Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpaparehistro, Pagrerehistro

Pagpaparehistro, Pagrerehistro

Pagpapatala o pagtatala, kadalasan na, ng pangalan at angkan ayon sa tribo at sambahayan. Hindi lamang ito isang simpleng pagkuha ng sensus o pagbilang sa mga indibiduwal. Ginamit noon sa iba’t ibang layunin ang pambansang mga pagrerehistro o pagpaparehistro na tinutukoy sa Bibliya, halimbawa ay sa pagbubuwis, mga pag-aatas sa paglilingkod militar, o (para sa mga Levitang kabilang) mga pag-aatas sa mga tungkulin sa santuwaryo.

Sa Sinai. Sa utos ni Jehova, ang unang pagrerehistro ay naganap noong panahon ng pagkakampo sa Sinai noong ikalawang buwan ng ikalawang taon pagkatapos ng Pag-alis mula sa Ehipto. Upang matulungan si Moises sa gawaing ito, sa bawat tribo ay pumili ng isang pinuno na babalikat sa pananagutan at pangangasiwa ng pagrerehistro sa tribo nito. Hindi lamang itinala noon ang lahat ng mga lalaki na 20 taóng gulang at pataas​—kuwalipikado para sa paglilingkod sa hukbo​—kundi nagpataw rin ang Kautusan sa mga inirehistro ng pangulong buwis na kalahating siklo ($1.10) para sa paglilingkod sa tabernakulo. (Exo 30:11-16; Bil 1:1-16, 18, 19) Umabot sa 603,550 ang kabuuang bilang na naitala, hindi kasama rito ang mga Levita, na hindi magkakaroon ng mana sa lupain. Walang binabayarang buwis sa tabernakulo ang mga ito at hindi sila hinihilingang maglingkod sa hukbo.​—Bil 1:44-47; 2:32, 33; 18:20, 24.

Ipinakikita ng ulat sa aklat ng Mga Bilang na ang mga panganay na lalaki mula sa 12 tribo ay binilang din, at pati ang lahat ng lalaking Levita, mula sa gulang na isang buwan pataas. (Bil 3:14, 15) Ito’y sapagkat binili ni Jehova ang mga panganay bilang kaniyang pag-aari nang iligtas niya sila mula sa pagkapuksa ng mga panganay sa Ehipto. Ngayon ay nais niyang gamitin ang mga Levita bilang mga pantanging pinabanal niya para sa paglilingkod sa santuwaryo. Kaya, kailangang ibigay ng Israel kay Jehova ang mga Levita upang matubos ang mga panganay ng ibang tribo. Makikita sa kinalabasan ng pagbilang na noon ay may 22,000 lalaking Levita at 22,273 panganay na di-Levita. (Bil 3:11-13, 39-43) Upang matubos ang 273 panganay na lumabis kaysa sa mga Levita, kinailangang magbayad sa santuwaryo ng limang siklo ($11) para sa bawat isa.​—Bil 3:44-51.

Binilang din noon ang mga Kohatita, mga Gersonita, at mga Merarita na ang edad ay nasa pagitan ng 30 at 50 taon. Binigyan ang mga ito ng pantanging mga atas ng paglilingkod sa santuwaryo.​—Bil 4:34-49.

Sa Kapatagan ng Moab. Ang ikalawang iniulat na pagrerehistro ay yaong isinagawa sa Kapatagan ng Moab, pagkatapos ng salot dahil sa pagkakasala ng Israel may kaugnayan sa Baal ng Peor. Nasumpungan noon na ang bilang ng mga lalaki na 20 taóng gulang at pataas ay 601,730, anupat bumaba nang 1,820 mula sa sensus na kinuha halos 39 na taon bago nito. (Bil 26:1, 2, 51) Ang bilang naman ng mga Levita mula sa gulang na isang buwan pataas ay umabot ng 23,000, o mas mataas nang 1,000 kaysa sa unang sensus.​—Bil 26:57, 62.

