Paglikom
Nang si Pablo ay nasa Efeso noong mga 55 C.E., sumulat siya sa mga taga-Corinto: “Ngayon may kinalaman sa paglikom na para sa mga banal, kung paanong nagbigay ako ng mga utos sa mga kongregasyon ng Galacia, gayon din ang gawin ninyo.” (1Co 16:1, 2) Ang salitang Griego na lo·giʹa (“paglikom”) ay ginagamit na mula pa noong ikatlong siglo B.C.E. Sa Bibliya, lumilitaw lamang ito sa dalawang nabanggit na talata.
Ang pananalitang “lumikom ng mga ikapu” sa Hebreo 7:5 ay nagmula sa isang salita (a·po·de·ka·toʹo) na ibang-iba sa lo·giʹa.
Gayunman, ipinahihiwatig ng mga salitang ginamit ni Pablo sa 1 Corinto 16:1, 2 na malamang na ang tinutukoy niya ay isang paglikom ng salapi at hindi ng pagkain o pananamit, at nang banggitin niya ang “paglikom,” tumutukoy ito sa isang pantanging paglikom na alam na ng mga taga-Corinto. Ang itinagubilin lamang ni Pablo ay kung paano isasagawa ang paglikom. Gagawin iyon nang pribado at sa “sariling bahay” ng isa, anupat kusang-loob ‘ayon sa kasaganaan’ ng bawat isa, gaya ng ginagawa sa “mga kongregasyon ng Galacia.”—1Co 16:1, 2.
Si Pablo ay nagbigay ng “mga utos,” hindi ayon sa sarili niyang kagustuhan anupat namimilit, kundi dahil siya ang nangunguna at nangangasiwa sa gawaing ito, na nagsasangkot ng ilang kongregasyon. (1Co 16:1) Siya at ang iba pang kasama niya ang maingat na nagplano ng proyektong ito. Bukod sa pagkabahala niya sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga kongregasyon, laging isinasaisip ni Pablo ang pisikal na mga pangangailangan ng mga dukhang Kristiyano, at lumilitaw na ang paglikom na ito ay partikular nang para sa kapakanan ng mga Kristiyano sa Judea na noo’y nagigipit. (Gal 2:10) Sa ibang mga talata, tinukoy ni Pablo ang paglikom na ito sa pamamagitan ng mga pananalitang gaya ng “pag-aabuloy sa mga dukha ng mga banal sa Jerusalem” (Ro 15:26), “ministeryo . . . para sa mga banal” (2Co 9:1), “inyong saganang kaloob na ipinangako noong una,” “pangmadlang paglilingkod na ito” (2Co 9:5, 12), “mga kaloob ng awa” (Gaw 24:17). Ang gayong maibiging pagkabahala sa pangangailangan ng mga kapuwa Kristiyano ay isa sa mga pagkakakilanlan ng unang-siglong Kristiyanismo.—Ju 13:35; tingnan ang ABULOY.