Pangalan
Isang salita o parirala na nagsisilbing pantanging katawagan sa isang persona, lugar, hayop, halaman, o iba pang bagay. Ang “pangalan” ay maaaring mangahulugan ng reputasyon ng isang persona o ang persona mismo.
Ang Diyos na Jehova ang “pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa.” (Efe 3:14, 15) Itinatag niya ang unang pamilya ng tao at pinahintulutan niyang magkaroon ng mga anak sina Adan at Eva. Sa gayon, utang sa kaniya ng mga angkan sa lupa ang kanilang pangalan. Siya rin ang Ama ng kaniyang makalangit na pamilya. At kung paanong tinatawag niya ang lahat ng di-mabilang na bituin ayon sa kanilang mga pangalan (Aw 147:4), tiyak na binigyan din niya ng mga pangalan ang mga anghel.—Huk 13:18.
Ang isang kapansin-pansing halimbawa kung paano pinapanganlan noon ang isang bagong bagay ay ang makahimalang paglalaan ng manna. Nang una itong makita ng mga Israelita, naibulalas nila: “Ano ito?” (man huʼ?) (Exo 16:15) Maliwanag na ito ang dahilan kung bakit nila ito tinawag na “manna,” malamang na nangangahulugang “Ano ito?”—Exo 16:31.
Nagkakaiba-iba ang opinyon ng mga iskolar tungkol sa pinagmulan ng ilang pangalan, sa mga salitang-ugat na bumubuo sa mga ito, at sa kahulugan ng mga ito. Dahil dito, iba-iba ang kahulugang ibinibigay ng mga reperensiyang akda para sa mga pangalan sa Bibliya. Sa publikasyong ito, ang Bibliya mismo ang pangunahing awtoridad na ginamit upang malaman ang kahulugan ng mga pangalan. Genesis 11:9, isinulat ni Moises: “Iyan ang dahilan kung bakit tinawag na Babel ang pangalan nito, sapagkat doon ay ginulo ni Jehova ang wika ng buong lupa.” Dito, iniugnay ni Moises ang “Babel” sa pandiwang salitang-ugat na ba·lalʹ (guluhin), sa gayo’y ipinahihiwatig na ang “Babel” ay nangangahulugang “Kaguluhan.”
Ang isang halimbawa ay ang kahulugan ng pangalang Babel. SaAng mga pangalan sa Bibliya ay maaaring binubuo ng isang salita, parirala, o kaya’y pangungusap. Kadalasan, ang mga pangalang may mahigit sa isang pantig ay may mga pinaikling anyo. Kapag hindi espesipikong sinasabi ng Bibliya ang pinagmulan ng isang pangalan, sinisikap na malaman ang salitang-ugat o ang mga bahagi nito sa pamamagitan ng paggamit ng kinikilala at makabagong mga diksyunaryo. Ang diksyunaryong ginamit upang alamin ang mga salitang-ugat ng mga pangalang Hebreo at Aramaiko ay ang Lexicon in Veteris Testamenti Libros (nina L. Koehler at W. Baumgartner, Leiden, 1958), kasama na ang bahagyang natapos na rebisyon nito. Para naman sa mga pangalang Griego, ang ikasiyam na edisyon ng A Greek-English Lexicon (nina H. G. Liddell at R. Scott at nirebisa ni H. S. Jones, Oxford, 1968) ang pangunahing diksyunaryo na sinangguni. Pagkatapos, ang mga saling matatagpuan sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan ang ginamit upang bigyan ng kahulugan ang mga salitang-ugat na ito. Halimbawa, ang pangalang Elnatan ay binubuo ng mga salitang-ugat na ʼEl (Diyos) at na·thanʹ (ibigay), sa gayon ay nangangahulugang “Ang Diyos ay Nagbigay.”—Ihambing ang Gen 28:4, kung saan ang na·thanʹ ay isinasaling “ibinigay.”
