Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtangis

Pagtangis

Isang kapahayagan ng matinding emosyon (gaya ng pamimighati) sa pamamagitan ng pag-iyak. Kapuwa ang mga lalaki at ang mga babae noong sinauna, kabilang na ang makapangyarihang mga mandirigma na gaya ni David, ay tumangis, anupat hindi nila ito itinuring na isang tanda ng kahinaan. (Gen 42:24; 43:30; 45:2, 3, 14, 15; 46:29; Ru 1:9, 14; 2Sa 13:36; Job 30:25; Aw 6:6-8) Ang kamatayan ng isang mahal sa buhay o ng isang kaibigan ang isa sa mga pangunahing sanhi ng pagtangis. (2Sa 18:33–19:4; Luc 7:11-15; 8:49-56; Ju 20:11-15) At ang pagkamatay naman ng iginagalang at iniibig na mga indibiduwal ay maaaring maging dahilan ng pagtangis ng buong bansa (2Sa 3:31-34), anupat kung minsan ay mahahabang yugto ng panahon ang iniuukol sa gayong pagpapahayag ng pagdadalamhati. (Gen 50:1-3, 10, 11; Bil 20:29; Deu 34:8) Ang iba pang mga kalagayan na nagiging sanhi ng pagtangis ay ang pagkatalo sa pakikipagdigma (Deu 1:44, 45; Jer 31:15; Pan 1:16), pagkabihag (Aw 137:1), paniniil (Ec 4:1), malaking kapahamakan (Es 3:13, 14; 4:1-4), at matinding dalamhati dahil sa kasalanan (Ezr 10:1-4; Jer 3:21, 22; 31:9; Joe 2:12; Luc 22:54-62; San 4:8, 9; tingnan ang PAGDADALAMHATI). Ang pagtangis naman sa relihiyosong seremonya ay kaugnay sa pagsamba sa diyos ng Babilonya na si Tamuz.​—Eze 8:14.

Bukod pa sa pagkadama ng personal na kawalan o pamimighati, ang matinding pagkabahala at masidhing damdamin para sa iba ay kadalasang nagiging sanhi rin ng pagtangis. Halimbawa, may mga pagkakataon na pinaalalahanan at itinuwid ng apostol na si Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya nang may pagluha. (Gaw 20:31; 2Co 2:4) Binanggit niya nang may pagluha yaong mga “lumalakad bilang mga kaaway ng pahirapang tulos ng Kristo.” (Fil 3:18, 19) At dahil sa pag-ibig at matalik na kaugnayan sa pagitan ni Pablo at ng mga tagapangasiwa ng kongregasyon sa Efeso, tumangis ang lahat nang malaman nila na posibleng hindi na nila makikita pang muli ang apostol.​—Gaw 20:36-38.

May mga pagkakataong ang mga mananamba ni Jehova ay tumatangis habang nananalangin, gaya nina Hana, Hezekias, at Nehemias. (1Sa 1:9-11; 2Ha 20:1-5; Ne 1:2-4; Aw 39:12) Maging si Jesu-Kristo, noong narito siya sa lupa, ay nagsumamo at nakiusap sa kaniyang Ama nang “may malalakas na paghiyaw at mga luha.”​—Heb 5:7.