Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pandurusta, Kadustaan

Pandurusta, Kadustaan

[sa Ingles, reproach].

Paninirang-puri, pagpapahiya, o panlilibak, maaaring sa makatuwirang dahilan o hindi. Ito ang karaniwang salin ng pangngalang Griego na o·nei·di·smosʹ (at oʹnei·dos) at ng pangngalang Hebreo na cher·pahʹ.​—Ihambing ang Gen 30:23; Aw 69:9; Luc 1:25; Ro 15:3.

Sabihin pa, maaaring iba-iba ang sanhi ng kadustaan depende sa mga kalagayan. Noong panahon ng tipang Kautusan, ang pagiging di-tuli ng isang lalaking Israelita ay isang sanhi ng kadustaan. (Ihambing ang Huk 14:3.) Kaya naman, pagkatawid nila sa Jordan, nang matuli na ang lahat ng mga lalaking ipinanganak noong panahon ng paglalakbay sa ilang, sinabi ni Jehova: “Ngayon ay iginulong ko ang pandurusta ng Ehipto mula sa inyo.” (Jos 5:2-9) Yamang ipinahihiwatig ng katibayan na ang mga Ehipsiyo noon ay nagsasagawa ng pagtutuli, maaaring ang ibig sabihin nito ay na wala nang saligan ang mga Ehipsiyo para dustain ang Israel dahil sa di-tuli ang karamihan sa kalalakihan nito. (Jer 9:25, 26; tingnan ang PAGTUTULI.) Sa kabilang dako, ang pagtutuli ay isang “tanda ng tipan” sa pagitan ni Jehova at ng binhi ni Abraham. (Gen 17:9-11) Sa gayon, nang tuliin ang bagong salinlahi na nagsilaki sa ilang (yamang namatay na roon ang nakatatandang salinlahi), maaaring nagpapahiwatig ito ng muling pagpapatibay ng kanilang pakikipagtipan sa Diyos. Palibhasa’y nagwakas na ang 40 taon ng pagpapagala-gala, pinagpapakitaan na rin sila ng Diyos ng kaniyang lingap. Dinala niya sila sa Lupang Pangako at tutulungan niya silang sakupin iyon. Samakatuwid, napabulaanan ang anumang nakaraang pagtuya, o pandurusta, ng mga Ehipsiyo na bunga ng pag-aakala ng mga ito na hindi kayang dalhin ni Jehova ang Israel sa sarili nitong lupain. Samantala, ang mga Kristiyanong nasa ilalim ng bagong tipan, Judio man o Gentil, ay hindi dinudusta kung hindi sila tuli.​—Ro 2:25-29; 3:28-30; 4:9-12; 1Co 7:18, 19.

Sa mga babaing Hebreo, ang malaon na pagkawalang-asawa o pagkabalo (Isa 4:1; 54:4), gayundin ang pagkabaog (Gen 30:23; Luc 1:25), ay itinuturing na isang kadustaan. Walang alinlangang nakaapekto sa pangmalas na ito ang pangako ng Diyos hinggil sa binhi ni Abraham na magiging tulad ng “mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat.” (Gen 22:15-18; ihambing ang 24:59, 60.) Sa kabaligtaran, pinapurihan ng apostol na si Pablo ang pagkawalang-asawa kapuwa ng mga lalaki at mga babae kapag ang motibo ay upang makapaglingkod sa Diyos nang hindi nababahagi ang pansin. Hinggil naman sa babaing balo, sinabi niya na “siya ay mas maligaya kung mananatili siya sa kaniyang kalagayan, ayon sa aking opinyon.”​—1Co 7:25-28, 32-40; ihambing ang Mat 19:10-12.

Gayunman, ang mga paglabag na gaya ng idolatriya, pangangalunya, pagnanakaw, at iba pang uri ng imoralidad, ay mga namamalaging sanhi ng kadustaan, gaya rin ng lahat ng uri ng kawalang-katapatan sa Diyos.​—2Sa 13:13; Kaw 6:32, 33; Ro 1:18-32; 2:17-24.

