Pandaraya
[sa Ingles, fraud].
Ang sinasadyang paggamit ng panlilinlang o pagbaluktot sa katotohanan sa layuning udyukan ang isang tao na ibigay ang kaniyang mahalagang pag-aari o isuko ang isang legal na karapatan. Ang terminong Hebreo na isinasalin bilang ‘dayain’ (ʽa·shaqʹ; Lev 6:2) ay may saligang diwa na maling paggamit ng lakas, kapangyarihan, o awtoridad sa ibang tao. Kaya naman, isinasalin din ito bilang ‘siilin.’ (Ec 4:1; Isa 52:4) Ang pandiwang Griego na a·po·ste·reʹo naman ay nangangahulugang “pagkaitan; dayain.” (1Co 7:5; Mar 10:19) Ang pangngalang Griego na doʹlos (“pandaraya”; Gaw 13:10) ay isinasalin din bilang “panlilinlang.”—Mar 7:22.
Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ang pandaraya ay karaniwang iniuugnay sa mga ugnayang pangnegosyo. Ipinagbabawal ng kautusan ng Diyos ang di-tapat na mga transaksiyon sa negosyo. Ang mga Israelita ay dapat na maging matapat sa isa’t isa. Espesipikong ipinagsanggalang ng Kautusan ang upahang trabahador. (Lev 19:13; Deu 24:14; ihambing ang San 5:4.) Inihanay ni Jesu-Kristo sa “mga utos” ng Diyos ang pagbabawal sa pandaraya. (Mar 10:19) Sa ilalim ng tipang Kautusan, kung dinaya ng isang tao ang kaniyang kasamahan at nang maglaon ay nagsisi siya at inihayag niya ito, anupat nagtapat siya, kailangan niyang isauli sa taong napinsala ang buong halaga at isang kalima niyaon, at maghahandog din siya kay Jehova ng handog ukol sa pagkakasala.—Lev 6:1-7.
Sa Kasulatan, itinuturing ding pandaraya ang huwad na mga anyo ng relihiyon. Ang matinding pagtuligsa ni Pablo kay Elimas na manggagaway ay humantong sa pagkabulag ni Elimas dahil sa pandaraya at kabuktutang ginagawa niya noon sa pamamagitan ng “pagpilipit sa matuwid na mga daan ni Jehova.” (Gaw 13:8-11) Itinuwid din ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto dahil dinadala nila ang isa’t isa sa hukuman, anupat sinabi niya na ginagawan nila ng mali at dinadaya ang kanilang mga kapatid kapag nagtutungo sila sa hukuman sa harap ng mga taong di-matuwid at hindi sa harap ng mga banal sa kongregasyon. Dapat sana ay hayaan na lamang nilang madaya sila sa halip na dalhin nila ang gayong mga usapin sa harap ng mga tao sa sanlibutan.—1Co 6:1-8.
Malimit magbabala at manuligsa ang Bibliya laban sa pandaraya at mapandayang mga gawain, anupat itinatawag-pansin din nito na hahatulan ng Diyos ang mga mandaraya at ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa gayong mga tao.—Aw 62:10; 72:4; 103:6; Kaw 14:31; 22:16; 28:16; Mik 2:1, 2; Mal 3:5.