Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagsampa

Pagsampa

Ang pananalitang Hebreo na Shir ham·ma·ʽalohthʹ, na superskripsiyon ng 15 awit (Aw 120-134), ay isinasalin sa iba’t ibang paraan bilang “Isang Awit ng mga antas” (KJ), “Isang gradwal na awit” (Dy, Aw 119-133), “Isang Awit ng mga Baytang ng Hagdanan” (tlb sa Rbi8 sa Aw 120:Sup), “Awit sa mga Pagsampa” (AS-Tg), “Awit ng Pag-ahon” (BSP). Sinasabing ang apat sa mga awit na ito ay kinatha ni David at ang isa naman ay kinatha ni Solomon. Pinagtatalunan pa rin ang eksaktong kahulugan ng superskripsiyong ito.

Ayon sa tradisyong Judio (Mishnah, Middot 2:5), ang 15 awit na ito ay inaawit ng mga Levita habang umaakyat sila sa 15 baytang mula sa Looban ng mga Babae patungo sa Looban ng Israel sa templo na nasa Jerusalem. Gayunman, ang pangmalas na ito ay hindi na pinaniniwalaan ng karamihan sa ngayon. Sinasabi ng ilan na ang pariralang ito ay tumutukoy sa matayog na mensahe ng mga awit na ito, bagaman wala namang gaanong saligan ang pangmalas na nakatataas ang mga ito sa iba pang kinasihang mga awit. Naniniwala ang karamihan sa mga komentarista na inilakip sa mga awit na ito ang gayong pamagat dahil ang mga ito ay inaawit ng mga mananambang Israelita habang sila ay naglalakbay o umaahon patungo sa mataas na lunsod ng Jerusalem na nasa kabundukan ng Juda kapag masaya silang dumadalo sa tatlong pangunahing kapistahan doon taun-taon. (Deu 12:5-7; 16:16; Aw 42:4; Isa 30:29) Sa Ezra 7:9, ginagamit ang salitang ma·ʽalahʹ sa katulad na paraan upang tumukoy sa “pag-ahon” ng mga Israelita mula sa Babilonya patungong Jerusalem pagkatapos ng pagkatapon. Sinusuportahan ng mga pananalita ng Awit 122:1-4 ang pangmalas na ito, ngunit iba’t iba ang nilalaman ng iba pang mga awit na kabilang sa grupong ito kung kaya hindi pa rin matiyak ang kahulugan ng pananalitang ito.