Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkit

Pagkit

[sa Ingles, wax].

Maliwanag na ang pagkit na tinutukoy sa Bibliya ay ang pagkit ng mga bubuyog [beeswax], isang substansiyang matingkad na dilaw na ginagamit ng mga bubuyog sa paggawa ng mga dingding ng mga silid ng bahay-pukyutan na pinaglalagyan nila ng pulot-pukyutan o mga larva. Pagkatapos kumain ng napakaraming pulot-pukyutan, ang mga manggagawang bubuyog ay gumagawa ng pagkit sa pantanging mga glandula sa kanilang mga tiyan. Ang pagkit ay inilalabas sa pagkaliliit na butas sa balat at namumuo bilang maliliit na puting kaliskis sa labas ng tiyan. Pagkatapos, ang mga kaliskis ng pagkit ay inililipat sa bibig ng bubuyog, kung saan ito nginunguya bago gamitin sa pagtatayo. Kontrolado ng bubuyog ang paggawa ng pagkit at gagawa lamang siya nito kung kinakailangan.​—Tingnan ang BUBUYOG.

Madaling ihiwalay ang pagkit sa pulot-pukyutan kung tutunawin ito sa mainit na tubig. Dahil dito, lulutang ang pagkit sa ibabaw, at maaari itong sagapin mula roon. Ang pagkatunaw ng pagkit ay ginagamit sa matulaing mga ilustrasyon sa Kasulatan upang ilarawan ang nababagabag na kalagayan ng puso (Aw 22:14), ang pagkatunaw ng mga bundok at ng mga kapatagan (Aw 97:5; Mik 1:4), at ang pagkapuksa ng mga kaaway ng Diyos. Bumulalas ang salmista: “Kung paanong ang pagkit ay natutunaw dahil sa apoy, malipol nawa ang mga balakyot mula sa harap ng Diyos.”​—Aw 68:1, 2.