Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panagot

Panagot

Isang paniguro na tutuparin ng isang tao ang kaniyang obligasyon; isang prenda, garantiya, o kolateral. Ang isang halimbawa nito ay ang personal na pag-aari, gaya ng singsing o kasuutan, na ibinibigay ng taong nangutang sa pinagkakautangan niya bilang garantiya na babayaran niya ang utang. Ang dalawang pandiwang Hebreo na cha·valʹ at ʽa·vatʹ, at ang mga pangngalang kaugnay ng mga ito, ay may kinalaman sa gayong panagot. Maaari rin itong tumukoy sa isa na nananagot para sa kapakanan ng iba. Namanhik ang salmista kay Jehova na maging “panagot” niya na magsasanggalang sa kaniya laban sa mga mandaraya.​—Aw 119:122.

Sa nakalipas na mga siglo, ang kinaugaliang paraan ng pagganap bilang panagot para sa iba ay hindi nagbago. Tinukoy ito ng patriyarkang si Job nang sabihin niya: “Pakisuyo, ilagay mo ang aking panagot sa iyo. Sino pa ang makikipagkamay sa akin bilang panata?” (Job 17:3) Ipinahihiwatig ng Kawikaan 17:18 ang pamamaraan na sinusunod noon: “Ang taong kapos ang puso ay nakikipagkamay, na lubusang nananagot sa harap ng kaniyang kapuwa.” Maliwanag, ang isang tao ay nagiging panagot para sa iba kapag, sa harap ng mga saksi, siya’y nakipaghampasan ng kamay, nakipagdaup-palad, o nakipagkamay sa nagpautang at nangakong sasagutin niya ang mga obligasyon ng may utang sakaling hindi ito makabayad. Sa Silangan, ang gayong pakikipaghampasan ng kamay o pakikipagdaup-palad ay nangangahulugang napagtibay na ang isang kasunduan o tipan. (Kaw 11:21) Lumilitaw na sa ganitong paraan pinagtibay ni Jehu ang positibong tugon ni Jehonadab sa tanong na, “Ang iyo bang puso ay matuwid sa akin, na gaya ng aking puso sa iyong puso?” Sapagkat sinabi niya kay Jehonadab: “Kung gayon, ibigay mo sa akin ang iyong kamay.”​—2Ha 10:15.

Gumamit naman ng ibang pamamaraan si Juda nang ibigay niya kay Tamar ang kaniyang singsing na pantatak, panali, at tungkod bilang paniguro hanggang sa makapagpadala siya rito ng isang anak ng kambing na magiging kabayaran sa pagsiping niya rito. (Gen 38:17-20) Noong iminumungkahi ni Ruben na isama niya si Benjamin sa Ehipto, nag-alok siya kay Jacob ng panagot para kay Benjamin sa pagsasabing: “Ipapatay mo ang aking dalawang anak kung hindi ko siya maibabalik sa iyo.” Gayunma’y tumanggi si Jacob. Nang maglaon, tinanggap ang alok ni Juda na siya mismo ang maging panagot para kay Benjamin: “Ako ang siyang magiging panagot para sa kaniya. Mula sa aking kamay ay masisingil mo ang kaparusahan para sa kaniya.” Noong si Benjamin ay gagawin na sanang alipin sa Ehipto, iginiit ni Juda na siya na lamang ang gawing alipin, yamang siya ang panagot para sa bata. Ito ang legal na saligan ng pakiusap niya kay Jose: “Sapagkat ang iyong alipin ay naging panagot para sa bata habang malayo sa kaniyang ama . . . Kaya ngayon, pakisuyo, hayaang ang iyong alipin ang manatili sa halip na ang bata bilang alipin sa aking panginoon.”​—Gen 42:37, 38; 43:8, 9; 44:32, 33.

Mga Tuntunin ng Kautusan Hinggil sa Panagot. May espesipikong mga tuntunin ang Kautusan hinggil sa mga panagot na ibinibigay ng isang may utang bilang paniguro sa pinagkakautangan niya. Pinangalagaan ng gayong mga tuntunin ang kapakanan ng naghihikahos at walang kalaban-labang mga miyembro ng bansa. Ipinakita ng mga iyon na nauunawaan ng Diyos ang mga suliranin ng mga dukha at mga babaing balo.

Kapag ibinigay ng isang taong dukha ang kaniyang panlabas na kasuutan bilang panagot, o paniguro sa isang pagkakautang, hindi iyon dapat magdamag na itago ng nagpautang. (Exo 22:26, 27; Deu 24:12, 13) Malamang na sa gabing iyon ay gagamiting pantakip ng taong dukha ang kaniyang panlabas na kasuutan; kung kukunin iyon sa kaniya, baka siya ginawin. Kung ipagwawalang-bahala ng isang tao ang kautusang ito, maituturing siyang sakim at malupit. (Job 22:6; 24:9) Gayunman, noong mag-apostata ang Israel, hindi lamang inagaw ng ilan bilang panagot ang mga kasuutan ng mga dukha kundi ginamit din nila ang mga iyon sa kanilang idolatrosong mga piging.​—Am 2:8.

