Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Palumpong

Palumpong

[sa Heb., siʹach].

Isang halamang mababa at makapal ang sanga o isang kumpol ng ganitong mga halaman. Ang salitang Hebreo na siʹach ay apat na ulit lamang lumilitaw, sa Genesis 2:5; 21:15; Job 30:4, 7. Ang ilang punungkahoy sa rehiyon ng Palestina ay angkop na matutukoy na mga palumpong, kabilang na ang bansot na enebro, ang matinik na lotus, ang punong retama; samantalang ang iba naman ay kadalasan o karaniwang tulad-palumpong ang laki at hitsura, gaya ng mga puno ng akasya, mirto, estorake, tamarisko, at sause.

Sa ilang ng Beer-sheba, palibhasa’y nawalan na ng pag-asa, inihagis ni Hagar si Ismael sa ilalim ng isang palumpong (Gen 21:15), samantalang inilalarawan naman ni Job ang mga taong naninirahan sa isang pook na walang tubig bilang ‘pumipitas ng halamang asin sa tabi ng mga palumpong’ at sumisigaw mula sa gitna ng mga palumpong.​—Job 30:4, 7.

Ang nagniningas na palumpong na ginamit ng anghel ni Jehova upang matawag ang pansin ni Moises at kung saan siya nakipag-usap dito ay ipinapalagay na isang uri ng matinik na palumpong (sa Heb., senehʹ). (Exo 3:2-5; Deu 33:16) Sa pagtukoy sa pangyayaring ito, ginamit ng mga Kristiyanong manunulat ng Griegong Kasulatan ang salitang Griego na baʹtos, na nangangahulugang isang kambron o alinmang matinik na palumpong. (Mar 12:26; Luc 20:37; Gaw 7:30, 35) Sa Griego, ang blackberry ay tinatawag na baʹton (hinalaw sa baʹtos), kaya naman iniuugnay ng ilang leksikograpo ang matinik na palumpong (senehʹ) sa palumpong ng blackberry (Rubus sanctus), na karaniwan sa buong Sirya at sa kalakhang bahagi ng Palestina. Gayunman, hindi ito makikitang tumutubo nang ligáw sa Peninsula ng Sinai sa makabagong panahon. Sa dahilang ito, mas pabor ang iba na iugnay ito sa isang uri ng punong akasya, yamang ang mga punong ito na matitinik at kadalasang tulad-palumpong ay karaniwang-karaniwan sa buong rehiyon ng Sinai. Gayunman, hindi matukoy nang tiyakan ang pagkakakilanlan nito.