Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panambitan

Panambitan

Isang komposisyon, tula man o awit, na nagpapahayag ng matinding lumbay, gaya ng pamimighati dahil sa pagkamatay ng isang kaibigan o ng isang minamahal; isang elehiya. Kadalasan, sa Bagong Sanlibutang Salin, ang “panambitan” ay mula sa salitang Hebreo na qi·nahʹ, na tumutukoy sa isang malungkot na komposisyon, isang elehiya, o panaghoy.

Ang terminong Hebreo na shig·ga·yohnʹ sa superskripsiyon ng Awit 7 ay isinalin din bilang “panambitan” at maaaring tumutukoy sa isang napakamadamdaming awit na mabilis na nagbabago ng ritmo. (Tlb sa Rbi8) Isang anyong pangmaramihan ng salitang Hebreong ito ang lumilitaw sa Habakuk 3:1, kung saan isinalin ito bilang “mga panambitan.” Dahil sa katangian ng mga panambitan, iniuugnay ang mga ito sa pagdaing at paghagulhol (Eze 2:10), at ang ilan ay naisulat at naingatan. Iniuulat ng 2 Cronica 35:25 na nanambitan si Jeremias dahil sa pagkamatay ni Haring Josias at ipinahihiwatig nito na may isang koleksiyon noon ng mga panambitan (sa Heb., qi·nohthʹ), sapagkat sinasabi roon: “Ang lahat ng mga lalaking mang-aawit at mga babaing mang-aawit ay patuloy na nagsasalita tungkol kay Josias sa kanilang mga panambitan hanggang sa ngayon; at inilagay nila ang mga iyon bilang isang tuntunin sa Israel, at doon nakasulat ang mga iyon sa mga panambitan.”

Ang mga panambitan ay iniuugnay sa pagdadalamhati, gaya noong sabihin ni Jehova sa di-tapat na Israel: “Gagawin kong pagdadalamhati ang inyong mga kapistahan at panambitan ang lahat ng inyong mga awit.” (Am 8:10) Kaya naman noon, ang pananambitan ay nangangahulugan ng pag-awit ng isang elehiya, o malungkot na komposisyon, marahil ay tungkol sa pagtatakwil ni Jehova o sa pagbabago ng kaayaayang mga kalagayan tungo sa isang malungkot na situwasyon. (Jer 7:29; Eze 19:1-14) Ang mga panambitan ay kinakanta, kadalasa’y ng mga babae.​—Eze 27:32; Jer 9:20.

Ang ilang panambitan ay naglalahad ng kasaysayan, na kinatha pagkatapos ng isang pangyayari, gaya ng pagkamatay ng isang minamahal na kaibigan. Ang isang halimbawa nito ay ang panambitan ni David para kina Saul at Jonatan, na parehong namatay sa Bundok Gilboa noong makipagdigma sila sa mga Filisteo. (2Sa 1:17-27; 1Sa 31:8) Nanambitan din si Haring David para kay Abner pagkalibing nito. (2Sa 3:31-34) Bagaman maaaring kinatha ang mga panambitan hinggil sa pagkamatay ng isang tao upang magbigay ng kaaliwan sa mga naiwan, para sa tapat na mga lingkod ng Diyos ay hindi layunin ng mga ito na dakilain ang namatay.​—Ec 9:5, 10.

Ang aklat ng Mga Panaghoy ay isang panambitan na isinulat ni Jeremias pagkatapos na wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Bagaman nagpapahayag ito ng pamimighati dahil sa pagkatiwangwang ng lunsod, nagpapabanaag din ito ng pananampalataya at pag-asa kay Jehova; at ang pambungad ng ikalimang kabanata ay namamanhik sa Diyos na alalahanin ang kaniyang bayan na naging “hamak na mga ulila na walang ama.”​—Pan 3:22-27; 5:1-3; tingnan ang PANAGHOY, AKLAT NG MGA.

Ang ilang panambitang naitala sa Bibliya ay makahula at malinaw na naglalarawan sa dumarating na kapahamakan, anupat kung minsan ay para bang natupad na ito. May makahulang mga panambitan na inihiyaw laban sa Tiro at sa hari nito (Eze 26:17; 27:1, 2; 28:11-19), at laban din kay Paraon at sa Ehipto. (Eze 32:2-16) May binanggit ding paghiyaw ng panambitan para sa Juda at Jerusalem may kaugnayan sa pagkatiwangwang ng mga ito.​—Jer 9:9-11.