Pamatok
Isang pingga na ipinapatong sa mga balikat ng isang tao, anupat ibinibitin sa magkabilang dulo nito ang mga pasan (ihambing ang Isa 9:4), o isang kahoy na pingga o kayarian na nakalagay sa ibabaw ng mga leeg ng dalawang hayop na panghila (kadalasan ay mga baka) kapag humahatak ang mga ito ng isang kagamitan sa pagsasaka o ng isang karwahe. (Bil 19:2; Deu 21:3; 1Sa 6:7) Ang huling nabanggit na pingga ay ikinakabit nang pahalang at karaniwang pinananatili sa puwesto nito sa pamamagitan ng dalawang pamigkis, anupat bawat isa ay nakapulupot sa leeg ng isang hayop. Sa halip na mga pamigkis, ang ilang pamatok naman ay may tuwid na mga pingga na nakalapat nang kaunti sa magkabilang gilid ng mga leeg ng mga hayop at ipinipirmi sa pamamagitan ng mahahabang piraso ng katad na nakatali nang pasalungat sa leeg ng mga ito. Ikinakabit din ang mga pamatok sa noo ng mga hayop sa pinakapuno ng kanilang mga sungay. Sa sinaunang Ehipto, ang mga pamatok na pinapasan ng mga tao sa kanilang mga balikat upang magdala ng tubig at ng iba pang mga bagay ay may haba na mga 1 m (3 piye) at may strap sa mga dulo para pagkabitan ng mga pasan.
Mga Termino sa Orihinal na mga Wika. Ang mga terminong Griego (zy·gosʹ, zeuʹgos) na nagtatawid ng ideya ng isang pamatok ay hinalaw sa salitang zeuʹgny·mi, na nangangahulugang “pagtuwangin; pagsamahin; pagbigkisin o pagbuklurin; pagkaisahin.” Noon, kadalasa’y dalawang hayop ang pinagtutuwang, kaya naman ang salitang Griego na zeuʹgos ay maaaring tumukoy sa isang “pares” o “tuwang” ng mga hayop, gaya ng isang “pares ng batu-bato.” (Luc 2:24; 14:19) Ang terminong Hebreo na tseʹmedh ay waring katumbas naman ng salitang Griego na zeuʹgos at maaaring tumukoy sa isang “tuwang” (Huk 19:3, 10), isang “pares” (1Sa 11:7), isang “pareha” (1Ha 19:19, 21), o isang “akre,” ang sukat ng lupain na kayang araruhin ng isang pareha ng mga toro sa isang araw (1Sa 14:14; Isa 5:10). Gayunman, ibang salitang Hebreo (ʽol o ʽohl) ang tumutukoy sa kasangkapang ginagamit upang mapagtuwang o mapagbuklod ang mga bagay. (Bil 19:2) May isa pang terminong Hebreo (moh·tah) na iniuugnay sa mga pamatok [sa Ingles, yoke bar] (Lev 26:13; Isa 58:6, 9; Jer 27:2; 28:10, 12, 13; Eze 30:18; 34:27) at sa 1 Cronica 15:15 ay tumutukoy ito sa mga pingga na ipinambuhat sa Kaban. Bukod sa tumutukoy sa pamatok, ang salitang Griego na zy·gosʹ ay maaaring kumapit sa iba’t ibang bagay na nagbubuklod, o nag-uugnay, sa dalawa o higit pang mga bagay. Halimbawa, ‘pinagtutuwang’ ng pingga ng isang pares ng timbangan ang dalawang bandeha nito; kaya naman sa Apocalipsis 6:5, ang zy·gosʹ ay isinasalin bilang “pares ng timbangan.” Tulad ng Hebreong ʽol (Gen 27:40; Isa 9:4), ang zy·gosʹ ay maaari ring lumarawan sa pamatok na ginagamit ng isang indibiduwal upang magdala ng mga pasan, anupat pinagpapantay ang bigat ng mga ito sa magkabilang dulo ng pingga.
Makasagisag na Paggamit. Kadalasan, ang mga alipin ay bumubuhat ng mga pasan (ihambing ang Jos 9:23; 1Ti 6:1), at sa dahilang ito, ang pamatok ay angkop na lumarawan sa pagkaalipin o pagiging nasasakop ng ibang tao, gaya ni Esau na napasakop kay Jacob (Gen 27:40), o sa pagiging nasasakop o nasa ilalim ng isang tagapamahala o bansa (1Ha 12:4-14; 2Cr 10:4-14; Eze 34:27), gayundin sa paniniil at pagdurusa. (Isa 58:6-9) Ang pamatok na bakal ay nagpapahiwatig ng mas matinding pagkaalipin kaysa sa isang pamatok na kahoy. (Deu 28:48; Jer 28:10-14) At ang pag-alis o pagbali sa pamatok ay nangangahulugan naman ng paglaya mula sa pagkaalipin, paniniil, at pagsasamantala.—Lev 26:13; Isa 10:27; 14:25; Jer 2:20; 28:2, 4; 30:8; Eze 30:18.