Ang Kapaha-pahamak na Pagrerehistro ni David. Iniuulat din ang pagrerehistro na isinagawa noong malapit nang magtapos ang paghahari ni Haring David, isang pagrerehistro na nagdulot ng kapahamakan. Ang ulat sa 2 Samuel 24:1 ay kababasahan: “At muling nag-init ang galit ni Jehova laban sa Israel, nang may isang mag-udyok kay David laban sa kanila, na sinasabi: ‘Yumaon ka, bilangin mo ang Israel at ang Juda.’⁠” Hindi ipinakikilala roon kung sino ang ‘isa’ na gumawa ng pag-uudyok. Isa ba siyang taong tagapayo? Si Satanas? O ang Diyos? Tumutulong ang 1 Cronica 21:1 na masagot ang tanong na ito, sa pagsasabing: “At tumindig si Satanas laban sa Israel at inudyukan si David na bilangin ang Israel.” Ang saling ito sa Bagong Sanlibutang Salin ay kaayon ng tekstong Hebreo at ng mga salin sa wikang Griego, Syriac at Latin. Kasuwato rin ito ng mababasa sa iba pang mga salin.​—AT, NE, RS, JB, Mo.

Gayunman, gaya ng binabanggit sa talababa ng New World Translation sa 1 Cronica 21:1, ang salitang Hebreo na sa·tanʹ ay maaari ring isalin bilang “isang mananalansang.” Isinalin ito ni Byington bilang “isang Satanas”; ang salin naman ni Young ay kababasahan ng “isang kalaban.” Kaya posible na ang “isang” nagpakilos kay David na ipasiya ang kapaha-pahamak na landasing iyon ay isang masamang taong tagapayo.

Kapansin-pansin, ipinakikita sa isang talababa ng New World Translation sa 2 Samuel 24:1 na ang tekstong ito ay maaaring isalin nang ganito: “At muling nag-init ang galit ni Jehova laban sa Israel, nang udyukan niya si David laban sa kanila.” Ang salin naman sa The Bible in Basic English ay kababasahan: “Muling nagningas ang poot ng Panginoon laban sa Israel, at nang pinakikilos si David laban sa kanila, sinabi niya, Yumaon ka, kunin mo ang bilang ng Israel at Juda.” Dahil dito, itinuturing ng ilang komentarista na ang ‘isa’ o “niya” na nag-udyok kay David na kumuha ng sensus ay si Jehova. Ayon sa pangmalas na ito, ang Kaniyang ‘galit laban sa Israel’ ay nauna pa sa pagkuha ng sensus at dahil iyon sa kalilipas lamang na mga paghihimagsik nila laban kay Jehova at sa kaniyang inatasang hari, si David, nang sumunod sila sa ambisyosong si Absalom at pagkatapos ay sa walang-kabuluhang si Sheba, na anak ni Bicri, sa pagsalansang kay David. (2Sa 15:10-12; 20:1, 2) Ang punto de vistang ito ay maitutugma sa pangmalas na si Satanas o isang masamang taong tagapayo ang nag-udyok kay David kung mamalasin na sinadyang pahintulutan ni Jehova ang pang-uudyok, halimbawa ay kung inalis niya ang kaniyang proteksiyon o ang kaniyang pumipigil na kamay.​—Ihambing 1Ha 22:21-23; 1Sa 16:14; tingnan ang PATIUNANG KAALAMAN, PATIUNANG PAGTATALAGA (May kinalaman sa mga indibiduwal).

Sa bahagi ni David, maaaring nagkaroon siya ng maling motibo dahil sa kaniyang pagmamapuri at pagtitiwala sa bilang ng kaniyang hukbo, sa gayon ay hindi siya nagpamalas ng lubos na pananalig kay Jehova. Anuman ang nangyari, maliwanag na sa pagkakataong ito ay hindi pagluwalhati sa Diyos ang naging pangunahin kay David.

