Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pamfilia

Pamfilia

Isang maliit na Romanong probinsiya sa T na baybayin ng Asia Minor na dinalaw ni Pablo noong kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero. Bagaman maaaring nagpabagu-bago ang laki ng probinsiyang ito sa paglipas ng mga taon, ang Pamfilia ay karaniwang minamalas bilang isang pahabang lupain sa baybayin na mga 120 km (75 mi) ang haba at hanggang 50 km (30 mi) ang lapad. Kahangga nito ang probinsiya ng Licia sa K, ang Romanong probinsiya ng Galacia sa H, at ang Kaharian ng Antiochus naman sa S. Sa baybayin, ang klima ng Pamfilia ay mainit at tropikal, samantalang nagiging katamtaman naman ito habang papaakyat sa mas mataas na dako ng Kabundukan ng Taurus.

Ipinapalagay na ang mga tumatahan dito ay isang katutubong tribo na nalahian ng mga Griego, anupat iminumungkahi pa nga ng ilan na ang Pamfilia ay nangangahulugang “halu-halong tribo o lahi.” (Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott, nirebisa ni H. Jones, Oxford, 1968, p. 1295) Maliwanag na may mga Judio o mga proselita sa lugar na ito, sapagkat noong Pentecostes 33 C.E., may mga taong nagmula sa Pamfilia na nasa Jerusalem at namangha ang mga ito nang marinig nila ang mga alagad na nagsasalita sa kanilang “sariling wika.”​—Gaw 2:6, 10.

Ilang pangunahing lunsod ang nasa baybayin nito o malapit dito, gaya ng daungang bayan ng Atalia, Perga sa Ilog Cestrus (Aksu), at Side, kung saan ipinagbibili ng mga pirata sa baybayin ang kanilang samsam at kung saan nagkaroon ng isang pamilihan ng mga alipin. Mula sa Pafos na nasa Ciprus, sina Pablo, Bernabe, at Juan Marcos ay naglayag patungong HK, tumawid sa dagat “at dumating sa Perga sa Pamfilia.” Hindi malaman nang tiyak kung dumaong sila sa Atalia at naglakbay sa katihan nang ilang milya patungong Perga o kung naglayag sila hanggang sa Perga mismo; iniuulat na noong sinaunang mga panahon ay nakapaglalayag sa Cestrus kahit hanggang sa Perga man lamang. Sa pagkakataong ito, si Juan Marcos ay humiwalay sa kanila at bumalik sa Jerusalem, ngunit sina Pablo at Bernabe ay nagtungo sa H at dumaan sa kabundukan patungong Antioquia sa Pisidia (sa probinsiya ng Galacia). (Gaw 13:13, 14; 15:38; 27:5) Ang rutang iyon ay bantog dahil sa mga bandido. (Ihambing ang 2Co 11:26.) Sa kanilang paglalakbay pabalik, ang dalawang Kristiyanong ito ay dumaan sa Pamfilia patungong Perga at nangaral doon. Pagkatapos ay pumaroon sila sa daungan ng Atalia at naglayag mula roon patungong Antioquia sa Sirya.​—Gaw 14:24-26.

Sa paglipas ng mga taon, ang Pamfilia ay pinamahalaan ng Lydia, Persia, Macedonia, at Roma. Sa ilalim ng mga Romano, sa iba’t ibang panahon ay isinanib ito, upang maging isang probinsiya, sa Cilicia (sa dakong S), pagkatapos ay sa Galacia, at nang dakong huli ay sa Licia.​—Gaw 13:13; 16:6; 27:5.