Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Palamuti

Palamuti

Bahagi ng kagayakan na hindi naman talaga kailangan sa ganang sarili nito ngunit nagpapaganda sa kaanyuan ng isang tao o bagay. Noon, karaniwan nang mga babae ang gumagamit ng mga palamuti ngunit gumagamit din ng mga ito ang mga lalaki; ginamit ang mga ito upang pagandahin ang mga gusali; kung minsan, pati mga hayop ay nilalagyan ng mga palamuti.

Isinisiwalat ng mga pagtukoy ng Bibliya at ng ebidensiyang nahukay ng mga arkeologo na ang mga tao noong mas sinaunang mga panahon ay hindi lamang kakikitaan ng interes sa mga palamuti kundi mayroon din silang pambihirang kakayahan at kasanayan sa paggawa ng napakaartistikong mga palamuti. Ang mga artisano noon ay gumawa ng lubhang mapalamuting mga obra sa paghahabi, pagbuburda, pag-ukit ng kahoy at garing, at pagpaplatero. Ang mga labí ng mga palasyo sa Asirya, Babilonya, Persia, at sa lunsod ng Mari ay pawang kakikitaan ng magagarbong palamuti, anupat may malalaking miyural ang mga iyon sa panloob na mga dingding at mga bahorelyebe na mahusay ang pagkakaukit at naglalarawan ng mga tagpo sa digmaan, pangangaso, at mga gawain sa palasyo, upang gayakan kapuwa ang panloob at panlabas na mga pader. Kadalasa’y pagkalaki-laking mga pigura naman ng dambuhalang mga hayop ang nakatanod sa mga pintuan ng palasyo. Sa mga pagsasalarawan sa mga relyebe, ang hari at ang iba pang mga tao ay kakikitaan ng magagandang burda sa kanilang mga kasuutan. Pati ang guwarnisyon ng mga kabayo ay lubhang napapalamutian ng mga borlas at mga lilok. (Ihambing ang mga kuwintas ng mga kamelyo ng mga Midianita; Huk 8:21, 26.) Mga ipinintang larawan naman sa mga libingan ang pangunahing mapagkukunan ng katibayan mula sa Ehipto, bagaman mayroon ding ilang sinaunang kasangkapan doon na naingatan, gaya ng mga silyang trono, maharlikang mga karo, at iba pang mga bagay.

Hebreo at Kristiyano. Maagang binabanggit sa ulat ng Bibliya ang mga alahas, gaya ng gintong singsing na pang-ilong at mga pulseras na ibinigay kay Rebeka ng lingkod ni Abraham. (Gen 24:22, 30, 47, 53) Nang si Jose ay maging punong ministro ni Paraon, tumanggap siya ng isang gintong kuwintas bukod pa sa sariling singsing na panlagda ng monarkang iyon. (Gen 41:41-43) Sa lahat ng lupain sa Bibliya, pangkaraniwan lamang ang gayong mga singsing na panlagda, o mga singsing na pantatak, anupat kalimita’y nakasabit ang mga ito sa leeg sa pamamagitan ng panali. (Ihambing ang Gen 38:18.) Ginagamit ito ng indibiduwal sa paglalagay ng kaniyang lagda, o opisyal na tatak, sa mga dokumento at, samakatuwid, kapag pinahintulutan niyang dalhin ito ng ibang tao, ipinakikilala nito ang taong iyon bilang isang tunay at awtorisadong kinatawan ng may-ari ng singsing.

Noong panahon ng Pag-alis, maraming nakuhang kagamitang pilak at ginto ang mga Israelita mula sa mga Ehipsiyo, at walang alinlangang sa mga ito nanggaling ang marami sa mga alpiler, hikaw, singsing, at iba pang mga bagay na iniabuloy nila para sa paghahanda ng tabernakulo, kung paanong bago nito ay may-kamalian silang nag-abuloy ng mga hikaw na ginto upang maanyuan ang isang idolatrosong guya. (Exo 12:35, 36; 32:1-4; 35:20-24) Ang tabernakulo at ang mga kasangkapan nito ay kakikitaan noon ng maraming obra ng mga artisanong dalubhasa sa paggawa ng mga kayariang kahoy at sa paggawa gamit ang mahahalagang metal at hiyas, gayundin sa paghahabi at pagbuburda. (Exo 35:25-35) Gayunman, mas maringal pa rito ang mga palamuti ng templong itinayo ni Solomon nang dakong huli. Ang mga entrepanyo niyaon na gawa sa tablang sedro, gayundin ang mga pinto niyaon na gawa sa kahoy ng punong-langis at enebro, ay inukitan ng mga larawang gaya ng mga palamuting hugis-upo, mga bungkos ng bulaklak, mga kerubin, at mga larawan ng puno ng palma at pagkatapos ay kinalupkupan ng ginto; samantalang ang mga kapital naman ng dalawang tansong haligi sa harap ng istraktura ay napapalamutian ng mga kayariang tila lambat, mga yaring-tanikala, mga granada, at mga yaring liryo. (1Ha 6:18, 29, 35; 7:15-22) Nagpamalas si Solomon ng masidhing pagpapahalaga sa artistikong kagandahan, at ang kaniyang malaking tronong garing na kinalupkupan ng ginto, na may mga estatuwa ng mga leon sa magkabila sa tabi ng mga patungan ng braso bukod pa sa 12 estatuwa ng leon sa anim na baytang sa harap nito, ay walang katulad sa sinaunang daigdig.​—1Ha 10:16-21.

