Paglililok
[sa Ingles, engraving].
Ang sining ng pag-ukit ng mga disenyo o mga titik sa mga materyales na gaya ng kahoy (1Ha 6:29, 32), metal (Exo 39:30), o bato (Zac 3:9). Sa Kasulatan, maaaring ang kauna-unahang pagtukoy sa paglililok ay ang pagbanggit sa singsing na pantatak ni Juda. (Gen 38:18) Ang paglililok ay karaniwang ginagawa sa pamamagitan ng matutulis na kasangkapang bakal o maging sa pamamagitan ng mga tulis ng diamante. (Jer 17:1) Ngunit “daliri” ng Diyos ang umukit ng Sampung Utos sa bato.—Exo 31:18; 32:16; 34:1; 2Co 3:7.
Inililok ang mga pangalan ng anim na iba’t ibang tribo ng Israel sa bawat isa sa dalawang batong onix na nasa mga dugtungang pambalikat ng epod ng mataas na saserdote, at inililok naman ang pangalan ng isang tribo sa bawat isa sa 12 mahahalagang bato na nakapalamuti sa kaniyang pektoral. Sa banal na tanda ng pag-aalay, ang kumikinang na laminang ginto sa turbante ng mataas na saserdote, ay nakalilok ang mga salitang: “Ang kabanalan ay kay Jehova.” Palibhasa’y pinuspos ng espiritu ng Diyos, si Bezalel, kasama si Oholiab, ay naging kuwalipikadong gumawa ng espesyal na gawaing ito ng paglililok at naging kuwalipikado ring magsanay ng iba.—Exo 35:30-35; 28:9-12; 39:6-14, 30.