Tinutulan ni Joab. Nang utusan ni David ang kaniyang heneral na si Joab na magsagawa ng pagrerehistro, tumutol ito at nagsabi, “Dagdagan nawa ni Jehova na iyong Diyos ang bayan ng isang daang ulit ng dami nila habang nakikita iyon ng mismong mga mata ng panginoon kong hari. Ngunit kung tungkol sa panginoon kong hari, bakit niya kinalulugdan ang bagay na ito?” (2Sa 24:3) Ipinahihiwatig ng mga salita ni Joab na ang lakas ng bansa ay hindi nakadepende sa bilang kundi kay Jehova, na makapaglalaan ng malaking bilang kung iyon ang Kaniyang kalooban. Dahil sa pagpupumilit ni David, kinuha ni Joab ang sensus, ngunit labag iyon sa kalooban niya, anupat sinasabi ng ulat: “Ang Levi at Benjamin ay hindi niya inirehistro na kasama nila, sapagkat ang salita ng hari ay karima-rimarim kay Joab” (hindi binilang ang Levi dahil sa kautusan sa Bilang 1:47-49). Maaaring inihinto ni Joab ang sensus bago pa irehistro ang Benjamin o kaya ay inantala niya ang pagrerehistro, at si David naman ay natauhan at ipinatigil iyon bago pa man iyon matapos ni Joab. (1Cr 21:6) Maaaring iniwasan ni Joab ang Benjamin dahil ayaw niyang magalit ang tribong ito na tribo ni Saul, na nakipaglaban noon sa hukbo ni David na nasa ilalim ng pangunguna ni Joab bago ito sumama nang maglaon sa ibang mga tribo sa ilalim ni David. (2Sa 2:12-17) Walang alinlangang dahil hindi dapat isinagawa ang sensus, ang nakuhang bilang ay hindi itinala sa “ulat ng mga pangyayari nang mga araw ni Haring David.”​—1Cr 27:24.

Ayon sa rekord sa 1 Cronica 21:5, isiniwalat ng pagbilang na ang Israel noon ay may 1,100,000 lalaki at ang Juda ay may 470,000. Ang ulat naman sa 2 Samuel 24:9 ay nagsasabing may 800,000 lalaki ng Israel at 500,000 lalaki ng Juda. Dahil dito, naniniwala ang ilan na mayroon ditong pagkakamali ng eskriba. Ngunit hindi naman katalinuhang ipalagay na mali ang rekord kung hindi lubusang nauunawaan ang mga kalagayan, mga paraan ng pagbilang at iba pang mga bagay noon. Maaaring tinuos ng dalawang ulat ang mga bilang sa magkaibang paraan. Halimbawa, posibleng ang mga miyembro ng permanenteng hukbo at/o ang kanilang mga opisyal ay isinama o hindi isinama sa bilang. At maaaring ang magkaibang paraan ng pagtuos ay naging sanhi ng pagkakaiba-iba sa pagkakatala sa ilang mga lalaki, may kinalaman sa kung sila ba ay sa ilalim ng Juda o ng Israel itinala. Sa 1 Cronica 27 ay masusumpungan natin ang isang posibleng halimbawa ng gayong kaso. Nakatala roon ang 12 pangkat para sa paglilingkod sa hari, anupat binabanggit ang lahat ng tribo maliban sa Gad at Aser, at binabanggit ang Levi at ang dalawang kalahati ng tribo ni Manases. Maaaring ito ay sapagkat noong panahong iyon, ang mga lalaki ng Gad at ng Aser ay isinama sa ilalim ng ibang mga ulo, o may iba pang mga kadahilanan na hindi binanggit.