Pangalan ng mga Hayop at mga Halaman. Ipinagkaloob ng Diyos na Jehova sa unang taong si Adan ang pribilehiyong panganlan ang nakabababang mga nilalang. (Gen 2:19) Tiyak na ang mga pangalang ibinigay ay naglalarawan. Ipinahihiwatig ito ng ilan sa mga pangalang Hebreo ng mga hayop at maging ng mga halaman. Ang isang salitang Hebreo para sa “asno” (chamohrʹ) ay maliwanag na nagmula sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “mamula,” anupat tumutukoy sa karaniwang kulay ng hayop na ito. Maliwanag na ginagaya ng pangalang Hebreo para sa batu-bato (tohr o tor) ang malungkot na huning “tur-r-r tur-r-r” ng ibong ito. “Isa na gumigising” ang tawag naman sa puno ng almendras, maliwanag na dahil isa ito sa mga punungkahoy na pinakamaagang mamulaklak.
Pangalan ng mga Lugar at Kaanyuan ng Lupain. Kung minsan, ipinapangalan ng mga tao sa mga lugar ang pangalan nila, ang pangalan ng kanilang mga supling, o ng kanilang mga ninuno. Nagtayo ng isang lunsod ang mamamaslang na si Cain at ipinangalan niya rito ang pangalan ng kaniyang anak na si Enoc. (Gen 4:17) Pinasimulan ni Noba na tawagin ayon sa sarili niyang pangalan ang nalupig na lunsod ng Kenat. (Bil 32:42) Matapos bihagin ng mga Danita ang Lesem, tinawag nilang Dan ang lunsod na iyon, yamang ito ang pangalan ng kanilang ninuno.—Jos 19:47; tingnan din ang Deu 3:14.
Gaya sa kaso ng mga altar (Exo 17:14-16), mga balon (Gen 26:19-22), at mga bukal (Huk 15:19), ang mga lugar noon ay kadalasang pinapanganlan ayon sa mga pangyayaring naganap doon. Ang mga halimbawa nito ay ang Babel (Gen 11:9), Jehova-jireh (Gen 22:13, 14), Beer-sheba (Gen 26:28-33), Bethel (Gen 28:10-19), Galeed (Gen 31:44-47), Sucot (Gen 33:17), Abel-mizraim (Gen 50:11), Masah, Meriba (Exo 17:7), Tabera (Bil 11:3), Kibrot-hataava (Bil 11:34), Horma (Bil 21:3), Gilgal (Jos 5:9), Mababang Kapatagan ng Acor (Jos 7:26), at Baal-perazim (2Sa 5:20).
May mga pagkakataon na ang pisikal na mga kaanyuan naman ang nagsisilbing saligan ng mga pangalan ng mga lugar, mga bundok, at mga ilog. Walang alinlangan na ang mga lunsod ng Geba at Gibeah (kapuwa nangangahulugang “Burol”) ay pinanganlan nang gayon dahil sa mga burol na naroroon. Ang pangalan naman ng Lebanon (nangangahulugang “Puti[ng Bundok]”) ay maaaring ibinigay rito dahil sa mapusyaw na kulay ng batong-apog na mga dalisdis at mga taluktok nito o dahil sa kalagayan na ang mas matataas na dalisdis nito ay nababalutan ng niyebe sa kalakhang bahagi ng taon. Kapag malapit sa mga balon, mga bukal, at mga daanang-tubig, ang mga bayan at mga lunsod ay kadalasang binibigyan ng pangalan na may unlaping “en” (bukal), “beer” (balon), at “abel” (daanang-tubig).
Ang ibang mga pangalan naman ay halaw sa laki, hanapbuhay, at produkto ng lupain. Ang mga halimbawa nito ay ang Betlehem (nangangahulugang “Bahay ng Tinapay”), Betsaida (Bahay ng Mangangaso (o, Mangingisda)), Gat (Pisaan ng Ubas), at Bezer (Dakong Di-malapitan).
May mga lugar din na tinawag ayon sa pangalan ng mga hayop at mga halaman, anupat marami sa mga pangalang ito ay lumilitaw sa anyong tambalan. Kabilang sa mga ito ang Aijalon (nangangahulugang “Dako ng Babaing Usa; Dako ng Lalaking Usa”), En-gedi (Bukal ng Batang Kambing), En-eglaim (Bukal ng Dalawang Guya), Akrabim (Mga Alakdan), Baal-tamar (May-ari ng Puno ng Palma), at En-Tapua (Bukal ng (Puno ng) Mansanas).