Yaong mga naghahangad ng pagsang-ayon ng Diyos ay hindi maaaring manirang-puri sa iba. Hinggil sa isa na maaaring maging panauhin sa tolda ng Diyos, sinabi ng salmista: “Sa kaniyang kasamahan ay wala siyang ginagawang masama, at hindi siya nagsasalita ng pandurusta laban sa kaniyang matalik na kakilala,” samakatuwid nga, hindi siya nagkakalat ng impormasyon na makasisirang-puri sa kaniyang matalik na kakilala. (Aw 15:1, 3) Ang isa na nandaraya sa maralita o umaalipusta sa kaniya ay aktuwal na dumudusta sa Diyos (Kaw 14:31; 17:5), gaya rin niyaong mga nandurusta sa mga lingkod ng Diyos. (Aw 74:18-23) Sa bandang huli, ang gayong pandurusta ay hahantong sa kapahamakan para sa mga nagsasagawa niyaon.​—Zef 2:8-10.

Pinatatahimik ni Jehova ang Kadustaan ng Kaniyang Bayan. Kapag nagsasagawa ang mga Israelita ng huwad na pagsamba o ng di-matuwid na mga gawain, dinudusta nila ang Diyos na Jehova, sapagkat pinagtitingin nilang walang pagkakaiba ang pagsamba kay Jehova at ang pagsamba ng mga bansang nakapalibot sa kanila. (Isa 65:7) Dahil sa kanilang kawalang-katapatan, pinahintulutan ng Diyos na sila’y dumanas ng kapahamakan, anupat sila’y naging tampulan ng pandurusta sa gitna ng mga bansa. (Eze 5:14, 15) Palibhasa’y hindi kinilala ng ibang mga bansa na ang kahatulang ito ay mula sa Diyos, ipinalagay nila na ito’y dahil sa hindi niya kayang iligtas ang Israel, kaya naman nagdulot ito ng higit na kadustaan kay Jehova. Samakatuwid, nang isauli niya ang mga Israelita salig sa kanilang pagsisisi, nilinis ni Jehova ang gayong kadustaan mula sa kaniyang pangalan.​—Eze 36:15, 20, 21, 30-36.

Kapag bumabangon ang mga situwasyon na para bang pinabayaan na ng Diyos ang kaniyang bayan, iniisip ng iba na hindi niya sila pinoprotektahan o pinagpapala at dahil dito ay nagbubunton sila ng kadustaan sa bayan ng Diyos. (Aw 31:9-11; 42:10; 74:10, 11; 79:4, 5; 102:8, 9; Joe 2:17-19) Ngunit sa bandang huli ay ipinakikita ni Jehova ang kaniyang mga gawa ng pagliligtas at sa gayo’y pinatatahimik niya ang mga nandurusta.​—Ne 1:3; 2:17; 4:4; 6:16.

Pagpapasan ng Kadustaan Alang-alang kay Kristo. Sa pagtupad ng kanilang atas, ang mga lingkod ni Jehova ay dinudusta rin niyaong mga pinagsuguan sa kanila. Ganito ang naging karanasan ni Jeremias (Jer 6:10; 15:15-18; 20:8), ni Kristo Jesus (Mat 27:44; Mar 15:32; Ro 15:3), at ng kaniyang mga tagasunod (Heb 10:33). May dahilang magalak ang indibiduwal na dinudusta alang-alang kay Kristo, yamang ang kaniyang patuloy na katapatan sa ilalim ng gayong pandurusta ay aakay sa malaking gantimpala sa langit (Mat 5:11; Luc 6:22, 23) at nagsisilbing patotoo na taglay niya ang espiritu ng Diyos. (1Pe 4:14) Samakatuwid, hindi dapat katakutan ang pandurusta. Sa mga nakaaalam ng katuwiran, sinabi ni Jehova: “Huwag ninyong katakutan ang pandurusta ng mga taong mortal, at huwag kayong mangilabot dahil lamang sa kanilang mapang-abusong mga salita.”​—Isa 51:7.

