Panaghoy, Aklat ng mga
Noong panahon ng Bibliya, ang mga panaghoy, o mga panambitan, ay kinakatha at inaawit para sa mga kaibigang namatay (2Sa 1:17-27), mga bansang winasak (Am 5:1, 2), at mga lunsod na giniba (Eze 27:2, 32-36). Ang aklat ng Mga Panaghoy ay isang kinasihang halimbawa ng gayong malungkot na komposisyon. Binubuo ito ng limang tulang liriko (sa limang kabanata) na nananaghoy sa pagkawasak ng Jerusalem sa mga kamay ng mga Babilonyo noong 607 B.C.E.
Kinikilala ng aklat na makatarungan ang pagpapasapit ni Jehova ng kaparusahan sa Jerusalem at Juda dahil sa kamalian ng kaniyang bayan. (Pan 1:5, 18) Itinatampok din nito ang maibiging-kabaitan at awa ng Diyos at ipinakikita nito na mabuti si Jehova doon sa umaasa sa kaniya.—Pan 3:22, 25.
Pangalan. Sa Hebreo, ang aklat na ito ay pinanganlan ayon sa pambungad na salitang ʼEh·khahʹ!, na nangangahulugang “Ano!” Ang tawag naman dito ng mga tagapagsalin ng Septuagint ay Threʹnoi, nangangahulugang “Mga Panambitan; Mga Panaghoy.” Sa Babilonyong Talmud (Bava Batra 14b), tinukoy ito sa terminong Qi·nohthʹ, nangangahulugang “Mga Panambitan; Mga Elehiya,” at tinawag ito ni Jerome na Lamentationes (Latin). Sa titulong ito nagmula ang pangalang Ingles na Lamentations, na sa Tagalog ay Mga Panaghoy.
Dako sa Kanon ng Bibliya. Sa Hebreong kanon, ang aklat ng Mga Panaghoy ay kadalasang inilalakip sa limang Meghil·lohthʹ (Mga Balumbon), na binubuo ng Awit ni Solomon, Ruth, Mga Panaghoy, Eclesiastes, at Esther. Gayunman, sa sinaunang mga kopya ng Hebreong Kasulatan, ang aklat ng Mga Panaghoy ay sinasabing kasunod ng aklat ng Jeremias, gaya ng makikita sa mga Bibliyang Tagalog sa ngayon.
Manunulat. Sa Griegong Septuagint, ang aklat na ito ay ipinakikilala ng mga salitang: “At nangyari nga, pagkatapos na mabihag ang Israel at matiwangwang ang Jerusalem, si Jeremias ay umupong nananangis at nanaghoy ng panaghoy na ito dahil sa Jerusalem at nagsabi.” Tinutukoy rin ng mga Targum si Jeremias bilang ang manunulat, anupat ipinakikilala ang aklat gaya ng sumusunod: “Si Jeremias na propeta at dakilang saserdote ay nagsabi.” Ganito naman ang introduksiyon sa mapanuring rebisyon ni Clement ng Latin na Vulgate: “At nangyari nga, pagkatapos na madala sa pagkabihag ang Israel at maiwang tiwangwang ang Jerusalem, si Jeremias na propeta ay naupong nananangis at bumulalas ng panaghoy na ito dahil sa Jerusalem; at habang buong-kapaitang nagbubuntunghininga, at buong-lungkot na dumaraing, sinabi niya.”
Istilo. Ang limang kabanata ng aklat ng Mga Panaghoy ay binubuo ng limang tula, na ang unang apat ay mga akrostik. Ang alpabetong Hebreo ay may 22 indibiduwal na titik (mga katinig) at sa unang apat na kabanata ng Mga Panaghoy, ang magkakasunod na mga talata ay nagsisimula sa isa sa 22 titik ng alpabetong Hebreo. Ang mga kabanata 1, 2, at 4 ay may tigdadalawampu’t dalawang talata na nakaayos ayon sa alpabetong Hebreo, anupat ang talata 1 ay nagsisimula sa unang titik Hebreo na alep, ang talata 2 ay nag-uumpisa sa ikalawang titik na bet, at patuloy hanggang sa katapusan ng alpabeto. Ang kabanata 3 ay may 66 na talata, at dito naman, tatlong sunud-sunod na talata ang nagsisimula sa iisang titik Hebreo bago lumipat sa susunod na titik.
Sa mga kabanata 2, 3, at 4, pinagbaligtad ang mga titik na ayin at pe (doon ay hindi nakaayos ang mga ito na gaya ng sa Panaghoy 1 at Aw 119). Ngunit hindi ito nangangahulugan na nagkamali ang kinasihang manunulat ng Mga Panaghoy. Matapos suriin ang bagay na ito, sinabi nina C. F. Keil at F. Delitzsch: “Lalo nang hindi posible ang palagay na ang tinutukoy na iregularidad ay isang pagkakamali ng mangangatha . . . , sapagkat ang iregularidad ay nauulit sa tatlong tula. Sa halip ay nauugnay ito sa iba pang aspekto. Sapagkat masusumpungan din natin sa iba pang mga tulang alpabetiko, lalo na sa mas matatandang tula, ang maraming paglihis sa alituntunin, na walang alinlangang nagpapatunay na mahigpit lamang na sinusunod ng mga mangangatha ang pagkakasunud-sunod ng alpabeto tanging kung bumabagay ito sa daloy ng diwa nang hindi nagiging artipisyal.” (Commentary on the Old Testament, 1973, Tomo VIII, The Lamentations of Jeremiah, p. 338) Ang ilan sa mga halimbawang binanggit ay ang Awit 34, kung saan hindi masusumpungan ang talatang waw, at ang Awit 145, na walang talatang nun. Hindi dapat ikabahala kung hindi man mahigpit na sinunod sa kinasihang mga akdang ito ang alpabetikong pagkakasunud-sunod ng mga titik Hebreo. Bagaman totoo na nagsilbing pantulong sa pagsasaulo ang paggamit ng mga akrostik, ang pinakamahalaga ay ang mensahe, at mas binibigyang-pansin ang diwa kaysa sa anumang istilong pampanitikan.