Kalimitan na, ang “Bet” (nangangahulugang “bahay”), “baal” (may-ari; panginoon), at “kiriat” (bayan) ay nagsisilbing unang bahagi ng mga tambalang pangalan.
Luc 1:59; 2:21) Kadalasan, ang ama o ang ina ang nagpapangalan sa sanggol. (Gen 4:25; 5:29; 16:15; 19:37, 38; 29:32) Gayunman, ang isang kapansin-pansing eksepsiyon dito ay ang anak na lalaki na ipinanganak ni Ruth kay Boaz. Ang bata ay pinanganlang Obed (nangangahulugang “Lingkod; Isa na Naglilingkod”) ng mga kapitbahay na babae ng biyenang babae ni Ruth na si Noemi. (Ru 4:13-17) May mga pagkakataon din na tumatanggap ang mga magulang ng tagubilin mula sa Diyos tungkol sa pangalang ibibigay nila sa kanilang mga anak. Ang ilan sa mga nabigyan ng kanilang pangalan sa ganitong paraan ay sina Ismael (Naririnig (Pinakikinggan) ng Diyos) (Gen 16:11), Isaac (Pagtawa) (Gen 17:19), Solomon (mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “kapayapaan”) (1Cr 22:9), at Juan (katumbas sa Tagalog ng Jehohanan, nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-loob”) (Luc 1:13).
Pangalan ng mga Tao. Sa mas naunang yugto ng kasaysayan ng Bibliya, ang mga bata ay binibigyan ng pangalan pagkapanganak sa kanila. Ngunit noong dakong huli, ang mga batang lalaking Hebreo ay pinapanganlan lamang kapag tinuli na sila sa ikawalong araw. (Kadalasan, ang mga pangalang ibinigay ayon sa tagubilin ng Diyos ay may makahulang kahulugan. Ipinakita ng pangalan ng anak na lalaki ni Isaias na si Maher-salal-has-baz (nangangahulugang “Magmadali, O Samsam! Nagmadali Siya Patungo sa Darambungin; o, Nagmamadali Patungo sa Samsam, Nagmadali Siya Patungo sa Darambungin”) na susupilin ng hari ng Asirya ang Damasco at Samaria. (Isa 8:3, 4) Ang pangalan ng anak na lalaki ni Oseas na si Jezreel (Ang Diyos ay Maghahasik ng Binhi) ay nagpahiwatig na sa hinaharap ay pagsusulitin ang sambahayan ni Jehu. (Os 1:4) Ipinakita naman ng mga pangalan ng dalawa pang anak na isinilang ng asawa ni Oseas, sina Lo-ruhama ([Siya ay] Hindi Pinagpakitaan ng Awa) at Lo-ami (Hindi Ko Bayan) ang pagtatakwil ni Jehova sa Israel. (Os 1:6-10) Sa kaso ng Anak ng Diyos, ang pangalang Jesus (Si Jehova ay Kaligtasan) ay makahulang tumukoy sa papel niya bilang Tagapagligtas na inatasan ni Jehova, o paraan ng pagliligtas ni Jehova.—Mat 1:21; Luc 2:30.
Kadalasan, masasalamin sa pangalang ibinigay sa isang bata ang mga kalagayan noong ipanganak siya o ang mga damdamin ng ama o ng ina. (Gen 29:32–30:13, 17-20, 22-24; 35:18; 41:51, 52; Exo 2:22; 1Sa 1:20; 4:20-22) Pinanganlan ni Eva na Cain (nangangahulugang “Isang Bagay na Iniluwal”) ang kaniyang panganay, sapagkat, gaya ng sabi niya: “Ako ay nagluwal ng isang lalaki sa tulong ni Jehova.” (Gen 4:1) May kinalaman sa anak na lalaking isinilang ni Eva na itinuring niyang kapalit ng pinaslang na si Abel, binigyan niya ito ng pangalang Set (Inilaan; Inilagay; Itinalaga). (Gen 4:25) Pinanganlan ni Isaac na Jacob (Isa na Sumusunggab sa Sakong; Kaagaw) ang nakababata sa kambal niyang mga anak, sapagkat nang ipanganak ang batang ito, nakahawak ito sa sakong ni Esau na kaniyang kapatid.—Gen 25:26; ihambing ang kaso ni Perez sa Gen 38:28, 29.
