Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagreretiro

Pagreretiro

Pagtigil ng isa sa pagtatrabaho o sa ilang aspekto nito.

Nang atasan ni Jehova ang mga Levita (yaong mga hindi kabilang sa makasaserdoteng pamilya ni Aaron) upang maglingkod sa tolda ng kapisanan sa ilalim ng pangangasiwa ng mga saserdote, gumawa siya ng maibiging paglalaan para sa kanilang kapakanan. Iniutos niya kay Moises: “Ito ang nauukol sa mga Levita: Mula dalawampu’t limang taóng gulang pataas ay paroroon siya upang pumasok sa pangkat na naglilingkod sa tolda ng kapisanan. Ngunit paglampas sa edad na limampung taon ay magreretiro siya mula sa pangkat na naglilingkod at hindi na maglilingkod pa. At tutulungan niya ang kaniyang mga kapatid sa tolda ng kapisanan sa pag-aasikaso ng katungkulan, ngunit hindi siya gagawa ng anumang paglilingkod.”​—Bil 8:23-26; 1Cr 23:3.

Inilalarawan sa Bilang kabanata 4 ang kaayusan ng paglilingkod ng mga Levita. Sinabi roon na irerehistro sila mula sa edad na 30 hanggang 50.

Mabigat na trabaho ang pagtatayo, pagkakalas, at pagbubuhat ng tolda ng kapisanan. Bawat isa sa 96 na may-ukit na tuntungang yari sa pilak para sa mga hamba ay tumitimbang nang isang talento (mga 34 na kg; 92 lb t); mayroon ding apat na tuntungan, na malamang ay gayundin ang timbang, para sa mga haliging nasa pagitan ng mga silid ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan, at limang tuntungang tanso para sa mga haliging nasa pasukan ng tabernakulo. (Exo 26:19, 21, 25, 32, 37; 38:27) Ang 48 hamba (na may haba na 4.5 m [14.6 piye]; may lapad na 67 sentimetro [26 na pulgada]) ay gawa sa akasya, isang mabigat na kahoy na may pinong hilatsa, at binalutan ng ginto. (Exo 26:15-25, 29) Mayroon ding mga barakilang binalutan ng ginto na nakapahalang sa magkabilang tagiliran at sa likuran ng tabernakulo. (Exo 26:26-29) Mabibigat ang lahat ng bagay na ito. Karagdagan pa, nariyan din ang bigat ng mga pantakip na yari sa balat ng poka, balat ng barakong tupa, balahibo ng kambing, at lino, pati na ang bigat ng pantabing na lino sa palibot ng looban, kasama ang mga haligi nito at gayundin ang may-ukit na mga tuntungan at mga pantoldang tulos nito, at iba pa. Kaya naman talagang nangangailangan ng pisikal na lakas ang pag-aasikaso sa tabernakulo. (Exo 26:1-14; 27:9-19) Anim na karwahe ang inilaan para sa paghakot ng mga gamit na ito. Ang natatakpang kaban ng tipan, mesa ng tinapay na pantanghal, ginintuang kandelero, at altar na pinaghahainan na binalutan ng tanso ay pinapasan ng mga Kohatita sa kanilang mga balikat habang naglalakad sila.​—Bil 7:7-9; Exo 25:10-40; 27:1-8; Bil 4:9, 10.

Waring ang isa pang layunin ng kaayusan ng pagreretiro ay upang mabigyan ang lahat ng mga Levita ng pagkakataon na makapaglingkod sa santuwaryo, yamang limitado lamang ang kailangan sa kanila, lalo na noong ginagamit pa ang tolda ng kapisanan o tabernakulo. Walang inilaang pagreretiro para sa mga saserdote, samakatuwid nga, ang mga Levita na mula sa pamilya ni Aaron.

Maliwanag na mula sa edad na 25 hanggang 30, ang isang Levita ay may ipinaglilingkod na limang taon na matatawag na “pagsasanay.” Posibleng hindi ginamit ang nakababatang mga Levitang ito sa mabibigat na tungkulin, na para lamang sa mga 30 taóng gulang pataas​—mga lalaking nasa hustong-gulang. (Tingnan ang EDAD.) Nang maglaon, pagkatapos na permanenteng mailagay sa Bundok Sion ang Kaban (at lalo na noong malapit nang itayo ang templo), ang mabigat na trabaho ng paglilipat-lipat sa santuwaryo ay nagwakas. Kaya naman isinaayos ni David na sa edad na 20 magsisimula ang paglilingkod ng mga Levita. Tiyak na ito’y dahil mas marami ang kakailanganing mag-asikaso sa lubhang pinalawak na paglilingkod sa templo.​—1Cr 23:24-27.

Ang mga Levitang nagretiro sa edad na 50 ay hindi naman retirado sa lahat ng paglilingkod. Maaari pa rin silang magboluntaryo at ‘tumulong sa kanilang mga kapatid sa tolda ng kapisanan sa pag-aasikaso ng katungkulan.’ (Bil 8:26) Malamang ay naglingkod sila bilang mga tagapayo at tumulong sa pag-aasikaso sa ilang mas magagaan na trabahong kasama sa tungkulin ng mga Levita, ngunit hindi na sila binibigyan ng mabibigat na trabaho. Nagtuturo pa rin sila ng Kautusan sa bayan. (Deu 33:8-10; 2Cr 35:3) Ang mga kasamahan nila na nakatira sa mga kanlungang lunsod ay tumutulong sa mga nanganganlong doon.

Ang Ministeryong Kristiyano. Yaong mga nagiging espirituwal na “kapatid” ni Jesu-Kristo at mga sumusunod sa yapak niya ay tinawag na “isang maharlikang pagkasaserdote.” (Heb 2:10-12; 1Pe 2:9) Walang inilaang pagreretiro para sa kanila. Bagaman nasa bilangguan, ang apostol na si Pablo ay aktibo sa kaniyang ministeryo at nagpatuloy sa kaniyang ministeryal na gawain hanggang sa siya’y patayin. (Gaw 28:30, 31; 2Ti 4:6, 7) Nanatiling aktibo si Pedro hanggang sa wakas ng kaniyang buhay. (2Pe 1:13-15) Napakatanda na ni Juan nang isulat niya ang kaniyang Ebanghelyo at ang tatlong kanonikal na liham noong mga 98 C.E.

Ang “malaking pulutong,” na nakita ni Juan pagkatapos ng pangitain niya tungkol sa 144,000 na “tinatakan,” ay sinasabing ‘nag-uukol sa Diyos ng sagradong paglilingkod araw at gabi,’ o patuluyan. Samakatuwid, hindi nagreretiro sa paglilingkod sa Diyos ang sinumang Kristiyano.​—Apo 7:4, 9, 15.