totoo at tama ng mensaheng ibinibigay sa pamamagitan ng mga lingkod ng Diyos, kaya naman tinutukoy ng apostol na si Pedro ang “pagkamasunurin sa katotohanan na ang resulta ay walang-pagpapaimbabaw na pagmamahal na pangkapatid.”​—1Pe 1:22; ihambing ang Ro 2:8, 9; Gal 5:7, 8.

Malaking pagtitiis ang ipinakita ni Jehova sa Israel at tinukoy niya ang kaniyang sarili bilang “araw-araw [na] bumabangon nang maaga” at nagsusugo ng kaniyang mga propeta upang payuhan at paalalahanan sila, anupat ‘buong araw na iniuunat ang kaniyang mga kamay sa isang bayan na masuwayin at sumasagot nang palabán,’ ngunit patuloy nilang pinatitigas ang kanilang mga puso na gaya ng batong esmeril, anupat may-pagkasutil na tumatanggi sa disiplina. (Jer 7:23-28; 11:7, 8; Zac 7:12; Ro 10:21) Kahit noong dumating na ang Mesiyas, sinikap nilang magpakamatuwid sa sarili nilang pamamaraan, sa pamamagitan ng mga gawa ng Kautusan. Dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya at pagkamasunurin sa mga tagubilin ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak, naiwala ng karamihan sa kanila ang pagkakataong mapabilang sa pamahalaan ng Kaharian, anupat nabuksan ang daan para sa maraming di-Judio na maging bahagi ng piniling bansa ng espirituwal na Israel.​—Ro 10:1-4; 11:13-23, 30-32.

May ginagampanan ding papel sa pagkamasunurin ang wastong pagkatakot sa Diyos, sapagkat kinikilala ng isa ang pagiging makapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at na ang Diyos ay hindi maaaring dayain ni malilibak man siya, yamang ibinibigay niya sa bawat isa ang ayon sa mga gawa ng isang iyon. (Ihambing ang Fil 2:12, 13; Gal 6:7, 8; Heb 5:7.) Ang kusang-loob na pagsuway o pagwawalang-bahala sa isiniwalat na kalooban ng Diyos ay nagdudulot ng “nakatatakot na paghihintay sa paghuhukom.”​—Heb 10:26-31.

Inilalahad ng Kasulatan ang maraming nakapagpapatibay na halimbawa ng tapat na pagsunod sa lahat ng uri ng kalagayan at situwasyon at sa harap ng lahat ng uri ng pagsalansang. Ang pinakamahusay na halimbawa ay ang ipinakita ng sariling Anak ng Diyos, na “nagpakababa . . . at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” (Fil 2:8; Heb 5:8) Sa pamamagitan ng kaniyang landasin ng pagkamasunurin, siya ay nabigyang-katuwiran o napatunayang matuwid sa ganang sarili niya, at sa gayo’y makapaglalaan ng isang sakdal na haing tutubos sa sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan.​—Ro 5:18-21.

Pagkamasunurin sa Ibang mga Nakatataas. Dahil sa posisyon ng Anak bilang Haring inatasan ng Diyos, siya ay kailangang sundin ng lahat ng iba pa. (Dan 7:13, 14) Siya ang “Shilo” na mula sa tribo ni Juda, ang isa na ‘kinauukulan ng pagkamasunurin ng mga bayan’ (Gen 49:10), ang propeta na tulad ni Moises na dapat pakinggan ng bawat kaluluwa kung hindi’y daranas sila ng pagkapuksa (Gaw 3:22, 23), isang “lider at kumandante sa mga liping pambansa” (Isa 55:3, 4), inilagay na “lubhang mataas pa sa bawat pamahalaan at awtoridad at kapangyarihan at pagkapanginoon” (Efe 1:20, 21), na sa kaniya ay dapat “lumuhod ang bawat tuhod” bilang pagkilala sa kaniyang bigay-Diyos na awtoridad (Fil 2:9-11). Siya ang Mataas na Saserdote na may mga tagubiling umaakay sa pagpapagaling at buhay na walang hanggan para sa mga nakikinig sa kaniya nang may pagpapasakop. (Heb 5:9, 10; Ju 3:36) Yamang siya ang Pangunahing Tagapagsalita ng Diyos, wasto lamang na sabihin ni Jesus na ang pagkamasunurin sa kaniyang mga pananalita ang tanging makapagbibigay ng matatag na pundasyon upang maging tiyak ang pag-asa ng mga tao sa hinaharap. (Mat 7:24-27) Ang pagkamasunurin ng kaniyang mga tagasunod ay patotoo na iniibig nila siya at ang pag-ibig na iyon ang nag-uudyok sa kanila na maging masunurin. (Ju 14:23, 24; 15:10) Yamang binigyan ng Diyos ang kaniyang Anak ng pangunahing papel sa katuparan ng lahat ng kaniyang layunin (Ro 16:25-27), ang buhay ay nakasalalay sa pagsunod sa “mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus,” at kalakip sa pagkamasunuring ito ang pangmadlang pagpapahayag ng isa ng pananampalataya niya sa kaniya.​—2Te 1:8; Ro 10:8-10, 16; 1Pe 4:17.