Kung minsan, ang pangalang ibinibigay sa sanggol ay ibinabatay sa kaniyang hitsura nang ipanganak siya. Tinawag na Esau (nangangahulugang “Mabalahibo”) ang panganay na anak ni Isaac dahil napakamabalahibo niya nang siya’y ipanganak.—Gen 25:25.
Kadalasan, ang mga pangalang ibinibigay sa mga bata ay tinatambalan ng El (nangangahulugang “Diyos”) o ng isang pinaikling anyo ng banal na pangalang Jehova. Sa gayong mga pangalan ay makikita ang inaasam ng mga magulang, ang kanilang pagpapahalaga dahil pinagpala sila ng supling, o ang kanilang pagkilala sa Diyos. Ang mga halimbawa nito ay Jedeias (posible, Magalak Nawa si Jehova), Elnatan, (Ang Diyos ay Nagbigay), Jeberekias (Si Jehova ay Nagpapala), Jonatan (Si Jehova ay Nagbigay), Jehozabad (malamang, Si Jehova ay Nagkaloob), Eldad (posible, Ang Diyos ay Umibig), Abdiel (Lingkod ng Diyos), Daniel (Ang Aking Hukom ay Diyos), Jehozadak (malamang, Inaaring Matuwid ni Jehova), at Pelatias (Si Jehova ay Naglaan ng Pagtakas).
Ang “Ab” (nangangahulugang “ama”), “ah” (kapatid na lalaki), “am” (bayan), “bat” (anak na babae), at “ben” (anak na lalaki) ay bahagi naman ng mga tambalang pangalan na gaya ng Abida (Nakilala (Ako) ng Ama), Abias (Ang Aking Ama ay si Jehova), Ahiezer (Ang Aking Kapatid ay Isang Katulong), Amihud (Ang Aking Bayan ay Dangal), Aminadab (Ang Aking Bayan ay Nakahanda (Marangal; Bukas-palad)), Bat-sheba (Anak na Babae ng Kasaganaan; posible, Anak na Babae na [Isinilang Noong] Ikapito[ng Araw]), at Ben-hanan (Anak ng Isa na Nagpapakita ng Lingap; Anak ng Isa na Magandang-loob). Ang “Melec” (hari), “adon” (panginoon), at “baal” (may-ari; panginoon) ay itinatambal din sa ibang mga salita upang makabuo ng mga tambalang pangalan tulad ng Abimelec (Ang Aking Ama ay Hari), Adonias (Si Jehova ay Panginoon), at Baal-tamar (May-ari ng Puno ng Palma).
Ang mga katawagan para sa mga hayop at mga halaman ay isa pang pinagmumulan ng mga pangalan ng mga tao. Ang ilan sa mga pangalang ito ay Debora (nangangahulugang “Bubuyog”), Dorcas o Tabita (Gasela), Jonas (Kalapati), Raquel (Babaing Tupa), Sapan (Kuneho sa Batuhan), at Tamar (Puno ng Palma).
1Cr 6:9-14, 34-36.) Ito ang dahilan kung bakit tinutulan ng mga kamag-anak at mga kakilala ni Elisabet ang pagnanais niyang panganlang Juan ang kaniyang bagong-silang na anak.—Luc 1:57-61; tingnan ang TALAANGKANAN (Pag-uulit ng mga pangalan).
Gaya ng ipinahihiwatig ng pag-uulit ng ilang pangalan sa mga talaan ng angkan, lumilitaw na naging karaniwang kaugalian noon na ipangalan sa mga bata ang pangalan ng isang kamag-anak. (Tingnan angNoong unang siglo C.E., pangkaraniwan sa mga Judio, lalo na sa mga Judiong naninirahan sa labas ng Israel o sa mga lunsod na may haluang populasyon ng mga Judio at mga Gentil, na magkaroon ng isang pangalang Hebreo o Aramaiko at isang pangalang Latin o Griego. Maaaring ito ang dahilan kung bakit si Dorcas ay tinatawag ding Tabita at ang apostol na si Pablo naman ay pinanganlan ding Saul.