Ang hatol ni Jehova. Isinugo kay David si Gad na propeta ni Jehova, anupat pinapili nito si David, na siyang nag-utos na kunin ang sensus, ng isa sa tatlong anyo ng kaparusahan: isang taggutom sa loob ng tatlong taon, ang tabak ng mga kaaway ng Israel anupat aabutan sila nito sa loob ng tatlong buwan, o isang salot sa loob ng tatlong araw. Palibhasa’y mas nananalig sa awa ng Diyos kaysa sa awa ng tao, pinili ni David na ‘mahulog sa kamay ni Jehova’; 70,000 katao ang namatay sa kasunod na salot.​—1Cr 21:10-14.

Dito ay makikita ang isa pang pagkakaiba sa mga ulat ng Samuel at ng Mga Cronica. Samantalang ang sinasabi ng 2 Samuel 24:13 ay pitong taon na taggutom, ang sinasabi naman ng 1 Cronica 21:12 ay tatlo. (Sa ulat ng Samuel, ang Griegong Septuagint ay kababasahan ng “tatlo.”) Ayon sa isang paliwanag, ang pitong taon na binabanggit sa Ikalawang Samuel ang siyang kabuuan ng pinalawig na tatlong-taóng taggutom na sumapit dahil sa pagkakasala ni Saul at ng kaniyang sambahayan laban sa mga Gibeonita. (2Sa 21:1, 2) Ang kasalukuyang taon noon (tumagal ang pagpaparehistro nang 9 na buwan at 20 araw [2Sa 24:8]) ang magiging ikaapat na taon, at ang tatlong taóng darating ang magiging kapupunan ng pitong taon. Bagaman maaaring ang pagkakaibang ito ay dahil sa pagkakamali ng tagakopya, muli ay masasabing kailangan munang lubos na malaman ng isa ang lahat ng pangyayari at kalagayan noon bago siya gumawa ng gayong konklusyon.

Para sa Paglilingkod sa Templo. Pagkalipas ng ilang panahon, si David, na matanda na noon, ay nag-utos na bilangin ang mga Levita para sa paglilingkod sa templo sa hinaharap, anupat maliwanag na may pagsang-ayon ito ni Jehova. Isiniwalat ng pagbilang na ito na mayroon noong 38,000 Levita na 30 taon ang edad pataas, pawang matitipunong lalaki. Itinala sila gaya ng sumusunod: 24,000 tagapangasiwa, 6,000 opisyal at hukom, 4,000 bantay ng pintuang-daan, at 4,000 manunugtog.​—1Cr 23:1-5.

May kaugnayan sa pagtatayo ng templo ay mababasa natin: “Sa gayon ay binilang ni Solomon ang lahat ng lalaki na mga naninirahang dayuhan, na nasa lupain ng Israel, ayon sa sensus sa kanila na kinuha ni David na kaniyang ama; at ang nasumpungan ay isang daan at limampu’t tatlong libo anim na raan. Kaya ginawa niyang mga tagapagdala ng pasan ang pitumpung libo sa kanila at mga maninibag sa bundok ang walumpung libo at mga tagapangasiwa ang tatlong libo anim na raan upang ang mga tao ay panatilihing naglilingkod.”​—2Cr 2:17, 18.

Mga Pagrerehistro Noong Dakong Huli. Nagsagawa ng iba pang mga pagrerehistro ang sumunod na mga hari ng Israel at ng Juda. Noong mga araw ni Haring Amazias, ang mga lalaki sa Juda at Benjamin mula 20 taon pataas ay umabot sa bilang na 300,000. (2Cr 25:5) Noon namang pagrerehistro sa panahon ni Haring Uzias, ang bilang ng hukbo ay 307,500 lalaki, anupat may 2,600 ulo ng mga sambahayan sa panig ng ama na nangangasiwa sa kanila.​—2Cr 26:11-13.

Noong 537 B.C.E., binilang din ang bumalik na mga tapon sa ilalim ni Zerubabel. Kabilang sa kanila ang 42,360 Israelita, gayundin ang 7,337 alipin at 200 mang-aawit (ang tekstong Masoretiko ng Nehemias ay nagsasabing 245 mang-aawit).​—Ezr 2:64, 65; Ne 7:66, 67; tingnan ang NEHEMIAS, AKLAT NG.