Bagaman batid ni Jesus ang malaking kadustaang sasapit sa kaniya, kusang-loob siyang nagpasakop sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama hanggang sa puntong dumanas siya ng isang kahiya-hiyang kamatayan sa isang pahirapang tulos. (Isa 53:3-7; Ju 10:17, 18; Heb 12:2; 13:12, 13) Upang makagawa ng kabutihan sa iba, hindi niya pinalugdan ang kaniyang sarili kundi naging handa siyang tumanggap ng kadustaan mula sa mga tao na sa salita at gawa ay dumudusta sa Diyos na Jehova. Itinawag-pansin ito ng apostol na si Pablo noong idiniriin niya ang tamang saloobin na dapat ipakita sa mga mahihina sa espirituwal: “Gayunman, tayong malalakas ay dapat na magdala ng mga kahinaan niyaong hindi malalakas, at huwag magpalugod sa ating sarili. Palugdan ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapuwa sa anumang mabuti para sa kaniyang ikatitibay. Sapagkat maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili; kundi gaya nga ng nasusulat: ‘Ang mga pandurusta niyaong mga nandurusta sa iyo ay nahulog sa akin.’⁠” (Ro 15:1-3) Sa naunang kabanata (Ro 14), tinalakay ni Pablo ang mga kahinaan ng ilang Kristiyano na dahil sa budhi ay may mga pag-aalinlangan hinggil sa ilang pagkain o sa pangingilin ng isang araw; ipinakita niya ang pangangailangang umiwas na maging sanhi ng ikatitisod ng mga iyon at ang pangangailangang patibayin ang mga iyon. Malamang na nangangahulugan ito na yaong malalakas sa unawa, pananampalataya, at budhi ay dapat maghigpit sa kanilang sarili sa paggamit ng kanilang mga karapatan, at maaaring hindi ito magiging kaayaaya sa kanila. Gayunpaman, dapat nilang “pasanin” (dito, ipinahihintulot ng pandiwa kapuwa ang diwa ng “dalhin” at “pagtiisan o batahin” [ihambing ang Gal 6:2; Apo 2:2]) ang anumang pabigat na maaaring idulot sa kanila ng mga kahinaang iyon bilang pagtulad kay Kristo. (Ihambing ang Mat 17:17-20; gayundin ang pananalita ni Moises sa Bil 11:10-15.) Karagdagan pa, hindi nila dapat sikaping tamuhin ang pabor, pagpapala, at mga gantimpala ng Diyos, samantalang ipinagwawalang-bahala ang mga mahihina sa espirituwal na itinuturing silang mga sagabal o kaya’y hinahayaan silang masilo ng Kalaban dahil hindi sila pinagpakitaan ng konsiderasyon at tinulungan ng malalakas na ito.​—Ihambing ang 1Co 9:19-23; 10:23-33.

Huwag Magdulot ng Kadustaan sa Pamamagitan ng Paggawa ng Masama. Bagaman inaasahan ng isang Kristiyano na siya’y dudustain alang-alang sa katuwiran, hindi siya dapat “magdusa . . . bilang isang mamamaslang o magnanakaw o manggagawa ng kasamaan o bilang isang mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao.” (1Pe 4:15, 16) Ang isa sa mga kuwalipikasyon ng isang tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano ay ang pagkakaroon niya ng “mainam na patotoo mula sa mga tao sa labas, upang hindi siya mahulog sa kadustaan.” Makatutulong ito upang hindi mawalang-dangal ang posisyong iyon at upang maiwasan ang paglaganap ng di-kaayaayang usap-usapan tungkol sa mga tunay na Kristiyano dahil sa paggawi ng isa sa mga prominenteng miyembro ng kongregasyon.​—1Ti 3:7.