Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pako

Pako

Ang sinaunang mga pako ay kahawig na kahawig ng malalaking pako sa makabagong panahon, bagaman ang ilang uri ng pako noon ay may apat na kanto sa puluhan at mas mahaba ang patulis na dulo kaysa sa mga ginagamit sa ngayon. Lumilitaw na gawa sa bronse ang kauna-unahang mga pako, bagaman ang mas malalaking pako noong dakong huli ay gawa sa bakal. Naghanda si David ng “bakal na pagkarami-rami upang gawing mga pako para sa mga pinto ng mga pintuang-daan” ng itatayong templo. (1Cr 22:3) May natuklasang mga pakong pampalamuti na gawa sa bronse at kinalupkupan ng palarang ginto, at sinasabing ang mga ito ay mula pa noong mga 1300-1200 B.C.E. May kinalaman sa mga pakong ginamit sa pagtatayo ng templo ni Solomon, ganito ang sinasabi: “Ang bigat para sa mga pako ay limampung siklong ginto [0.6 kg; 1.5 lb t].”​—2Cr 3:8, 9.

Noong 1968, sa isang nahukay na libingan na nasa HS lamang ng Jerusalem, nasumpungan ang mga labí ng isang Judio na pinatay noong unang siglo sa pamamagitan ng pagpapako sa kaniya sa isang pahirapang tulos. Gaya ng ipinakikita ng kasunod na mga pag-aaral, isang pakong bakal na may habang 11.5 sentimetro (4.5 pulgada) ang nanatiling nakabaon sa buto ng kanang sakong nito. Maaaring katulad ng pakong ito ang mga pakong ginamit ng mga kawal na Romano noong ibayubay nila si Jesu-Kristo. Hindi naniwala si Tomas na binuhay-muli si Kristo hanggang noong makita niya “ang bakas ng mga pako” sa mismong laman ni Jesus.​—Ju 20:24-29.

Makasagisag na Paggamit. Winakasan ng kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos ang tipan ng Kautusang Mosaiko. Nang tinutukoy ang pagkakakansela niyaon, itinawag-pansin ni Pablo na inalis ng Diyos ang Kautusan “sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos.” (Col 2:13, 14) “Yaong mga nagsasagawa ng pagtitipon ng mga pangungusap” ay inihalintulad ni Solomon sa “mga pakong ibinaon,” posibleng dahil sila at ang kanilang mabubuting salita mula kay Jehova ay nagdudulot ng katatagan at naglalaan ng suporta sa tagapakinig.​—Ec 12:11.