Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapagaling, Kagalingan

Pagpapagaling, Kagalingan

Ang pagpapanauli sa kalusugan ng maysakit; ang pagpapabuti, o pagbuo, ng isang bagay na nasira o napinsala; ang pagpapagaling ng iba’t ibang karamdaman at depekto; ang pagbalik ng isang tao sa mabuting kalagayan. Ang pandiwang Hebreo na ra·phaʼʹ at ang pandiwang Griego na i·aʹo·mai ang pangunahing mga salita sa Bibliya na naglalarawan sa gayong pagpapagaling kapuwa sa literal at sa makasagisag na mga diwa. Ang pandiwang Griego na the·ra·peuʹo ay isinasaling ‘magpagaling’ at ‘pagalingin.’ (Mat 4:23, 24) Kung minsan ay unti-unti ang pagpapagaling; sa ibang pagkakataon naman ay biglaan ito.

Kabilang sa mga pagpapalang ipinagkaloob ni Jehova sa buong sangkatauhan ay ang kakayahan ng kanilang pisikal na katawan na manauli o kusang gumaling kapag nasugatan ito o nagkasakit. Maaaring magrekomenda ang isang manggagamot ng ilang pamamaraan upang mapabilis ang paggaling, ngunit sa katunayan, ang bigay-Diyos na kakayahan ng katawan na manauli ang siyang nakapagpapagaling. Dahil dito, kinilala ng salmistang si David na bagaman isinilang siyang di-sakdal, maaalalayan siya ng kaniyang Maylalang sa panahon ng pagkakasakit at mapagagaling ng Diyos ang lahat ng kaniyang karamdaman. (Aw 51:5; 41:1-3; 103:2-4) Pinanauli ni Jehova ang kalusugan ng katawan ng may-sakit na si Job (Job 42:10) at naglaan din ang Diyos ng pisikal na pagpapagaling sa kaniyang bayang Israel.​—Exo 15:26.

Tungkol kay Jehova, nasusulat na kapuwa siya nanunugat at nagpapagaling, at ginagawa niya ito sa literal at sa makasagisag na mga paraan. Kaya naman, para sa kaniya, may panahon ng panunugat at may panahon ng pagpapagaling. (Deu 32:39; ihambing ang Ec 3:1, 3.) Halimbawa, pinarusahan ni Jehova ang di-tapat na si Jehoram, hari ng Juda, ng pisikal na karamdaman ng mga bituka na walang kagalingan. (2Cr 21:16, 18, 19) Kinilala ni Moises na si Jehova ang nagpasapit ng ketong kay Miriam, kaya naman namanhik siya sa Isa na tanging makapagpapagaling dito: “O Diyos, pakisuyo! Pagalingin mo siya, pakisuyo!” (Bil 12:10, 13) May kinalaman sa pag-aanak, pinagaling ni Jehova si Haring Abimelec, ang asawa nito, at ang mga aliping babae nito pagkaraan ng isang krisis na kinasangkutan ni Sara at ng binhing ipinangako.​—Gen 20:17, 18.

Sa Bibliya, ang espirituwal na pagkasira, sa halip na ang pisikal na pagkasira, at ang kasunod na espirituwal na pagpapagaling, ay mga paksang may partikular na kahalagahan. Itinawag-pansin ang pananagutan ng mga lider ng likas na Israel sa mga bagay na ito. “Mula sa propeta hanggang sa saserdote, bawat isa ay gumagawi nang may kabulaanan” noong mga araw ni Jeremias, anupat kasabay nito ay nagkukunwari sila na pinagagaling nila ang pagkasira ng bayan ng Diyos at nag-aangking wala namang suliranin. (Jer 6:13, 14; 8:11) Sa bagay na ito ay kagayang-kagaya sila ng mga mang-aaliw ni Job, “mga manggagamot na walang kabuluhan.”​—Job 13:4.

Sa ilang pagkakataon, mga bagay naman na walang buhay ang pinagaling, sa diwa na muling binuo ang mga ito, gaya ng gibang altar na inayos ni Elias. (1Ha 18:30) Gayundin, pinabuti, o pinagaling, ng propetang si Eliseo ang tubig na malapit sa Jerico upang hindi na ito magpangyari ng mga pagkalaglag. (2Ha 2:19-22) Gayunman, lubusang dinurog ni Jeremias ang prasko ng magpapalayok anupat hindi na ito makukumpuni pa, samakatuwid nga, hindi na mapagagaling, at sa gayon ay naglaan siya ng isang mainam na ilustrasyon. “Sa gayunding paraan,” ang sabi ni Jehova, “babasagin ko ang bayang ito at ang lunsod na ito kung paanong binabasag ng isa ang sisidlan ng magpapalayok anupat hindi na iyon makukumpuni [isang anyo ng ra·phaʼʹ; sa literal, pinagaling].”​—Jer 19:11; ihambing ang 2Cr 36:15-17.

