Pananahi
Pagdurugtung-dugtong sa pamamagitan ng isang uri ng tahi. Mula pa noong sinaunang panahon, ang pananahi, pati ang pagbuburda, ay gumanap na ng mahalagang papel sa mga gawain ng mga tao. (Exo 26:1; 35:35; Job 16:15; Ec 3:7; Eze 13:18) Ang unang lalaki at babae, sina Adan at Eva, ay “nagtahi ng mga dahon ng igos at gumawa ng kanilang mga panakip sa balakang.” (Gen 3:7) Maaaring nangangahulugan lamang ito na pinagdugtung-dugtong nila ang malalaking dahon ng igos sa pamamagitan ng maliliit na sanga ng puno ng igos.
Noong ipinaliliwanag niya kung bakit hindi nag-aayuno ang kaniyang mga alagad gaya ng mga Pariseo at ng mga alagad ni Juan, itinawag-pansin ni Jesu-Kristo na ang pagtatahi ng isang piraso ng di-napaurong na tela sa isang lumang kasuutan ay magpapalala sa punit niyaon. (Mar 2:18, 21) Kapag nilabhan iyon, uurong ang panagpi at, kasabay ng pag-urong, hahatakin nito ang lumang kasuutan, anupat mapupunit iyon. Dapat sana’y nakatulong ang ilustrasyong ito sa mga nakikinig sa mga salita ni Jesus upang maunawaan nila na panahon na para sila’y maging mga tagasunod niya at na mali na pilitin nila ang mga alagad ni Jesus na sumunod sa kanilang mga kaugalian. Bago pa nito, ipinaliwanag mismo ni Juan na ang kaniyang gawain ay isang paghahanda para sa pagdating ni Kristo at samakatuwid ay pansamantala lamang.—Ju 3:27-30.