Gayunman, higit na idiniriin ng Bibliya ang espirituwal na kagandahan. Ang disiplina ng magulang ay “putong na kaakit-akit” sa ulo ng isang tao “at magandang kuwintas” sa kaniyang leeg; ang karunungan ay “isang korona ng kagandahan”; “ang mga labi ng kaalaman ay mahahalagang sisidlan” na nakahihigit sa anumang uri ng gintong plorera ng isang artisano; “gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang binigkas sa tamang panahon,” at “ang hikaw na ginto, at ang palamuting yari sa pambihirang ginto, ay marunong na tagasaway sa taingang nakikinig.” (Kaw 1:9; 4:9; 20:15; 25:11, 12) Ang babaing maganda ngunit walang katinuan ay inihahalintulad sa “gintong singsing na pang-ilong na nasa nguso ng baboy.”​—Kaw 11:22.

Pinasisigla, lalo na sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pagiging katamtaman sa mga bagay-bagay. Dapat “gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, hindi ng mga istilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan, kundi sa paraan na angkop sa mga babae na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos, samakatuwid nga, sa pamamagitan ng mabubuting gawa.” (1Ti 2:9, 10) Maitatawag-pansin ni Pedro ang mga halimbawa ng mga babaing nabuhay bago ang panahong Kristiyano upang himukin ang mga babae na itaguyod ang kagandahan ng “lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu, na malaki ang halaga sa paningin ng Diyos”; tinukoy niya ang mga babaing gaya ni Sara na naggayak ng kanilang sarili sa gayong paraan, anupat “nagpapasakop sa kani-kanilang asawang lalaki.” (1Pe 3:1-6) Samakatuwid, kung susundin, inilalaan ng Kasulatan ang patnubay hinggil sa wastong pangmalas sa mga palamuti at alahas at sa mahusay na pagkatimbang sa paggamit nito.

Ang mga Palamuti sa Hula. Dahil sa kaniyang pagpapala sa Jerusalem, inihalintulad ni Jehova ang kabiserang ito ng Juda sa isang babaing nadaramtan ng mamahaling mga kasuutan, anupat napapalamutian nang magarbo at nagagayakan ng mga alahas. Ngunit sa dahilang naiwala niya ang kaniyang espirituwalidad at nagsagawa siya ng espirituwal na pagpapatutot sa mga bansa, hinubad sa kaniya ang kaniyang mga kagayakan at iniwan siya na mistulang hubad. (Eze 16:2, 10-39) Natupad ang gayong paghuhubad sa kaniya hindi lamang sa espirituwal na paraan kundi pati sa literal na paraan nang kunin ng kaniyang sakim na mga manlulupig ang kayamanan ng lunsod, kabilang na ang mga pulseras sa paa, mga pamigkis sa ulo, mga palamuting hugis-buwan, mga palawit sa tainga, mga pulseras, mga talukbong, mga putong, mga kadenilya sa paa, mga pamigkis sa dibdib, “mga bahay ng kaluluwa” (malamang na tumutukoy sa mga lalagyan ng pabango), mga palamuting kabibi na humihiging (mga anting-anting), mga singsing sa daliri at sa ilong na isinusuot noon ng “mga anak na babae ng Sion.” (Isa 3:16-26) Magiging isang panahon iyon ng pagdadalamhati, sapagkat noon kapag nagdadalamhati, kaugalian nang alisin ang mga palamuti.​—Exo 33:4-6.

Gayunman, kapag tinubos ni Jehova ang Sion mula sa pagkatapon sa Babilonya, makasagisag niya itong itatayo na may pundasyong safiro, mga moog na yari sa mga rubi at mga pintuang-daang yari sa malaapoy at kumikinang na mga bato, anupat ito’y dahil sa kapayapaan at katuwiran na kaniyang idudulot (Isa 54:7, 8, 11-14), at madaramtan ito ng kasuutan at mga palamuting tulad ng sa isang kasintahang babae. (Isa 49:14-18; ihambing ang 61:10.) Ang huling nabanggit na larawan ay waring kahawig ng paglalarawan sa Bagong Jerusalem bilang may mga pintuang-daang perlas at mga pundasyong tulad ng mga hiyas at bilang nahahandang gaya ng “isang kasintahang babae na nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki.” (Apo 21:2, 9-21) Muli, maliwanag na ang nabanggit na mga palamuti at kagayakan ay nauugnay sa espirituwal na mga katangian at pagpapala na resulta ng pagsang-ayon at pabor ng Diyos.

Sa kabaligtaran, ang Babilonyang Dakila, ang makasagisag na babae na nakikiapid sa mga hari sa lupa, ay nagsusuot ng maharlikang kagayakan at mga palamuti at namumuhay sa walang-kahihiyang karangyaan, ngunit siya’y sasamsaman ng lahat ng kaniyang maririlag na kasuutan, huhubaran, at pupuksain. Huwad ang kaniyang kagandahan, at ‘niluluwalhati niya ang kaniyang sarili’; dahil dito, ang kaniyang mga palamuti ay hindi kumakatawan sa pagpapala at pabor ng Diyos kundi, sa halip, kumakatawan ito sa kaniyang mga pagkukunwari at sa mga pakinabang na natatamo niya, gaya ng kapangyarihan at kayamanan, sa kaniyang tulad-patutot na landasin.​—Apo 17:3-5, 16; 18:7-20.

Tingnan ang ABALORYO, MGA; ALPILER; HIKAW; HIYAS AT MAHAHALAGANG BATO; KUWINTAS; PULSERAS; PULSERAS SA BUKUNG-BUKONG; SINGSING; SINGSING NA PANG-ILONG.