Sinasabi sa Ezekiel 18:10-13 na ang hindi pagsasauli ng “isang bagay na ipinanagot,” kabilang na ang pagnanakaw at pagbububo ng dugo, ay mga bagay na magpapatunay na nararapat mamatay ang isang di-nagsisising makasalanan. Sa kabilang dako, kung iiwan ng isang taong balakyot ang kaniyang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsasauli ng “bagay na ipinanagot,” “tiyak na patuloy siyang mabubuhay.” (Eze 33:14-16) Ipinagbawal din ang pagkuha sa isang gilingang pangkamay o sa pang-ibabaw na batong panggiling nito bilang panagot, sapagkat noon ay karaniwan nang araw-araw ang pagluluto ng tinapay, at ang pagkuha sa mga kagamitang kailangan sa paggiling ng mga butil ay mangangahulugan ng pag-agaw sa “isang kaluluwa,” o buhay.​—Deu 24:6.

Ang mga balo ay partikular nang ipinagsanggalang, yamang kadalasa’y walang sinumang magtatanggol o tutulong sa kanila. Mahigpit na ipinagbawal ng Kautusan ang pag-agaw sa kasuutan ng isang babaing balo bilang panagot.​—Deu 24:17; ihambing ang Job 24:3.

Karagdagan pa, hindi maaaring pasukin ng isang tao ang bahay ng kaniyang kapuwa upang kunin ang isang bagay na ipinanagot nito. Ang may utang ang maglalabas ng panagot at magbibigay nito sa pinagkakautangan niya. (Deu 24:10, 11) Sa ganitong paraan ay hindi mapanghihimasukan ang tahanan ng isang tao, at mapananatili ang kaniyang paggalang sa sarili, na malayong mangyari kung basta na lamang makapapasok sa kaniyang tahanan ang pinagkakautangan niya nang walang pahintulot. Samakatuwid, bukod sa habag at pagkabukas-palad (Deu 15:8), itinaguyod din ng mga kautusan tungkol sa mga panagot ang paggalang sa pagkatao at mga karapatan ng iba.

Makatalinghagang Paggamit. Sa Deuteronomio 15:6, binanggit na tanda ng pagpapala ng Diyos ang pagkakaroon ng mga Judio ng sapat na kakayahan upang ‘magpahiram nang may panagot sa maraming bansa.’

Kung ‘hinahamak ng isang tao ang salita,’ sa pamamagitan ng hindi pagbabayad ng kaniyang pagkakautang, maiwawala niya yaong ibinigay niya bilang panagot; sa katulad na paraan, daranas ng kawalan ang isang tao kung hindi niya susundin ang utos ng Diyos.​—Kaw 13:13.

Kasabay ng pag-unlad ng komersiyo sa Israel, naging madalas din ang paggamit ng mga panagot sa pakikipagkalakalan. Nagbabala ang mga kawikaan na ang kaugaliang ito ay mapanganib at isang kamangmangan, lalo na kung dahil dito ay maaaring maiwala ng taong nanagot ang mahahalagang bagay na kaniyang ikinabubuhay. Maraming ulit na ipinapayo na huwag managot para sa taong di-kilala, anupat nangangakong babayaran ang utang ng taong iyon sakaling hindi ito makabayad. (Kaw 6:1-5; 11:15; 22:26, 27) Kaya naman binabanggit ng Kawikaan 20:16 na ‘kukunin ang kasuutan’ ng isa na nananagot para sa taong di-kilala. Ibang-iba ito sa pagkamadamayin at konsiderasyon na dapat ipakita sa taong dukha na napilitan lamang na mangutang dahil sa kagipitan. Ang isa na nanagot para sa taong di-kilala ay hindi lamang mapapasakagipitan kundi isa rin siyang hangal; maliwanag, sinasabi ng kawikaang iyon na ‘hayaang pagdusahan niya ang resulta ng kaniyang ginawa.’ Sa huling bahagi ng talatang iyon, iniuutos ang ‘pag-agaw ng isang panagot’ “may kaugnayan sa babaing banyaga.” Ang lalaking nakikipagrelasyon sa gayong babae ay maaaring maghikahos (ihambing ang Kaw 5:3, 8-10), at dahil dito ay baka kailanganin niyang ipanagot ang kaniyang natitirang pag-aari bilang paniguro sa mga utang niya. Lumilitaw na ang ibig sabihin ng kawikaang iyon ay na hindi siya dapat kaawaan, yamang kumilos siya nang salungat sa lahat ng matalinong payo dahil sa pakikipag-ugnayan niya sa “babaing banyaga.”