Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pala

Pala

Isang kagamitang pandakot na mahaba ang hawakan. Mga palang yari sa tanso ang ginamit noon sa tabernakulo upang alisin ang abo mula sa altar ng handog na sinusunog. (Exo 27:1-3; 38:3; Bil 4:14) Sa ganitong paraan din ginamit ang mga tansong pala na ginawa ng manggagawang Hebreong taga-Fenicia na si Hiram para sa templong itinayo ni Solomon. (1Ha 7:13, 14, 40, 45) Kabilang ang mga ito sa mga kagamitan sa templo na tinangay ng mga Babilonyo noong 607 B.C.E.​—2Ha 25:8, 14; Jer 52:18.

Ginamit noon ang mga pala, marahil ay yari sa kahoy, sa pagtatahip ng mga butil. (Isa 30:24) Ang malapad na palang pantahip ay ginamit sa giikan upang madakot ang giniik na mga butil at isaboy ito nang pasalungat sa hangin, na siyang tumatangay sa mga pinagtahipan, gaya ng ipa, samantalang bumabagsak naman sa giikan ang mga butil. Sa makahulang paraan, inilarawan ni Juan na Tagapagbautismo ang Mesiyas bilang may isang makasagisag na palang pantahip sa kamay, na gagamitin niya upang ihiwalay ang simbolikong “trigo” mula sa “ipa.”​—Mat 3:1, 12; tingnan ang PAGTATAHIP.