Nang bumagsak ang lunsod ng Jerusalem sa kamay ni Haring Nabucodonosor, ang mga tumatahan doon ay napasailalim sa mabigat na pamatok ng pagpapasakop sa Babilonya. Ang pamatok na ito ay partikular nang nagpahirap sa matatandang lalaki, na hindi pa nagbata ng gayong bagay sa buong buhay nila. (Ihambing ang Isa 47:6.) Sa kaniyang panaghoy dahil sa pagkawasak ng Jerusalem, maliwanag na ito ang tinutukoy ni Jeremias nang sabihin niya: “Mabuti sa isang matipunong lalaki ang magpasan ng pamatok sa panahon ng kaniyang kabataan.” Kung matututo ang isang indibiduwal na magdala ng pamatok ng pagdurusa samantalang siya’y kabataan pa, magiging mas madali sa kaniya ang pagdadala ng pamatok sa dakong huli ng kaniyang buhay, anupat hindi rin siya mawawalan ng pag-asa.—Pan 3:25-30.
Bagaman may-paniniil na nakikitungo ang mga indibiduwal at ang mga bansa sa iba, hindi kailanman naglagay ang Diyos na Jehova ng mapaniil at mapaminsalang pamatok sa kaniyang tapat na mga lingkod. Sa pamamagitan ng propetang si Oseas, ipinaalaala ni Jehova sa Israel ang kaniyang maawaing pakikitungo: “Sa pamamagitan ng mga lubid ng makalupang tao ay patuloy ko silang hinila, sa pamamagitan ng mga panali ng pag-ibig, anupat sa kanila ay naging gaya ako niyaong mga nag-aalis ng pamatok sa kanilang mga panga, at banayad akong nagdala ng pagkain sa bawat isa.” (Os 11:4) Kaya sa pakikitungo ni Jehova sa mga Israelita, kumilos siya bilang isa na lubusang nag-aalis o nag-uurong ng pamatok upang maalwang makakain ang isang hayop. Gayunman, nang baliin nila ang kanilang pamatok ng pagpapasakop sa Diyos (Jer 5:5), sumailalim sila sa mapaniil na pamatok ng mga kaaway na bansa.—Ihambing ang Deu 28:48; Jer 5:6-19; 28:14.
Ang Kautusang ibinigay sa bansang Israel ay isang pamatok, sapagkat isinailalim sila nito sa mga obligasyon at mga pananagutan sa Diyos na Jehova. Palibhasa’y banal, matuwid, at mabuti, ang anumang itinakda ng Kautusan ay hindi nagdulot ng pinsala sa mga Israelita. (Ro 7:12) Gayunman, dahil sila’y makasalanan at di-sakdal, hindi nila ito natupad nang lubusan, at sa gayo’y naging isa itong pamatok na ‘kahit sila ni ang kanilang mga ninuno ay hindi makapagdala’ (sapagkat nagbunga ito ng kahatulan sa kanila dahil sa paglabag nila sa Kautusan). Iniharap ni Pedro ang puntong ito noong ipinakikita niya na hindi kailangang ipataw sa mga di-Judiong Kristiyano ang obligasyong tuparin ang “kautusan ni Moises.” (Gaw 15:4-11) Hindi ang Kautusan ang nagdudulot ng pagkaalipin; sa halip, ang kasalanan. (Ro 7:12, 14) Dahil dito, imposibleng magtamo ng buhay ang isang indibiduwal sa pamamagitan lamang ng pagsisikap niya na lubusang tuparin ang Kautusang Mosaiko; gayundin, mangangahulugan ito na ‘nagpapasakop siyang muli sa pamatok ng pagkaalipin,’ sapagkat, yamang siya’y makasalanan at alipin ng kasalanan, hahatulan siya ng Kautusan, na hindi naman talaga naglalaan ng mabisang hain para sa mga kasalanan, di-gaya ng pantubos ni Kristo.—Gal 5:1-6.
Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, nasumpungan ng mga Judio na sila’y nasa ilalim ng pamatok ng Kautusang Mosaiko at, bukod diyan, napabibigatan ng maraming tradisyon ng mga tao. May kinalaman sa mga eskriba at mga Pariseo, sinabi ni Jesu-Kristo: “Nagbibigkis sila ng mabibigat na pasan at ipinapasan ang mga ito sa mga balikat ng mga tao, ngunit ayaw man lamang nilang galawin ang mga ito ng kanilang daliri.” (Mat 23:4) Dahil dito, sa espirituwal na pangmalas, ang karaniwang mga tao, partikular na, ay “nabibigatan.” Kaya naman maaaring sabihin ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mat 11:28-30) Kung ang iniisip ni Jesus ay ang “pamatok” na iniatang sa kaniya ng kaniyang makalangit na Ama, mangangahulugan ito na kasama niya, maaari ring magpasailalim sa pamatok na ito ang iba at tutulungan niya sila. Sa kabilang dako naman, kung ito yaong pamatok na si Jesus mismo ang nag-atang sa iba, tumutukoy ito sa pagpapasakop ng isang tao sa awtoridad at patnubay ni Kristo bilang kaniyang alagad. Sa Filipos 4:3, malamang na isang partikular na kapatid sa kongregasyon ng Filipos ang tinutukoy ng apostol na si Pablo bilang “tapat na katuwang [sa Ingles, yokefellow],” samakatuwid nga, isa na nasa ilalim ng pamatok ni Kristo.
Yamang pinagbubuklod ng pag-aasawa ang lalaki at ang babae, ito ay tulad ng isang pamatok. (Mat 19:6) Kaya naman kung mag-aasawa ang isang Kristiyano ng isang di-sumasampalataya mauuwi ito sa isang ‘di-pantay na pakikipamatok’ (2Co 6:14), anupat magiging napakahirap pagkaisahin ang kanilang isip at pagkilos.