Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paliligo, Paghuhugas

Paliligo, Paghuhugas

Ang salitang Hebreo na ra·chatsʹ ay isinasalin bilang “paliguan” o “hugasan” at ikinakapit may kaugnayan sa katawan ng tao at sa iba pang mga bagay na nililinis sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig o ng pagbubuhos ng tubig sa mga iyon. (Lev 16:24; Gen 24:32) Gayunman, kapag inilalarawan ang paglalaba ng damit sa pamamagitan ng pagpadyak sa mga ito sa ilalim ng tubig, ginagamit ng mga manunulat ng Bibliya ang salitang Hebreo na ka·vasʹ, nauugnay sa Arabeng kabasa (lamasin; yapakan) at sa Akkadianong kabasu (yurakan). Kaya naman sa Levitico 14:8 ay mababasa natin: “At yaong naglilinis ng kaniyang sarili ay maglalaba [isang anyo ng ka·vasʹ] ng kaniyang mga kasuutan at mag-aahit ng lahat ng kaniyang buhok at maliligo [wera·chatsʹ] sa tubig at magiging malinis.”​—Tingnan din ang Lev 15:5-27; Bil 19:19.

Ang salitang Griego para sa “paghuhugas” ay lou·tronʹ. (Tit 3:5) Ang anyong pandiwa nito na louʹo ay isinasalin bilang “paliguan” o “hugasan.”​—Gaw 9:37; 16:33.

Ang pisikal na kalinisan ay kahilingan sa mga sumasamba kay Jehova ukol sa kabanalan at kadalisayan. Ipinakikita ito ng kaayusan sa tabernakulo at gayundin ng paglilingkod sa templo nang maglaon. Noong italaga ang mataas na saserdoteng si Aaron at ang kaniyang mga anak, naligo muna sila bago nagbihis ng opisyal na mga kasuutan. (Exo 29:4-9; 40:12-15; Lev 8:6, 7) Para sa paghuhugas ng kanilang mga kamay at mga paa, ang mga saserdote ay gumagamit ng tubig mula sa hugasang tanso na nasa looban ng tabernakulo, at nang maglaon, mula sa pagkalaki-laking binubong dagat sa templo ni Solomon. (Exo 30:18-21; 40:30-32; 2Cr 4:2-6) Sa araw ng Pagbabayad-Sala, dalawang ulit na naliligo ang mataas na saserdote. (Lev 16:4, 23, 24) Yaong mga nagdala sa kambing na para kay Azazel at sa mga labí ng mga haing hayop at sa hain na pulang baka patungo sa labas ng kampo ay hinihilingang paliguan ang kanilang laman at labhan ang kanilang mga kasuutan bago sila pumasok muli sa kampo.​—Lev 16:26-28; Bil 19:2-10.

Ang seremonyal na paliligo ay kahilingan sa mga Israelita sa pangkalahatan sa iba’t ibang kadahilanan. Ang sinumang gumaling mula sa ketong, ang sinumang napadaiti sa mga bagay na nahipo niyaong mga “inaagasan,” ang lalaking nilabasan ng semilya, ang babaing katatapos lamang magregla o tumigil ang pagdurugo, o ang sinumang seksuwal na nakipagtalik ay “marumi” at kailangang maligo. (Lev 14:8, 9; 15:4-27) Ang sinuman na nasa isang tolda kung saan may taong patay o nakahipo ng bangkay ng tao ay magiging “marumi” at kailangang dalisayin ng panlinis na tubig. Kapag tumanggi ang isa na sundin ang tuntuning ito, siya ay “lilipulin mula sa gitna ng kongregasyon, sapagkat ang santuwaryo ni Jehova ang kaniyang dinungisan.” (Bil 19:20) Kaya nga, ang paghuhugas ay ginagamit sa makasagisag na paraan upang tumukoy sa isang malinis na katayuan sa harap ni Jehova. (Aw 26:6; 73:13; Isa 1:16; Eze 16:9) Ang paghuhugas sa pamamagitan ng salita ng katotohanan ni Jehova, na isinasagisag ng tubig, ay may kapangyarihang maglinis.​—Efe 5:26.

Mababasa sa Bibliya ang maiikling pagbanggit hinggil sa paliligo ng ilang indibiduwal gaya ng anak na babae ni Paraon sa Nilo (Exo 2:5), ni Ruth bago niya iharap ang kaniyang sarili kay Boaz (Ru 3:3), ni Bat-sheba na walang kamalay-malay na siya’y nakikita ni David (2Sa 11:2, 3), ni David bago siya nagpatirapa sa bahay ni Jehova (2Sa 12:20), at ng mga patutot sa tipunang-tubig sa Samaria (1Ha 22:38). Alinsunod sa utos ni Eliseo na, ‘Maligo ka at maging malinis ka,’ pitong ulit na naligo ang ketonging si Naaman sa Ilog Jordan. (2Ha 5:9-14) Kaugalian noon na paliguan ang mga bagong-silang na sanggol at gayundin ang mga bangkay bago ilibing.​—Eze 16:4; Gaw 9:37.

Sa mainit na klima ng Gitnang Silangan, kung saan ang mga tao ay naglalakad nang nakasandalyas sa maalikabok na mga lansangan, isang tanda ng pagkamapagpatuloy at kabaitan na isaayos na mahugasan ang mga paa ng mga panauhin. Nagpakita si Abraham ng ganitong kabaitan sa mga anghel (Gen 18:1-4); kabilang sa iba pang mga halimbawa sina Lot, Laban, at Abigail. (Gen 19:1, 2; 24:29-32; 1Sa 25:41; Luc 7:38, 44; 1Ti 5:10) Ginawa rin ito ni Jesus nang hugasan niya ang mga paa ng kaniyang mga alagad.​—Ju 13:5-17; tingnan ang PAGHUHUGAS NG MGA PAA.

Ang mga Pariseo ay naghuhugas ng “kanilang mga kamay hanggang sa siko,” hindi para sa kalinisan, kundi dahil lamang sa mga rabinikong tradisyon.​—Mar 7:1-5; Mat 15:1, 2.