Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamahal

Pagmamahal

[sa Ingles, affection].

Isang masidhi, mainit, at personal na pagkagiliw, gaya ng nadarama ng tunay na magkaibigan para sa isa’t isa.

Ang salitang Hebreo na cha·shaqʹ, na isinasalin sa Deuteronomio 7:7 bilang ‘magpakita ng pagmamahal,’ ay may salitang-ugat na nangangahulugang “mapalakip.” (Gen 34:8) Ang pandiwang Griego naman na phi·leʹo ay isinasalin bilang ‘magkaroon ng pagmamahal,’ ‘magnais,’ ‘magkaroon ng paggiliw,’ at ‘humalik.’ (Mat 10:37; 23:6; Ju 12:25; Mar 14:44) Ang ‘magkaroon ng pagmamahal’ ay nagpapahiwatig ng napakalapít na buklod, katulad ng umiiral sa pagitan ng magulang at anak sa mga pamilyang may malapít na ugnayan. Gayon kasidhing pagmamahal ang nadama ni Jesus sa kaniyang kaibigang si Lazaro, anupat siya ay “lumuha” nang mamatay si Lazaro. (Ju 11:35, 36) Ang pananalita ring ito ang ginagamit upang ipakita ang masidhi, mainit, at personal na pagkagiliw ni Jehova sa kaniyang Anak at sa mga tagasunod ng kaniyang Anak, gayundin ang mainit na damdamin ng mga alagad para sa Anak ng Diyos.​—Ju 5:20; 16:27; ihambing ang 1Co 16:22.

Mapapansin na may pagkakaiba sa pagitan ng mga pandiwang Griego na phi·leʹo at a·ga·paʹo, bagaman hindi ipinakikita ng maraming tagapagsalin ang gayong pagkakaiba. (Tingnan ang PAG-IBIG.) May kinalaman sa pagkakaiba sa pagitan ng mga salitang ito, si F. Zorell (Lexicon Graecum Novi Testamenti, Paris, 1961, tud. 1402) ay nagsabi: “Ang [a·ga·paʹo] ay tumutukoy sa isang uri ng pag-ibig sa isang tao o isang bagay na nadarama natin nang kusa at ayon sa sarili nating kagustuhan dahil sa malilinaw na kadahilanan; naiiba rito ang [phi·leʹo] dahil nagpapahiwatig naman ito ng magiliw at mapagmahal na uri ng pag-ibig na likas nating nadarama sa ating puso para sa mga kamag-anak o mga kaibigan, at para sa mga bagay na itinuturing nating nakalulugod.”

Kapansin-pansin na ginamit ang dalawang pandiwang ito sa Juan 21. Makalawang ulit na tinanong ni Jesus si Pedro kung iniibig siya nito, anupat ginamit niya ang pandiwang a·ga·paʹo. Sa dalawang pagkakataong iyon, marubdob na tiniyak ni Pedro na may pagmamahal siya kay Jesus, anupat ginamit naman niya ang mas magiliw na salitang phi·leʹo. (Ju 21:15, 16) Nang dakong huli, itinanong ni Jesus: “May pagmamahal ka ba sa akin?” At muling sinabi ni Pedro na mayroon nga. (Ju 21:17) Sa gayon ay tiniyak ni Pedro kay Jesus ang kaniyang mainit at personal na pagkagiliw para rito.

Ang pag-ibig na pangkapatid (sa Gr., phi·la·del·phiʹa, sa literal, “pagmamahal sa kapatid”) ay dapat umiral sa gitna ng lahat ng miyembro ng kongregasyong Kristiyano. (Ro 12:10; Heb 13:1; tingnan din ang 1Pe 3:8.) Sa gayon, ang mga ugnayan sa loob ng kongregasyon ay dapat na maging malapít, masidhi, at mainit gaya ng sa isang likas na pamilya. Bagaman ang mga miyembro ng kongregasyon ay nagpapakita na ng pag-ibig na pangkapatid, inuudyukan silang gawin ito nang lalo pang higit.​—1Te 4:9, 10.

Ang salitang Griego na phi·loʹstor·gos, na nangangahulugang “may magiliw na pagmamahal,” ay ginagamit hinggil sa isang taong may matalik at mainit na kaugnayan sa iba. Ang isa sa mga salitang-ugat ng tambalang terminong ito, sterʹgo, ay kadalasan namang ginagamit upang tumukoy sa likas na pagmamahal, gaya ng umiiral sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya. Pinasigla ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyano na linangin ang katangiang ito. (Ro 12:10) Sinabi rin ni Pablo na ang mga huling araw ay kakikitaan ng mga taong “walang likas na pagmamahal” (sa Gr., aʹstor·goi) at na ang gayong mga tao ay karapat-dapat sa kamatayan.​—2Ti 3:3; Ro 1:31, 32.

Ang pangngalang Griego na phi·liʹa (pakikipagkaibigan) ay minsan lamang lumilitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, kung saan nagbabala si Santiago na “ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos . . . Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan [sa Gr., phiʹlos] ng sanlibutan ay ginagawa ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.”​—San 4:4.

Pagkagiliw sa Salapi. Ang isang tao ay maaaring tubuan ng pag-ibig sa salapi (sa Gr., phi·lar·gy·riʹa, sa literal, “pagkagiliw sa pilak”) at magdulot ng malaking pinsala sa kaniyang sarili. (1Ti 6:10, Int) Noong unang siglo C.E., ang mga Pariseo ay mga maibigin sa salapi, at isa ito sa mga pagkakakilanlan ng mga tao sa mga huling araw. (Luc 16:14; 2Ti 3:2) Kabaligtaran nito, ang paraan ng pamumuhay ng isang Kristiyano ay dapat na maging ‘malaya mula sa pag-ibig sa salapi’ (sa Gr., a·phi·larʹgy·ros, sa literal, “walang pagkagiliw sa pilak”). (Heb 13:5) Sa kongregasyong Kristiyano, upang maabot ng isa ang katungkulan ng tagapangasiwa, ang isa sa mga kuwalipikasyon na kailangan niyang matugunan ay ang pagiging “hindi maibigin sa salapi.”​—1Ti 3:3.

Magiliw na Pagmamahal (Magiliw na Pagkamahabagin). Kadalasan nang nakaaapekto sa katawan ang masisidhing emosyon. Dahil dito, ang salitang Griego para sa mga bituka (splagʹkhna) ay kadalasang ginagamit upang tumukoy sa “magiliw na pagmamahal” o “magiliw na pagkamahabagin.”​—Tingnan ang 2Co 6:12; 7:15; Fil 2:1; Col 3:12; Flm 7, 12, 20; 1Ju 3:17; tingnan ang HABAG.