Ang Panaghoy kabanata 5 ay hindi tulang akrostik, bagaman mayroon itong 22 talata, na kasindami ng indibiduwal na mga titik ng alpabetong Hebreo.
Panahon ng Pagsulat. Ipinakikita ng malinaw na paglalarawan ng Mga Panaghoy na isinulat ito di-katagalan pagkatapos bumagsak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., samantalang sariwa pa sa isip ni Jeremias ang mga pangyayari noong kubkubin at sunugin ng mga Babilonyo ang Jerusalem. Sumasang-ayon ang karamihan na ang aklat ng Mga Panaghoy ay isinulat di-nagtagal pagkaraang bumagsak ang Jerusalem, at makatuwirang isipin na natapos ito noong 607 B.C.E.
Katuparan ng Hula. Gaya ng buong-linaw na inilalarawan sa aklat ng Mga Panaghoy, ang mga salita ng Deuteronomio 28:63-65 ay natupad sa Jerusalem. Ipinakikita rin sa aklat ang katuparan ng iba pang mga hula at mga babala ng Diyos. Halimbawa, ihambing ang Panaghoy 1:2 sa Jeremias 30:14; Panaghoy 2:17 sa Levitico 26:17; Panaghoy 2:20 sa Deuteronomio 28:53.
Nilalaman. Sa unang kabanata, simula sa talata 12, inihalintulad ni Jeremias ang Jerusalem, ang Sion na katipang “babae” ng Diyos, sa isang babaing nagsasalita. (Isa 62:1-6) Siya ay naging kaaba-aba, na para bang nabalo at naulila sa kaniyang mga anak, isang babaing bihag na puwersahang pinagtrabaho bilang alipin. Si Jeremias naman ang nagsalita sa kabanata 2. Sa kabanata 3, ibinulalas ni Jeremias ang kaniyang damdamin, na sinasambit iyon sa katauhan ng isang “matipunong lalaki” na sumasagisag sa bansa. Sa kabanata 4, ipinagpatuloy ni Jeremias ang kaniyang pananaghoy. Sa ikalimang kabanata, ang mga tumatahan sa Jerusalem ang inilalarawan bilang nagsasalita. Ang mga kapahayagan ng pagkilala sa kasalanan, ang pag-asa at pagtitiwala kay Jehova, at ang pagnanais na bumaling sa tamang daan, gaya ng inilalahad sa buong aklat, ay hindi siyang aktuwal na damdamin ng karamihan sa taong-bayan. Gayunman, may mga nalabi pa ring gaya ni Jeremias. Kaya ang pangmalas na ipinahahayag sa aklat ng Mga Panaghoy ay isang tumpak na paglalarawan sa situwasyon ng Jerusalem ayon sa pananaw ng Diyos.
Samakatuwid, ang aklat ng Mga Panaghoy ay isang tunay at mahalagang rekord na kinasihan ng Diyos.
[Kahon sa pahina 789]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG MGA PANAGHOY
Limang tula na nananaghoy sa kapahamakang sumapit sa Jerusalem at sa mga tumatahan doon noong 607 B.C.E. sa mga kamay ng mga Babilonyo
Isinulat ni Jeremias karaka-raka pagkatapos na mawasak ang Jerusalem
Ang Jerusalem ay inihalintulad sa isang babaing balo na naulila sa kaniyang mga anak at walang sinumang umaaliw (1:1-22)
Kinilala niya na ang kaniyang pamimighati ay dahil sa pagkakasala niya kay Jehova
Ipinanalangin niyang parusahan ng Makapangyarihan-sa-lahat yaong mga nagsasaya dahil sa kaniyang pagdurusa
Kumilos si Jehova laban sa Jerusalem dahil sa kaniyang galit (2:1-22)
Inihagis niya ang Jerusalem ‘mula sa langit tungo sa lupa’
Iwinaksi niya ang kaniyang santuwaryo at hindi niya pinagpakitaan ng paggalang ang hari at saserdote
Dahil dito, ang mga nagdaraan ay takang-taka sa sinapit ng lunsod na dati’y “kasakdalan ng kariktan”
Ang “matipunong lalaki,” na kumakatawan sa bansa, ay nagsalita tungkol sa kaniyang kapighatian, gayunma’y nagpahayag pa rin ng pag-asa (3:1-66)
Inilarawan niya ang napakahirap na kalagayang dinaranas niya
Gayunpaman, nagtitiwala siya na diringgin ni Jehova ang mga panalangin ng kaniyang bayan at na magpapakita Siya ng awa
Ang nakapanghihilakbot na mga epekto ng pagkubkob sa Jerusalem (4:1-22)
Noon ay mas mabuti pa ang mamatay sa tabak kaysa mamatay sa taggutom; kinain pa nga ng mga babae ang kanilang sariling mga anak
Ang mga nakatakas nang buháy ay walang-tigil na tinugis sa bulubundukin at ilang na mga pook
Pinamanhikan si Jehova na bigyang-pansin ang pagdurusa ng bayan at muli silang pagpakitaan ng lingap (5:1-22)
Ang minanang pag-aari ng kaniyang bayan ay ibinigay sa mga taga-ibang bayan
Sila ay hiniya at hinamak
Nanalangin sila kay Jehova na ipanumbalik sila sa kaniya kahit itinakwil niya sila dahil sa galit