Noong Panahon ng Kapanganakan ni Jesus. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dalawang pagpaparehistro ang binabanggit na naganap pagkatapos na mapasailalim ang Judea sa Roma. Isinagawa ang mga ito hindi lamang upang alamin ang bilang ng populasyon kundi sa halip, ang mga ito ay pangunahin nang para sa pagbubuwis at pangangalap ng mga lalaki para sa paglilingkod militar. May kinalaman sa unang pagpaparehistro ay mababasa natin: “At nang mga araw na iyon [mga 2 B.C.E.] ay lumabas ang isang batas mula kay Cesar Augusto na ang buong tinatahanang lupa ay magparehistro; (naganap ang unang pagpaparehistrong ito noong si Quirinio ay gobernador ng Sirya;) at ang lahat ng mga tao ay naglakbay upang magparehistro, bawat isa sa kaniyang sariling lunsod.” (Luc 2:1-3) May patnubay ng Diyos ang utos na ito ng emperador, sapagkat dahil dito ay napilitang maglakbay sina Jose at Maria mula sa lunsod ng Nazaret patungo sa Betlehem sa kabila ng pagiging kagampan ni Maria; sa gayon ay ipinanganak si Jesus sa lunsod ni David bilang katuparan ng hula.​—Luc 2:4-7; Mik 5:2.

Dalawang pagpaparehistro sa ilalim ni Quirinio. Sinasabi ng mga kritiko ng Bibliya na ang tanging sensus na kinuha samantalang si Publio Sulpicio Quirinio ang gobernador ng Sirya ay yaong kinuha noong mga 6 C.E., na nagpaningas sa paghihimagsik ni Hudas na taga-Galilea at ng mga Zealot. (Gaw 5:37) Ang totoo, ito ang ikalawang pagpaparehistro sa ilalim ni Quirinio, sapagkat isinisiwalat ng mga inskripsiyong natuklasan sa Antioquia at di-kalayuan dito na ilang taon bago nito, si Quirinio ay naglingkod bilang emisaryo ng emperador sa Sirya. (The Bearing of Recent Discovery on the Trustworthiness of the New Testament, ni W. Ramsay, 1979, p. 285, 291) May kinalaman dito, ang Dictionnaire du Nouveau Testament sa Bibliyang Pranses ni Crampon (1939 ed., p. 360) ay nagsasabi: “Lubusang napatunayan ng mapanuring mga pagsasaliksik ni Zumpt (Commentat. epigraph., II, 86-104; De Syria romana provincia, 97-98) at ni Mommsen (Res gestæ divi Augusti) na si Quirinio ay makalawang ulit na naging gobernador ng Sirya.” Ipinapalagay ng maraming iskolar na ang panahon ng unang pagkagobernador ni Quirinio ay nasa pagitan ng mga taóng 4 at 1 B.C.E., malamang na mula 3 hanggang 2 B.C.E. Ngunit hindi lubusang mapananaligan ang kanilang paraan ng pagtukoy sa mga petsang ito, at nananatiling hindi tiyak ang aktuwal na yugto ng pagkagobernador na ito. (Tingnan ang QUIRINIO.) Gayunman, saklaw ng kaniyang ikalawang pagkagobernador ang 6 C.E., ayon sa mga detalyeng iniulat ni Josephus.​—Jewish Antiquities, XVIII, 26 (ii, 1).

Samakatuwid, tama ang istoryador at manunulat ng Bibliya na si Lucas nang sabihin niya may kinalaman sa pagpaparehistro noong panahon ng kapanganakan ni Jesus: “Naganap ang unang pagpaparehistrong ito noong si Quirinio ay gobernador ng Sirya,” anupat ipinakikitang iba ito sa ikalawa, na naganap naman nang dakong huli sa ilalim ng Quirinio ring ito na siyang tinukoy ni Gamaliel gaya ng iniulat ni Lucas sa Gawa 5:37.