Panahon ng Kawakasan
Isang pananalita na lumitaw nang anim na ulit sa aklat ng Daniel. Tumutukoy ito sa isang yugto ng panahon na nagsisilbing palatandaan ng katapusan ng isang sistema ng mga bagay at magtatapos sa pagkawasak niyaon. Patiunang ipinabatid sa propetang si Daniel ang mga bagay na mangyayari sa malayong hinaharap. Pagkatapos ay sinabihan siya: “At kung tungkol sa iyo, O Daniel, ilihim mo ang mga salita at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang magpaparoo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay sasagana.”—Dan 12:4.
Hinggil sa tekstong ito, ganito ang sinabi ng komentaristang si Thomas Scott noong unang kalahatian ng ika-19 na siglo: “Bilang konklusyon, ipinahiwatig ng anghel kay Daniel na ang hulang ito ay mananatiling hiwaga at gaya ng ‘isang natatakang aklat’ na hindi gaanong mauunawaan, ‘hanggang sa panahon ng kawakasan’ . . . Ganito nga ang ipinakikita ng katibayan: laging may nasusumpungang mahihirap na bahagi sa maraming hula ni Daniel, at ang mga ito ay ‘gaya ng mga salitang nakakubli’ maging sa mga mananampalataya sa pangkalahatan. . . . Sa huling mga panahong ito, marami ang nagpakahirap na magsaliksik sa kasaysayan upang ipakita ang mga bahagi ng mga hulang ito na natupad na; at inihambing nila ang mga ito sa ibang mga kasulatan upang makabuo ng palagay kung alin ang matutupad pa lamang sa hinaharap: at sa gayo’y nagiging mas malinaw ang mga ito. Habang ang mga ito’y unti-unting natutupad, lalo pang mauunawaan ang mga ito: at higit na mapahahanga at matututo sa mga ito ang mga salinlahi sa hinaharap kaysa sa atin.” (Explanatory Notes ni Scott, 1832) Ang kawalan ng unawa sa mga hula ni Daniel noong maagang bahagi ng ika-19 na siglo ay nagpapahiwatig na ang inihulang “panahon ng kawakasan” ay sa hinaharap pa. Ito’y dahil ang hula ay sa “panahon ng kawakasan” pa mauunawaan ng mga “may kaunawaan,” samakatuwid nga, ng mga tunay na lingkod ng Diyos.—Dan 12:9, 10.
Ginamit din ang pananalitang “panahon ng kawakasan” may kaugnayan sa mga pangyayari sa pamamahala ng tao. Ganito ang mababasa sa Daniel 11:40: “Sa panahon ng kawakasan ang hari ng timog ay makikipagtulakan sa [hari ng hilaga], at laban sa kaniya ang hari ng hilaga ay dadaluhong na may mga karo at mga mangangabayo at maraming barko.” Pagkatapos nito, tinalakay ng hula ang mga ikikilos ng “hari ng hilaga” at binanggit nito na darating siya sa kaniyang kawakasan. (Dan 11:41-45) Kaya maliwanag na “ang panahon ng kawakasan” na tinukoy rito ay isang yugto na magtatapos sa pagkapuksa ng “hari ng hilaga.” Pinatototohanan ito ng naunang mga talata na nagsasabing inuusig ng “hari ng hilaga” ang mga lingkod ng Diyos, yaong mga “may kaunawaan,” hanggang sa “panahon ng kawakasan,” samakatuwid nga, hanggang sa panahon ng kaniyang kawakasan.—Dan 11:33-35.
Ang isa pang pangyayari na iniuugnay sa “panahon ng kawakasan” ay ang pagtayo ng “isang hari na mabangis ang mukha” na sasalansang sa “Prinsipe ng mga prinsipe” at sa dakong huli ay mawawasak o mapupuksa. Ang ‘haring’ ito ay tatayo sa huling bahagi ng mga kaharian na manggagaling sa apat na bahaging magmumula sa Imperyo ng Gresya. (Dan 8:8-25) Yamang doon din nagmula ang “hari ng hilaga” at ang “hari ng timog,” makatuwiran lamang na ang “hari na mabangis ang mukha” ay kumakatawan sa isa sa mga ‘haring’ ito sa kaniyang “panahon ng kawakasan.”
Ang pananalitang “panahon ng kawakasan” ay hindi nangangahulugang ‘pagwawakas ng panahon’ kundi tumutukoy sa isang yugto ng panahon na magtatapos sa kawakasan o pagkapuksa, hindi ng lahat ng bagay, kundi ng mga bagay na binanggit sa hula. Ipinakikita ng Kasulatan na hindi ang mismong panahon ang magwawakas. Halimbawa, sinabi Aw 104:5) Yamang patuloy na iiral ang lupa, makatuwiran lamang na ang panahon, bilang isang makalupang “dimensiyon” o panukat, ay hindi rin maglalaho. Bagaman ang Apocalipsis 10:6 ay maaaring isalin bilang “mawawala na ang panahon,” ipinakikita ng konteksto na ito’y nangangahulugang wala nang panahong ipagkakaloob. Sa gayo’y magtatapos ang isang espesipiko o itinakdang yugto ng panahon. (KJ) Kaya naman ganito ang mababasa sa ibang mga salin: “Hindi na magluluwat ang panahon.” (AS-Tg) “Hindi na maaaring ipagpaliban pa!” (NPV) “Hindi na magluluwat pa.” (NW) Bilang komento sa tekstong ito, sinabi ni A. T. Robertson: “Hindi ito nangangahulugan na ang chronos (panahon) . . . ay hindi na iiral, kundi nangangahulugan lamang na hindi na magluluwat pa ang katuparan ng ikapitong trumpeta (talata 7), bilang sagot sa tanong na, ‘Hanggang kailan?’ (6:10).”—Word Pictures in the New Testament, 1933, Tomo VI, p. 372.
ng salmista tungkol sa lupa: “Hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (