Panata
Isang taimtim na pangako sa Diyos para magsagawa ng isang pagkilos, magbigay ng isang handog o kaloob, pumasok sa isang uri ng paglilingkod o kalagayan, o umiwas sa ilang bagay na hindi naman ipinagbabawal. Ang panata ay isang kusang-loob na kapahayagang ginagawa nang bukal sa kalooban. Yamang isa itong taimtim na pangako, ang panata ay kasimbigat ng isang sumpa, at kung minsan ay magkasamang binabanggit sa Bibliya ang dalawang salitang ito. (Bil 30:2; Mat 5:33) Ang “panata” ay isang kapahayagan ng intensiyon, samantalang ang “sumpa” ay isang panawagan sa isang nakatataas na awtoridad upang patunayan na totoo ang sinabi ng nanata o na inuubliga niya ang kaniyang sarili na tuparin iyon. Kadalasan ay gumagawa ng mga sumpa kapag nagtitibay ng tipan.—Gen 26:28; 31:44, 53.
Ang unang naiulat na panata ay nasa Genesis 28:20-22, kung saan nangako si Jacob na ibibigay niya kay Jehova ang ikasampu ng lahat ng kaniyang pag-aari kung patuloy na sasakaniya si Jehova at pababalikin Niya siya nang payapa, anupat pinatutunayang Siya’y Diyos ni Jacob. Hindi naman nakikipagtawaran si Jacob sa Diyos, kundi nais lamang niyang matiyak na nasa kaniya ang pagsang-ayon ng Diyos. Gaya ng ipinakikita ng halimbawang ito, ang mga patriyarka ay nanata (tingnan din ang Job 22:27), at tulad ng iba pa nilang mga kaugalian, ang dati nang umiiral na mga bahaging ito ng pagsamba ay hindi nagsimula sa Kautusang Mosaiko kundi binigyang-linaw lamang nito at ginawan ng mga batas.
Marami sa mga panata ay mga pakiusap sa Diyos upang magkamit ng kaniyang pabor at ng tagumpay sa isang gawain, gaya ng ginawa ni Jacob. Ang isa pang halimbawa nito ay ang panata ng Israel na italaga sa pagkapuksa ang mga lunsod ng Canaanitang hari ng Arad kung bibigyan ni Jehova ng tagumpay ang Israel. (Bil 21:1-3) May mga panata ring nagpapahayag ng debosyon kay Jehova at sa kaniyang dalisay na pagsamba (Aw 132:1-5), o nagpapakita na itinatalaga ng isang tao ang kaniyang sarili o ang kaniyang mga pag-aari para sa pantanging paglilingkod. (Bil 6:2-7) Ang mga magulang ay maaaring gumawa ng panata may kaugnayan sa kanilang mga anak, gaya ng ginawa ni Hana kay Samuel. (1Sa 1:11; ihambing ang Huk 11:30, 31, 39.) Sa mga kasong ito, nakipagtulungan ang mga anak upang matupad ang panata.
Kusang-Loob, Ngunit Dapat Tuparin Kapag Naipangako. Ang mga panata ay ginagawa nang kusang-loob. Gayunman, kapag nanata na ang isang tao, kailangan niya itong tuparin alinsunod sa kautusan ng Diyos. Kaya nga ang panata ay sinasabing ‘nakatalaga sa kaniyang kaluluwa,’ na nagpapahiwatig na ang kaniyang buhay ay nagiging panagot sa pagtupad niya ng kaniyang salita. (Bil 30:2; tingnan din ang Ro 1:31, 32.) Yamang buhay ang nakataya, mauunawaan natin kung bakit hinihimok ng Kasulatan ang isa na magpakaingat at isasaalang-alang ang mga obligasyong kaakibat bago gumawa ng panata. Sinasabi ng Kautusan: “Kung mananata ka ng isang panata kay Jehova . . . walang pagsalang sisingilin iyon sa iyo ni Jehova na iyong Diyos, at iyon nga ay magiging kasalanan sa ganang iyo. Ngunit kung liliban ka sa pananata, hindi iyon magiging kasalanan sa ganang iyo.”—Deu 23:21, 22.
Gaya ng ipinahayag ng Tagapagtipon nang maglaon: “Ang ipinanata mo ay tuparin mo. Mas mabuting hindi ka manata kaysa sa ikaw ay manata at hindi tumupad. Huwag mong pahintulutang pagkasalahin ng iyong bibig ang iyong laman, ni sabihin mo man sa harap ng anghel na iyon ay isang pagkakamali.” (Ec 5:4-6) Maaaring maging silo ang isang panata na ginawa nang padalus-dalos dahil sa bugso ng kasabikan o emosyon. (Kaw 20:25) Sa ilalim ng Kautusan, ang isa na nanata nang di-pinag-iisipan ay nagkakasala sa harap ng Diyos at kailangang maghandog ng isang handog ukol sa pagkakasala. (Lev 5:4-6) Sabihin pa, walang halaga sa paningin ng Diyos ang panata malibang kasuwato ito ng kaniyang matuwid na mga kautusan at nagmula sa tamang kalagayan ng puso at espiritu.—Aw 51:16, 17.
Mga panata ng mga babae sa ilalim ng Kautusan. Nasa Bilang 30:3-15 ang mga kautusan para sa mga panata ng mga babae: May bisa ang panata ng anak na babae kung narinig ito ng kaniyang ama at hindi niya ito tinutulan; o kaya naman, maaari itong pawalang-saysay ng kaniyang ama. Gayundin, ang bisa ng panata ng asawang babae (o ng babaing ipinakipagtipan) ay nakadepende sa pagsang-ayon ng kaniyang asawa (o katipan). Kung pawalang-saysay ng lalaki ang panata pagkatapos niya itong sang-ayunan, tataglayin niya ang kamalian ng babae. (Bil 30:14, 15) Kung tungkol sa babaing balo o sa babaing diniborsiyo, “ang lahat ng bagay na itinalaga niya sa kaniyang kaluluwa ay magkakabisa laban sa kaniya.”—Bil 30:9.
Kaayusan Hinggil sa mga Bagay na Ipinanata. Bilang pagtupad sa isang panata, maaaring ihandog kay Jehova ang sinumang tao o anumang pag-aari, kasama na ang lupain, maliban sa mga bagay na dati nang itinalaga ng Kautusan para kay Jehova—ang panganay, mga unang bunga, mga ikapu, at mga katulad nito. (Lev 27:26, 30, 32) Yaong mga ipinanata bilang “pinabanal” (sa Heb., qoʹdhesh, isang bagay na ibinukod bilang banal, para sa sagradong gamit), ay maaaring tubusin (maliban sa malilinis na hayop) sa pamamagitan ng pagbabayad ng espesipikong halaga sa santuwaryo. (Lev 27:9-27) Gayunman, hindi maaaring tubusin ang anumang ‘nakatalaga’ (sa Heb., cheʹrem), kundi iyon ay magiging ganap at permanenteng pag-aari ng santuwaryo o, kung itinalaga iyon sa pagkapuksa, pupuksain iyon nang walang pagsala.—Lev 27:28, 29.
Mali o Maruming mga Panata. Kadalasa’y sangkot ang marumi at imoral na mga gawain sa mga panata ng mga paganong relihiyon. Sa Fenicia, Sirya, at Babilonya, iniaalay sa idolo o sa templo ang mga kinikita sa pagpapatutot sa templo. Ipinagbawal sa Israel ang gayong tiwaling mga panata: “Huwag mong dadalhin ang upa sa isang patutot o ang bayad sa isang aso [malamang, isang pederast (sodomite)] sa bahay ni Jehova na iyong Diyos para sa anumang panata.”—Deu 23:18, tlb sa Rbi8.
Pagkawasak ng Jerusalem, ipinaalaala ni Jeremias sa mga Judiong nasa Ehipto na isang dahilan kung bakit sumapit sa kanila ang kapahamakan ay dahil gumawa sila ng mga panata at naghandog sa “reyna ng langit.” Nangatuwiran naman ang mga babaing nangunguna sa gayong pagsamba sa idolo na ang kanilang mga panata at pagsamba sa “reyna ng langit” ay sinang-ayunan ng kanilang mga asawang lalaki at na determinado silang tuparin ang kanilang mga panata sa diyosang ito. Sa gayo’y idinahilan nila na sinusunod lamang nila ang Kautusan may kaugnayan sa mga panata ng mga babae (Bil 30:10-15). Gayunpaman, tinuligsa ni Jeremias ang kanilang mga ginawa sapagkat sa totoo ay nilalabag nila ang Kautusan dahil sa kanilang idolatriya.—Jer 44:19, 23-25; 2Co 6:16-18.
Paimbabaw na mga panata. Matapos ang pagkatapon, hindi naman agad bumalik sa tuwirang pagsamba sa idolo ang mga Judio. Gayunman, ‘pinawalang-bisa nila ang salita ng Diyos dahil sa kanilang tradisyon.’ Ang kanilang maling pagpapakahulugan sa Kautusan ay nakaapekto sa kanilang paggawa ng mga panata at sa iba pang bahagi ng kanilang pagsamba, anupat ang relihiyosong mga lider nila ay paimbabaw na nagturo ng “mga utos ng mga tao bilang mga doktrina.” (Mat 15:6-9) Halimbawa, ayon sa tradisyong Judio, kapag sinabi ng isang tao sa kaniyang ama o ina, “Anumang mayroon ako na pakikinabangan mo sa akin ay isang kaloob na inialay sa Diyos” (isang kapahayagan ng pag-aalay o pagpapabanal), siya’y nananata na pababanalin niya sa Diyos ang lahat ng binanggit niya kung kaya hindi niya maaaring gamitin ang mga bagay na iyon upang tulungan ang kaniyang mga magulang. Sa gayo’y idinadahilan niya na ang templo na ang may pangunahing karapatan sa mga pag-aaring iyon, bagaman sa totoo ay malayang-malaya pa rin siyang gamitin ang mga iyon para sa kaniyang sarili.—Mat 15:5, 6.
Mga Haing Nauugnay sa mga Panata. Sa ilalim ng Kautusan, kung minsan ang ibang mga hain ay may kasamang isang handog na sinusunog, upang magpahiwatig ng lubos na pag-aalay at ng paghiling kay Jehova na malugod na tanggapin ang hain. (Lev 8:14, 18; 16:3) Ginagawa rin ito may kaugnayan sa mga panata. (Bil 6:14) Naghahain din ng mga handog na sinusunog sa pagganap ng pantanging mga panata. (Bil 15:3; Aw 66:13) At may kinalaman sa “haing pansalu-salo para kay Jehova upang tumupad sa isang panata,” kahilingan ang paghahandog ng isang walang-kapintasang hayop na ang ilang bahagi ay susunugin sa altar.—Lev 22:21, 22; 3:1-5.
Hinggil sa panata ni Jepte bago siya nakipaglaban sa mga Ammonita (Huk 11:29-31), tingnan ang JEPTE.
Ang Pagtupad ni Pablo sa Kautusan May Kinalaman sa mga Panata. Gumawa ng isang panata ang apostol na si Pablo ngunit hindi matiyak kung ito’y isang panata ng pagka-Nazareo o hindi. Hindi rin sinabi kung ginawa niya ang panata bago siya naging Kristiyano. Maaaring natapos niya ang yugto ng kaniyang panata sa Cencrea, malapit sa Corinto, nang ipagupit niya ang kaniyang buhok (Gaw 18:18) o, gaya ng ipinapalagay ng ilan, nang pumaroon siya sa templo sa Jerusalem kasama ng apat na lalaking papatapos na sa kanilang mga panata. Gayunman, pumunta si Pablo sa templo dahil sa payo ng Kristiyanong lupong tagapamahala upang maipakita na si Pablo ay lumalakad nang maayos at hindi nagtuturo ng pagsuway sa Kautusan, gaya ng usap-usapan sa gitna ng ilang Judiong Kristiyano. Karaniwang kaugalian noon ang pagbabayad ng gastusin ng ibang tao sa kanilang seremonyal na paglilinis kapag natapos na ang yugto ng kanilang panata, gaya ng ginawa ni Pablo.—Gaw 21:20-24.
Yamang inalis na ng hain ni Jesu-Kristo ang Kautusan, narito ang ilang posibleng dahilan kung bakit ang apostol na si Pablo at ang mga kasamahan niya sa Kristiyanong lupong tagapamahala ay sumang-ayon na tuparin ang ilang bahagi ng Kautusan: Ang Kautusan ay ibinigay ng Diyos na Jehova sa kaniyang bayang Israel. Kaya naman sinabi ng apostol na si Pablo, “Ang Kautusan ay espirituwal,” at sinabi niya tungkol sa mga tuntunin nito, “Ang Kautusan ay banal, at ang utos ay banal at matuwid at mabuti.” (Ro 7:12, 14) Dahil dito, hindi naman hinahamak ng mga Kristiyano ni itinuturing man nilang mali ang templo at ang mga paglilingkod na isinasagawa roon. Ang mga iyon ay hindi idolatroso. Karagdagan pa, marami sa mga gawaing iyon ay matagal nang kaugalian ng mga Judio. Bukod diyan, yamang ang Kautusan ay hindi lamang may kaugnayan sa relihiyon kundi ito rin ang batas ng lupain, may mga bagay, gaya ng pagbabawal na magtrabaho kapag Sabbath, na kailangang sundin ng lahat ng nakatira sa lupain.
Gayunpaman, ang pangunahing punto rito ay na hindi umasa ang mga Kristiyano sa mga bagay na ito ukol sa kanilang kaligtasan. Ipinaliwanag ng apostol na ang ilang bagay, gaya ng pagkain ng karne o mga gulay, ang pangingilin ng ilang araw bilang nakahihigit sa iba, maging ang pagkain ng karneng naihandog sa mga idolo bago ito nabili sa pamilihan bilang paninda, ay nakadepende sa budhi. Sumulat siya: “Hinahatulan ng isang tao ang isang araw bilang nakahihigit sa iba; hinahatulan ng isa pang tao ang isang araw bilang gaya ng lahat ng iba pa; ang bawat tao ay maging lubusang kumbinsido sa kaniyang sariling pag-iisip. Siya na nangingilin ng araw ay nangingilin nito para kay Jehova. Gayundin, siya na kumakain ay kumakain para kay Jehova, sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos; at siya na hindi kumakain ay hindi kumakain para kay Jehova, at gayunma’y nagpapasalamat sa Diyos.” Binuod niya ang kaniyang argumento sa paglalahad ng simulaing ito: “Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi nangangahulugan ng pagkain at pag-inom, kundi nangangahulugan ng katuwiran at kapayapaan at kagalakan na may banal na espiritu,” at nagtapos siya: “Maligaya ang tao na hindi naglalagay ng kaniyang sarili sa kahatulan dahil sa kaniyang mga sinasang-ayunan. Ngunit kung mayroon siyang mga pag-aalinlangan, siya ay Ro 14:5, 6, 17, 22, 23; 1Co 10:25-30.
nahatulan na kung kakain siya, sapagkat hindi siya kumakain dahil sa pananampalataya. Tunay nga, ang lahat ng bagay na hindi dahil sa pananampalataya ay kasalanan.”—Makatutulong ang komento ng iskolar ng Bibliya na si Albert Barnes sa kaniyang Notes, Explanatory and Practical, on the Acts of the Apostles (1858) sa bagay na ito. Hinggil sa Gawa 21:20, na kababasahan: “Pagkarinig nito [ng isang ulat na pinagpapala ng Diyos ang ministeryo ni Pablo sa mga bansa] ay pinasimulan nilang luwalhatiin ang Diyos, at sinabi nila sa kaniya: ‘Nakikita mo, kapatid, kung ilang libong mananampalataya ang nasa gitna ng mga Judio; at silang lahat ay masigasig sa Kautusan,’” ganito ang komento ni Barnes: “Ang tinutukoy rito ay ang kautusan tungkol sa pagtutuli, mga hain, pagkain ng mga karne at pangingilin ng mga araw, mga kapistahan, at iba pa. Waring kataka-taka na tinutupad pa rin nila ang mga ritwal na iyon, yamang malinaw na pinawi na ng Kristiyanismo ang mga iyon. Ngunit dapat nating tandaan, (1.) Na itinakda ng Diyos ang mga ritwal na iyon, at na sinanay sila na tuparin ang mga iyon. (2.) Na sinunod ng mga apostol ang mga iyon habang sila’y nasa Jerusalem, at minabuti nila na huwag tahasang salansangin ang mga iyon. [Gaw 3:1; Luc 24:53] (3.) Na hindi kailanman pinagtalunan sa Jerusalem ang usapin hinggil sa pagtupad sa mga iyon. Bumangon ang usapin tanging sa gitna ng mga Gentil na nakumberte, kung saan ito talagang babangon, sapagkat kung ang mga iyon ay kailangang tuparin, tiyak na ipapataw iyon sa kanila ng mga awtoridad. (4.) Ang pasiya ng sanggunian (kab. xv.) ay kapit lamang sa mga Gentil na nakumberte. [Gaw 15:23] . . . (5.) Maaasahan na habang higit na nauunawaan ang relihiyong Kristiyano—at habang lalo itong lumalawak, nagiging malaya, at [pangkalahatan], ang kakaibang mga kaugalian mula kay Moises ay tiyak na isasaisantabi nang di-pinagtatalunan at walang kaguluhan. Kung ang usapin ay pinagtalunan [nang hayagan] sa Jerusalem, tiyak na lalo pang darami ang pagsalansang sa Kristiyanismo, at mahahati ang iglesyang Kristiyano sa mga paksiyon, at lubhang mapipigilan ang pagsulong ng doktrinang Kristiyano. Dapat din nating tandaan, (6.) Na sa kaayusang inilaan ng Diyos, malapit na ang panahon kung kailan wawasakin ang templo, ang lunsod, at ang bansa; na papawi sa mga hain, at lubusang tatapos magpakailanman sa pagtupad sa mga ritwal na Mosaiko. Yamang napakalapit na noon ng pagkawasak na iyon, at yamang ito’y epektibong argumento upang huwag nang tuparin ang mga ritwal na Mosaiko, hindi na ipinahintulot ng Dakilang Ulo ng iglesya na pagtalunan pa ng mga alagad sa Jerusalem ang usapin hinggil sa pagtupad sa mga iyon.”