Si Jesus at ang Kaniyang mga Kasamang Tagapagpagaling. Kinilala ni Jesu-Kristo na ang ‘pagtuturo at pangangaral ng mabuting balita ng kaharian’ ang pinakamahalaga sa kaniyang ministeryo at na ang ‘pagpapagaling ng bawat uri ng karamdaman sa gitna ng mga tao’ ay pangalawahin lamang. Iyan ang dahilan kung bakit siya naawa sa mga pulutong, pangunahin na “sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.”​—Mat 4:23; 9:35, 36; Luc 9:11.

Nagpakita rin ng pagkahabag ang Dakilang Gurong ito sa maraming tao na sumunod sa kaniya dahil sa pag-asang pagagalingin niya sila sa kanilang pisikal na mga karamdaman. (Mat 12:15; 14:14; 19:2; Luc 5:15) Ang kaniyang makahimalang gawaing pagpapagaling ay nagsilbing nakikitang tanda para sa kaniyang salinlahi at karagdagang katibayan ng kaniyang pagiging Mesiyas, gaya ng inihula. (Mat 8:16, 17) Inilarawan din nito ang mga pagpapala ng pagpapagaling na gagawin sa sangkatauhan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. (Apo 21:3, 4) Sa literal, pinagaling at pinanauli ni Jesus ang kalusugan ng maraming tao​—pilay, baldado, bulag, pipi (Mat 15:30, 31), epileptiko, paralitiko (Mat 4:24), isang babaing dumaranas ng pagdurugo (Mar 5:25-29), isa na tuyot ang kamay (Mar 3:3-5), isang taong minamanas (Luc 14:2-4), at sa maraming pagkakataon, ang mga inaalihan ng demonyo ay pinalaya mula sa pagkaalipin kay Satanas.​—Mat 12:22; 15:22-28; 17:15, 18; Mar 1:34; Luc 6:18; 8:26-36; 9:38-42; Gaw 10:37, 38.

Nagpagaling si Jesus ng mga tao sa iba’t ibang paraan. Noong minsan, ang sinabi lamang ni Jesus ay “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong teheras at lumakad ka,” at napagaling na ang isang taong may sakit malapit sa tipunang-tubig ng Betzata. (Ju 5:2-9) Noong isa pang pagkakataon, sinabi lamang ni Jesus ang salita at, bagaman nasa malayo, ang maysakit ay napagaling. (Mat 8:5-13) May mga pagkakataon din na personal niyang ipinatong ang kaniyang kamay sa maysakit (Mat 8:14, 15) o hinipo ang sugat at pinagaling iyon. (Luc 22:50, 51) May ilang taong may sakit na humipo lamang kay Jesus o sa palawit ng kaniyang kasuutan at pagkatapos ay napagaling na. (Mat 14:36; Mar 6:56; Luc 6:19; 8:43-47) At kahit maraming taon nang may karamdaman ang mga taong iyon ay napagaling niya sila.​—Mat 9:20-22; Luc 13:11-13; Ju 5:5-9.

Sinalansang si Jesus ng ibang mga tao, palibhasa’y hindi sila nagpapahalaga sa kaniyang kamangha-manghang gawaing pagpapagaling. Lubhang ikinagalit ng mga lider ng relihiyon ang pagpapagaling ni Jesus ng mga tao sa araw ng Sabbath. (Mat 12:9-14; Luc 14:1-6; Ju 5:10-16) Sa isa sa mga pagkakataong iyon, pinatahimik ni Jesus ang mga sumasalansang sa pagsasabi: “Mga mapagpaimbabaw, hindi ba kapag sabbath ay kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang kaniyang toro o ang kaniyang asno mula sa kuwadra at inaakay ito upang painumin? Hindi ba nararapat lamang, kung gayon, na ang babaing ito na isang anak ni Abraham, at iginapos ni Satanas, narito! labingwalong taon nga, ay makalagan mula sa gapos na ito sa araw ng sabbath?”​—Luc 13:10-17.