Kung minsan, ang mga pangalan ay itinuturing na nagpapahiwatig ng personalidad o ng mga ugali ng isang indibiduwal. Tungkol sa kaniyang kapatid, ganito ang sinabi ni Esau: “Hindi ba iyan ang dahilan kung bakit ang kaniyang pangalan ay tinatawag na Jacob [Isa na Sumusunggab sa Sakong; Kaagaw], sapagkat aagawan niya ako nitong dalawang ulit? Ang aking pagkapanganay ay kinuha na niya, at narito, sa pagkakataong ito ay kinuha niya ang aking pagpapala!” (Gen 27:36) May kinalaman sa kaniyang asawa, sinabi naman ni Abigail: “Gaya ng kaniyang pangalan, gayon siya. Nabal [Hangal; Mangmang] ang kaniyang pangalan, at ang kahangalan ay nasa kaniya.” (1Sa 25:25) Palibhasa’y hindi na niya itinuturing na angkop pa ang kaniyang pangalan dahil sa mga kasawiang sumapit sa kaniya, sinabi ni Noemi: “Huwag ninyo akong tawaging Noemi [Ang Aking Kaigayahan]. Tawagin ninyo akong Mara [Mapait], sapagkat lubha akong pinapait ng Makapangyarihan-sa-lahat.”—Ru 1:20.
Pagpapalit ng pangalan o mga bagong pangalan. Kung minsan, dahil sa isang partikular na layunin, ang mga pangalan noon ay pinapalitan o kaya naman ang isang tao ay maaaring bigyan ng karagdagang pangalan. Habang nag-aagaw-buhay, tinawag ni Raquel na Ben-oni (nangangahulugang “Anak ng Aking Pagdadalamhati”) ang kaniyang bagong-silang na anak, ngunit pinili ng kaniyang naulilang asawang si Jacob na panganlan itong Benjamin (Anak ng Kanang Kamay). (Gen 35:16-18) Pinalitan ni Jehova ang pangalan ni Abram ng Abraham (Ama ng Pulutong (Karamihan)) at yaong kay Sarai (posible, Mahilig Makipagtalo) ng Sara (Prinsesa), anupat kapuwa makahula ang mga bagong pangalang ito. (Gen 17:5, 6, 15, 16) Dahil sa pagmamatiyaga ni Jacob sa pakikipagbuno sa isang anghel, sinabi nito sa kaniya: “Ang pangalan mo ay hindi na tatawaging Jacob kundi Israel [Isa na Nakikipagpunyagi (Isa na Nagmamatiyaga) sa Diyos; o, Nakikipagpunyagi ang Diyos], sapagkat nakipagpunyagi ka sa Diyos at sa mga tao anupat sa wakas ay nanaig ka.” (Gen 32:28) Ang pagpapalit na ito ng pangalan ay isang tanda ng pagpapala ng Diyos at pinatunayan iyon nang dakong huli. (Gen 35:10) Kaya, maliwanag, kapag ang Kasulatan ay makahulang bumabanggit ng “isang bagong pangalan,” ang tinutukoy nito ay isang pangalan na angkop na kumakatawan sa magtataglay niyaon.—Isa 62:2; 65:15; Apo 3:12.