Bilang ulo ng kongregasyong Kristiyano, si Kristo Jesus ay naggagawad ng awtoridad sa iba, gaya ng ginawa niya sa mga apostol. (2Co 10:8) Ang mga taong ito ang naghahatid ng mga tagubilin ng Ulo ng kongregasyon, kaya naman wasto at mahalaga ang pagkamasunurin sa kanila (2Co 10:2-6; Fil 2:12; 2Te 3:4, 9-15), sapagkat ang espirituwal na mga pastol na ito ay “patuloy [na] nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit.” (Heb 13:17; 1Pe 5:2-6; ihambing ang 1Ha 3:9.) Ikinagagalak ng responsableng mga taong ito ang kusang-loob na pagtugon at pagkamasunurin, gaya ng ipinakita ng mga Kristiyanong taga-Roma at taga-Filipos at gayundin ni Filemon, na sa kaniya ay masasabi ni Pablo, “Ako ay sumusulat sa iyo, sa pagkaalam na gagawin mo ang higit pa kaysa sa mga bagay na sinasabi ko.”​—Ro 16:19; Fil 2:12, 17; Flm 21.

Pagkamasunurin sa mga magulang at mga asawang lalaki. Ang mga magulang ay may bigay-Diyos na likas na karapatan sa pagkamasunurin ng kanilang mga anak. (Kaw 23:22) Walang alinlangan na ang pagkamasunurin ni Jacob sa kaniyang mga magulang ay isa sa mga dahilan kung bakit ‘inibig ni Jehova si Jacob ngunit kinapootan si Esau.’ (Mal 1:2, 3; Gen 28:7) Bilang isang anak, si Jesus ay nagpasakop sa kaniyang mga magulang sa lupa. (Luc 2:51) Pinaaalalahanan ng apostol na si Pablo ang mga anak na “maging masunurin . . . sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay.” Dapat tandaan na ang liham niyang ito ay patungkol sa mga Kristiyano, kaya naman hindi maaaring maging kasama sa “lahat ng bagay” ang pagsunod sa mga utos na magbubunga ng pagsuway sa salita ng makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova, sapagkat hindi iyan magiging “lubhang kalugud-lugod” sa Panginoon. (Col 3:20; Efe 6:1) Sa Kasulatan, hindi ipinagwawalang-bahala ang pagsuway sa mga magulang, at sa ilalim ng Kautusan, ang isang anak na patuloy na sumusuway ay kailangang patayin.​—Deu 21:18-21; Kaw 30:17; Ro 1:30, 32; 2Ti 3:2.

Dahil sa pagkaulo ng lalaki, ang mga asawang babae ay kailangang maging masunurin sa kanilang mga asawang lalaki “sa bawat bagay.” May kaugnayan dito, si Sara ay binanggit bilang isang halimbawang dapat tularan. (Efe 5:21-33; 1Pe 3:1-6) Sabihin pa, hindi lubusan ang pagkaulo at awtoridad ng asawang lalaki, kundi nakabababa sa pagkaulo at awtoridad ng Diyos at ni Kristo.​—1Co 11:3.

Sa mga panginoon at sa mga pamahalaan. Ang mga alipin ay pinayuhan din na maging masunurin sa kanilang mga panginoon “sa lahat ng bagay,” hindi sa pakitang-taong paglilingkod kundi bilang mga alipin ni Kristo, na may takot kay Jehova. (Col 3:22-25; Efe 6:5-8) Ang mga alipin na kailangang magbata ng mga pagdurusa ay maaaring tumingin kay Kristo Jesus bilang kanilang halimbawa, na magagawa rin ng mga Kristiyanong asawang babae na nasa ilalim ng gayunding mga kalagayan. (1Pe 2:18-25; 3:1) May pasubali at hindi ganap ang awtoridad ng kanilang mga panginoon. Kaya ang mga aliping Kristiyano ay magiging masunurin lamang sa “lahat ng bagay” na hindi salungat sa kalooban at mga utos ng Diyos.

Bilang panghuli, ang pagkamasunurin ay nauukol sa makalupang mga pamahalaan, mga awtoridad, at mga tagapamahala (Tit 3:1), yamang pinahintulutan sila ng Diyos na manungkulan at pinahintulutan pa nga silang mag-ukol ng ilang serbisyo sa kaniyang bayan. Kaya naman kahilingan sa mga Kristiyano na ‘magbayad kay Cesar ng mga bagay na kay Cesar.’ (Mar 12:14-17) Ang mahigpit na dahilan para sa pagsunod ng mga Kristiyano sa mga batas ni Cesar at sa pagbabayad ng mga buwis ay hindi ang wastong pagkatakot sa “tabak” ng kaparusahan ni Cesar, kundi pangunahin na, ang budhing Kristiyano. (Ro 13:1-7) Yamang budhi ang siyang nagpapasiya, maliwanag na ang pagpapasakop ng Kristiyano sa mga pamahalaan ng tao ay limitado lamang sa mga bagay na hindi labag sa kautusan ng Diyos. Sa dahilang ito, may-katatagang sinabi ng mga apostol sa mga tagapamahalang nag-utos sa kanila na huminto sa pagtupad ng kanilang bigay-Diyos na atas na mangaral: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gaw 5:27-29, 32; 4:18-20.