Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagluluto, Mga Kagamitan sa Pagluluto

Pagluluto, Mga Kagamitan sa Pagluluto

Karaniwan na, ang paghahanda ng pagkain sa pamamagitan ng pagpapakulo o paglalaga, pag-iihaw, o pagluluto (sa Ingles, baking) ay itinuturing na tungkulin ng mga babae sa sambahayang Hebreo, ngunit may ilang pagkakataon na mga lalaki ang naghahanda ng mga pagkain. (Gen 18:6-8; 27:3-9, 14, 30, 31; 1Sa 8:13; 2Sa 13:8) Noong naninirahan sila sa mga tolda, malamang na ang mga Hebreo ay kadalasang sa labas nagluluto. Nang mamayan sila sa Canaan at manirahan sa mga bahay na bato, kung minsan ay nagluluto sila sa loob ng kanilang mga tahanan, partikular na kapag masama ang panahon. (Huk 6:19; 2Sa 13:7-11) Noon, pinakamagawain ang pagluluto para sa hapunan, na siyang pangunahing oras ng kainan sa buong maghapon. (Luc 14:12; Apo 3:20) Walang anumang maaaring iluto kapag regular na araw ng Sabbath, yamang ipinagbawal ng Kautusan kahit ang pagpapaningas ng apoy.​—Exo 35:3.

Iba’t ibang kagamitan at kasangkapan ang ginamit ng mga Hebreo sa paghahanda ng pagkain. Noon ay may gilingang pangkamay, na ginagamit ng mga babae sa sambahayan. (Deu 24:6; Mat 24:41; tingnan ang GILINGAN.) Para sa mga espesya o kakaunting butil, sapat na ang almires at pandikdik. (Bil 11:8; tingnan ang ALMIRES.) Ang masa ng tinapay ay hinahalo naman sa isang masahan (Exo 12:34) at niluluto sa isang apuyan o sa isang pugon.​—Exo 8:3; 1Cr 9:31.

Ang mga tinidor ay ginamit sa tabernakulo at, nang maglaon, maging sa templo. (Exo 27:3; 2Cr 4:16) May binabanggit na tinidor na tatlo ang tulis na ginagamit ng mga saserdote. (1Sa 2:12-14) Maaaring kahawig nito ang tinidor na ginagamit ng mga tagapagluto sa sambahayan upang hanguin ang karne mula sa palayok o kaldero. Mayroon din silang iba’t ibang uri ng kutsilyo na panghiwa ng karneng lulutuin. Walang pahiwatig sa Kasulatan na gumagamit sila ng kutsilyo at tinidor kapag kumakain.

Noon, ang mga sisidlang dinisenyo para sa pagluluto ay karaniwan nang gawa sa luwad, bagaman ang iba naman ay yari sa tanso, gaya niyaong partikular na binanggit may kaugnayan sa santuwaryo. (Lev 6:28) Kabilang ang mga kaldero sa mga kagamitan sa pagluluto na masusumpungan sa mga sambahayan; ang mga ito ay pabilog na mga lalagyan na iba’t iba ang laki. Sa mga ipinintang larawan sa mga libingan ng mga Ehipsiyo, may makikitang mga bronseng kaldero na may mga paa, at posibleng ang mga sisidlang ito ang nasa isip ng nagrereklamong mga Israelita sa ilang nang sabihin nilang “nakaupo [sila] sa tabi ng mga kaldero ng karne” noong sila’y nasa Ehipto. (Exo 16:3) Ang salitang Hebreo na isinalin sa tekstong ito bilang “mga kaldero” ay yaong karaniwang ginagamit para sa palayok na maluwang ang bibig, na maaaring gamitin sa paghuhugas (Aw 60:8) o sa pagluluto. (2Ha 4:38-41; Eze 24:3-5) May iba’t ibang laki ang mga ito, mula sa may katamtamang laki na mga 30 sentimetro (12 pulgada) ang diyametro hanggang sa mga kalderong pagkalaki-laki. Ang sinaunang mga ispesimen ng medyo mababaw na uring ito ng kaldero ay walang mga hawakan, ngunit noong panahon ng nahating kaharian, ginamit sa Israel ang isang uri nito na may dalawang hawakan.

May natagpuan ding mga palayok na makipot ang bibig at may isa o dalawang hawakan. Halos pabilog ang mga ito, anupat may diyametro na mula 10 hanggang 36 na sentimetro (4 hanggang 14 na pulgada).

Ang mga Israelita ay mayroon ding mga kawa o malalalim na kawali at mga ihawan. Kalimita’y sa mga ito iniluluto ang mga handog na mga butil. (Lev 2:5, 7; 7:9; 1Cr 23:29) Nakatuklas sa Gezer ng ilang ispesimen ng ihawang luwad. Ang mga ito ay may maliliit na uka, anupat maihahambing sa waffle iron sa ngayon. Ginamit din noon ang mga ihawang bakal.​—Eze 4:1-3.

Kung minsan, ginagamit ng Kasulatan ang palayok sa makasagisag na diwa. Ang Jerusalem, na nakatakdang wasakin noong 607 B.C.E., ay itinulad sa isang palayok na maluwang ang bibig, anupat ang mga tumatahan doon ang karne sa palayok.​—Eze 11:1-12; 24:6-14; tingnan ang SISIDLAN.