May mga pagkakataon na ang mga taong iniaangat sa mas matataas na posisyon sa pamahalaan o yaong pinagkakalooban ng pantanging mga pribilehiyo ay binibigyan ng mga bagong pangalan. Yamang ang mga nakatataas ang nagkakaloob ng gayong mga pangalan, ang pagpapalit ng pangalan ay maaari ring nagpapahiwatig na ang magtataglay ng bagong pangalan ay sakop ng nagbigay nito. Pagkatapos gawing administrador ng pagkain sa Ehipto si Jose, siya ay tinawag na Zapenat-panea. (Gen 41:44, 45) Nang itinatalaga ni Paraon Necoh si Eliakim bilang basalyong hari ng Juda, pinalitan niya ng Jehoiakim ang pangalan nito. (2Ha 23:34) Sa katulad na paraan, pinalitan ni Nabucodonosor ng Zedekias ang pangalan ni Matanias nang gawin niya itong kaniyang basalyo. (2Ha 24:17) Matapos piliin para sa pantanging pagsasanay sa Babilonya, si Daniel at ang kaniyang tatlong kasamahang Hebreo, sina Hananias, Misael, at Azarias, ay binigyan ng mga pangalang Babilonyo.—Dan 1:3-7.
Kung minsan, ang isang pangyayari sa buhay ng isang tao ang nagsisilbing saligan upang bigyan ng bagong pangalan ang taong iyon. Halimbawa, nakuha ni Esau ang kaniyang pangalang Edom (nangangahulugang “Pula”) mula sa nilagang pulang lentehas na dahil dito ay ipinagbili niya ang kaniyang pagkapanganay.—Gen 25:30-34.
Pangalan ng mga Anghel. Ang Bibliya ay naglalaman ng personal na pangalan ng dalawa lamang anghel, sina Gabriel (nangangahulugang “Isa na Matipuno ng Diyos”) at Miguel (Sino ang Tulad ng Diyos?). Marahil upang hindi sila pag-ukulan ng di-nararapat na karangalan o pagpapakundangan, kung minsan ay hindi isinisiwalat ng mga anghel ang kanilang mga pangalan sa mga taong pinagpapakitaan nila.—Gen 32:29; Huk 13:17, 18.
Ano ang nasasangkot sa pagkilala sa pangalan ng Diyos?
Pinatototohanan ng materyal na sangnilalang ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi nito isinisiwalat ang pangalan ng Diyos. (Aw 19:1; Ro 1:20) Ang pagkilala ng isang indibiduwal sa pangalan ng Diyos ay nagpapahiwatig ng higit pa sa basta pagkakaroon ng kabatiran sa salitang iyon. (2Cr 6:33) Nangangahulugan ito ng aktuwal na pagkilala sa Persona—sa kaniyang mga layunin, gawain, at mga katangian gaya ng isinisiwalat sa kaniyang Salita. (Ihambing ang 1Ha 8:41-43; 9:3, 7; Ne 9:10.) Makikita ito sa kaso ni Moises, isang lalaking ‘kilala ni Jehova sa pangalan,’ samakatuwid nga, lubos na kilala. (Exo 33:12) Nagkapribilehiyo si Moises na makita ang isang pagtatanghal ng kaluwalhatian ni Jehova at gayundin ‘marinig na ipinahayag ang pangalan ni Jehova.’ (Exo 34:5) Ang paghahayag na iyon ay hindi lamang basta pag-uulit ng pangalang Jehova kundi isang kapahayagan hinggil sa mga katangian at mga gawain ng Diyos. “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan, naglalapat ng kaparusahan sa mga anak at sa mga apo dahil sa kamalian ng mga ama, sa ikatlong salinlahi at sa ikaapat na salinlahi.” (Exo 34:6, 7) Sa katulad na paraan, inilalahad ng awit ni Moises, na naglalaman ng mga salitang “sapagkat ipahahayag ko ang pangalan ni Jehova,” ang mga pakikitungo ng Diyos sa Israel at inilalarawan nito ang Kaniyang personalidad.—Deu 32:3-44.
Noong narito sa lupa si Jesu-Kristo, ‘inihayag niya ang pangalan ng kaniyang Ama’ sa kaniyang mga alagad. (Ju 17:6, 26) Bagaman dati na nilang alam ang pangalang iyon at pamilyar sila sa mga gawain ng Diyos na nakaulat sa Hebreong Kasulatan, higit na nakilala ng mga alagad na ito si Jehova sa pamamagitan ng Isa na “nasa dakong dibdib ng Ama.” (Ju 1:18) Ganap na lumarawan si Kristo Jesus sa kaniyang Ama, anupat ginawa niya ang mga gawa ng kaniyang Ama at sinalita niya ang mga salita ng kaniyang Ama, hindi yaong mula sa kaniyang sarili. (Ju 10:37, 38; 12:50; 14:10, 11, 24) Kaya naman masasabi ni Jesus, “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”—Ju 14:9.