Hindi ang paggamit ni Jesus ng kaniyang sariling kapangyarihan, kaalaman, o karunungan ang nagpagaling sa mga maysakit. Ni gumamit man siya ng hypnotherapy, psychotherapy, o anumang pamamaraang katulad nito. Sa halip, ang espiritu at kapangyarihan ni Jehova ang nagpangyari ng gayong pagpapagaling. (Luc 5:17; 9:43) Gayunman, hindi lahat ay may sapat na pagpapahalaga upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos dahil sa mga pagpapagaling na ito. (Luc 17:12-18) Sa ngayon, hindi lahat ay kumikilala sa walang-hanggan at nakapagpapagaling na mga kapakinabangang inilalaan sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo.​—1Pe 2:24.

Ang kapangyarihang ito ng pagpapagaling na mula sa Diyos ay iniatas ni Jesus sa iba na naging matalik niyang mga kasama sa kaniyang ministeryo. Nang isugo ang 12 apostol, at nang maglaon ay ang 70 alagad, binigyan sila ng kapangyarihang magpagaling ng mga maysakit. (Mat 10:5, 8; Luc 10:1, 8, 9) Pagkatapos ng Pentecostes ng 33 C.E., ang ilan, kabilang na sina Pedro, Juan, Felipe, at Pablo, ay binigyan ng kapangyarihang ito mula sa Diyos na makapagpagaling nang lubusan. (Gaw 3:1-16; 4:14; 5:15, 16; 8:6, 7; 9:32-34; 28:8, 9) Pagkatapos na maitatag nang matibay ang Kristiyanismo, at nang mawala na ang mga apostol, nawala na rin ang gayong “mga kaloob na pagpapagaling.”​—1Co 12:8, 9, 28, 30; 13:8, 13.

Mahalaga na ang nagsasagawa ng pagpapagaling ay may lubos na pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova at kumilala, gaya ni Jesus, na ang pagpapagaling ay naisasagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. (Mat 17:14-20; Ju 5:19) Gayunman, hindi kinailangang magkaroon ng pananampalataya ang mga maysakit bago sila gumaling. (Ju 5:5-9, 13) Ngunit marami sa kanila ang nagkaroon ng matibay na pananampalataya.​—Mat 8:5-13; 15:28; Mar 5:34; Luc 7:1-10; 17:19; Gaw 14:8-10; tingnan ang PANANAMPALATAYA.

Noon, ang makahimalang pagpapagaling ay isang “tanda” ng suporta ng Diyos. (Gaw 4:22, 29, 30) Yaong mga tumangging kumilala sa tandang iyon ay bulag at bingi sa espirituwal. (Isa 6:10; Ju 12:37-41) Yamang ang pagpapagaling na mula sa Diyos ay nagsilbing tanda para sa mga di-sumasampalataya, hindi karaniwang isinasagawa ang mga ito alang-alang sa mga Kristiyanong inianak na sa espiritu. Kaya nang magkaproblema sa sikmura si Timoteo, sa halip na magsagawa ng makahimalang pagpapagaling, inirekomenda ni Pablo na uminom siya ng kaunting alak para sa kaniyang sakit.​—1Ti 5:23.

Espirituwal na Pagpapagaling. Sa kabilang dako, kay Jehova nagmumula ang tunay na espirituwal na pagpapagaling sa mga nagsisisi. Nangangahulugan ito ng panunumbalik sa kaniyang pabor at ng muling pagtatamasa ng kaniyang mga pagpapala. (Isa 19:22; 57:17-19; Jer 33:6) Ang gayong pagpapagaling ay nagpapalakas sa mahihinang kamay at nangangatog na mga tuhod, nagdidilat ng bulag na mga mata, nagpapanauli ng pandinig sa bingi, nagpapagaling sa pilay, at nagbibigay ng kakayahang magsalita sa pipi, pawang sa espirituwal na paraan. (Isa 35:3-6) Ngunit yaong mga ayaw magbago sa kanilang pag-aapostata ay hindi kailanman makararanas ng pagpapagaling, o pagpapanauli sa mabuting kalusugan at kasaganaan sa espirituwal. (2Cr 36:15-17; Isa 6:10; Jer 30:12, 13; Gaw 28:24-28) Sa katulad na paraan, hindi pagagalingin ang Ehipto, ang kaniyang Paraon, at ang “hari ng Asirya.”​—Jer 46:11; Eze 30:21; Na 3:18, 19.

Ibinibigay ng Kasulatan ang lunas para sa mga taong may-sakit sa espirituwal.​—Heb 12:12, 13; San 5:14-16; Apo 3:18.