Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panakip na Pampalubag-loob

Panakip na Pampalubag-loob

Takip ng kaban ng tipan; sa harap nito iwiniwisik ng mataas na saserdote ang dugo ng mga handog ukol sa kasalanan kapag Araw ng Pagbabayad-Sala.

Isinalin ng mga bersiyon ng Bibliya ang terminong Hebreo na kap·poʹreth bilang “luklukan ng awa” (KJ, RS, Yg), “pampalubag-loob” (AT, Dy), “takip” (Le), “takip ng kaban” (JP), o “takip,” “panakip na pampalubag-loob” (NW). Ang terminong Hebreong ito ay nagmula sa isang pandiwang salitang-ugat na nangangahulugang “takpan,” o “takpan (ang kasalanan).”

Gaya ng itinagubilin ni Jehova kay Moises, ang bihasang manggagawa na si Bezalel ay gumawa ng isang takip na dalisay na ginto para sa sagradong kaban o kaban ng tipan, na 2.5 siko (111 sentimetro; 44 na pulgada) ang haba at 1.5 siko (67 sentimetro; 26 na pulgada) ang lapad. Sa ibabaw nito ay may dalawang ginintuang kerubin, isa sa magkabilang dulo ng takip, anupat nakaunat nang paitaas ang kanilang mga pakpak at nilililiman ng mga ito ang takip. Ang mga mukha ng mga kerubin ay nakaharap sa takip. Ang Kaban ay inilagay sa Kabanal-banalang silid ng tabernakulo.​—Exo 25:17-21; 37:1, 6-9.

Kapag Araw ng Pagbabayad-Sala (yohm hak·kip·pu·rimʹ, nangangahulugang “araw ng mga pagtatakip o mga pagpapalubag-loob” [Lev 23:27, 28]), ang mataas na saserdote ay pumapasok sa Kabanal-banalan at nagwiwisik ng dugo ng toro sa harap ng takip (sa tapat, o dakong silangan nito) at ganito rin ang ginagawa niya sa dugo ng kambing. (Lev 16:14, 15) Kaya naman ang gintong takip ng Kaban ay gumanap ng pantanging papel sa makasagisag na pagpapalubag-loob (pagtatakip) ng mga kasalanan.

Kapag nais ng Diyos na makipagtalastasan kay Moises o sa mataas na saserdote, nagsasalita siya mula sa pagitan ng mga kerubin na nasa ibabaw ng panakip na pampalubag-loob. (Exo 25:22; Bil 7:89; ihambing ang Lev 10:8-10; Bil 27:18-21.) Sinabi ni Jehova na sa isang ulap ay magpapakita siya sa ibabaw ng takip ng Kaban. Lumilitaw na ang ulap na ito ay nagniningning, anupat pinagliliwanag nito ang Kabanal-banalang silid.​—Lev 16:2; ihambing ang Aw 80:1.

Sa 1 Cronica 28:11, ang Kabanal-banalan, na siyang kaloob-loobang silid ng templo, ay tinutukoy bilang ang “bahay ng kap·poʹreth.” Sa tekstong ito, maliwanag na ang salitang Hebreo ay hindi basta tumutukoy sa isang takip para sa isang kaban, kundi sa halip ay ginamit ito may kinalaman sa pantanging papel ng takip sa pagpapalubag-loob ng mga kasalanan. Kaya naman ang pananalitang ito ay isinalin bilang “ang bahay ng pagbabayad-sala” (Yg), “ang bahay ng pagpapalubag-loob” (AT), ang “bahay ng panakip na pampalubag-loob” (NW).

Makasagisag. Sa Hebreo 9:5, ang salitang Griego na hi·la·steʹri·on, “pampalubag-loob,” ay ginamit para sa takip ng Kaban. Sa parisan, ang presensiya ng Diyos ay inilalarawang nasa pagitan ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng panakip na pampalubag-loob. (Lev 16:2; Exo 25:22) Itinawag-pansin ng kinasihang manunulat ng aklat ng Hebreo na ang mga bagay na ito ay makasagisag. Kung paanong ang mataas na saserdote, kapag Araw ng Pagbabayad-Sala, ay pumapasok sa Kabanal-banalan taglay ang haing dugo, dinala rin ni Kristo ang halaga ng kaniyang hain, hindi sa harap ng isang literal na panakip na pampalubag-loob, kundi sa harap ng mismong presensiya ng Diyos na Jehova sa langit.​—Lev 16:15; Heb 9:11-14, 24-28.