Maliwanag na ipinakikita nito na ang tanging tunay na nakakakilala sa pangalan ng Diyos ay ang kaniyang masunuring mga lingkod. (Ihambing ang 1Ju 4:8; 5:2, 3.) Kaya, ang katiyakang ibinigay ni Jehova sa Awit 91:14 ay kumakapit sa gayong mga tao: “Ipagsasanggalang ko siya sapagkat nalaman niya ang aking pangalan.” Ang pangalang iyon sa ganang sarili ay hindi naman isang mahiwagang anting-anting, ngunit ang Isa na tinatawag sa pangalang iyon ay makapaglalaan ng proteksiyon para sa kaniyang tapat na bayan. Kaya nga, ang pangalang iyon ay kumakatawan sa Diyos mismo. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng kawikaan: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at ipinagsasanggalang.” (Kaw 18:10) Ganiyan ang ginagawa ng mga taong naghahagis ng kanilang pasanin kay Jehova. (Aw 55:22) Sa katulad na paraan, ang umibig (Aw 5:11), umawit ng mga papuri (Aw 7:17), tumawag (Gen 12:8), magpasalamat (1Cr 16:35), manumpa (Deu 6:13), umalala (Aw 119:55), matakot (Aw 61:5), humanap (Aw 83:16), magtiwala (Aw 33:21), dumakila (Aw 34:3), at umasa (Aw 52:9) sa pangalan ay nangangahulugan ng paggawa ng mga bagay na ito kay Jehova mismo. Pamumusong naman sa Diyos ang pagsasalita nang may pang-aabuso sa kaniyang pangalan.—Lev 24:11, 15, 16.
Naninibugho si Jehova para sa kaniyang pangalan, anupat hindi niya pinahihintulutan ang pagkakaroon niya ng kaagaw o ang anumang kawalang-katapatan may kaugnayan sa pagsamba. (Exo 34:14; Eze 5:13) Ipinag-utos sa mga Israelita na huwag man lamang nilang babanggitin ang pangalan ng ibang mga diyos. (Exo 23:13) Yamang lumilitaw sa Kasulatan ang mga pangalan ng huwad na mga diyos, maliwanag na ang tinutukoy dito ay may kinalaman sa pagbanggit sa pangalan ng huwad na mga diyos sa paraang sinasamba ang mga iyon.
Bilang bayang nagtataglay ng pangalan ng Diyos, ang hindi pamumuhay ng Israel ayon sa kaniyang matuwid na mga utos ay isang paglapastangan o pagdungis sa pangalan ng Diyos. (Eze 43:8; Am 2:7) Yamang pinarusahan ng Diyos ang mga Israelita dahil sa kanilang kawalang-katapatan, naging dahilan ito upang mapagsalitaan ng ibang mga bansa nang walang galang ang kaniyang pangalan. (Ihambing ang Aw 74:10, 18; Isa 52:5). Palibhasa’y hindi nila natatalos na kay Jehova nagmula ang kaparusahan, may kamaliang inisip ng mga bansang ito na ang mga kapahamakang sumapit sa Israel ay dahil sa kawalang-kakayahan ni Jehova na ipagsanggalang ang kaniyang bayan. Upang linisin ang kaniyang pangalan mula sa gayong pagdusta, kumilos si Jehova alang-alang sa kaniyang pangalan at isinauli niya ang nalabi ng Israel sa kanilang lupain.—Eze 36:22-24.
Sa pamamagitan ng pagpapahayag ni Jehova ng kaniyang sarili sa natatanging mga paraan, pinangyari niya na alalahanin ang kaniyang pangalan. May itinayong mga altar sa mga lugar na pinangyarihan ng mga iyon.—Exo 20:24; ihambing ang 2Sa 24:16-18; tingnan ang JEHOVA.
Ang Pangalan ng Anak ng Diyos. Dahil sa pananatiling tapat ni Jesu-Kristo hanggang sa kaniya mismong kamatayan, ginantimpalaan siya ng kaniyang Ama, anupat tinanggap niya ang isang nakatataas na posisyon at “ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan.” (Fil 2:5-11) Dapat kilalanin ng lahat ng mga nagnanais ng buhay ang kahulugan ng pangalang iyon (Gaw 4:12), kasali na ang posisyon ni Jesus bilang Hukom (Ju 5:22), Hari (Apo 19:16), Mataas na Saserdote (Heb 6:20), Manunubos (Mat 20:28), at Punong Ahente ng kaligtasan.—Heb 2:10; tingnan ang JESU-KRISTO.
Bilang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” pangungunahan din ni Kristo Jesus ang makalangit na mga hukbo upang makipagdigma ayon sa katuwiran. Bilang tagapaglapat ng paghihiganti ng Diyos, magpapamalas siya ng mga kapangyarihan at mga katangian na lubusang hindi alam niyaong mga lumalaban sa kaniya. Angkop kung gayon na “siya ay may pangalang nakasulat na walang sinumang nakaaalam kundi siya lamang.”—Apo 19:11-16.
Iba’t Ibang Paggamit sa Salitang “Pangalan.” Maaaring “tawagin” ang isang tao, lunsod, o gusali sa isang partikular na pangalan. Nang ampunin ni Jacob ang mga anak ni Jose bilang sarili niyang mga anak, sinabi niya: “Tawagin nawa sila sa aking pangalan at sa pangalan ng aking mga ama, si Abraham at si Isaac.” (Gen 48:16; tingnan din ang Isa 4:1; 44:5.) Itinawag noon sa mga Israelita ang pangalan ni Jehova at ipinahihiwatig nito na sila ay kaniyang bayan. (Deu 28:10; 2Cr 7:14; Isa 43:7; 63:19; Dan 9:19) Inilagay rin ni Jehova ang pangalan niya sa Jerusalem at sa templo, sa gayo’y tinanggap niya ang mga ito bilang ang karapat-dapat na sentro ng pagsamba sa kaniya. (2Ha 21:4, 7) Ipinasiya ni Joab na huwag tapusin ang pagbihag sa Raba upang hindi pangalan niya ang itawag sa lunsod na iyon, samakatuwid nga, upang hindi siya ang kilalaning bumihag nito.—2Sa 12:28.
Kapag namatay ang isang tao nang walang naiwang supling na lalaki, ang pangalan niya, wika nga, ay ‘inaalis.’ (Bil 27:4; 2Sa 18:18) Kung gayon, ang kaayusan ng pag-aasawa bilang bayaw na binalangkas ng Kautusang Mosaiko ay nakatulong upang mapanatili ang pangalan ng taong namatay. (Deu 25:5, 6) Sa kabilang dako naman, ang pagpuksa sa isang bansa, bayan, o pamilya ay nangangahulugan ng pagpawi sa kanilang pangalan.—Deu 7:24; 9:14; Jos 7:9; 1Sa 24:21; Aw 9:5.
Ang pagsasalita o pagkilos ‘sa pangalan ng’ ibang indibiduwal ay nangangahulugan ng paggawa ng gayon bilang isang kinatawan ng indibiduwal na iyon. (Exo 5:23; Deu 10:8; 18:5, 7, 19-22; 1Sa 17:45; Es 3:12; 8:8, 10) Sa katulad na paraan, ang pagtanggap sa isang tao sa pangalan ng iba ay nagpapahiwatig ng pagkilala sa taong iyon. Samakatuwid, ang ‘pagtanggap sa isang propeta sa pangalan ng isang propeta’ ay nangangahulugan ng pagtanggap sa isang propeta sapagkat siya ay gayon. (Mat 10:41, KJ, NW) At ang magbautismo naman sa “pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu” ay nangangahulugan ng pagkilala sa Ama, sa Anak, at sa banal na espiritu.—Mat 28:19.
Reputasyon o Kabantugan. Kapag ginagamit sa Kasulatan, ang “pangalan” ay kadalasan nang tumutukoy sa kabantugan o reputasyon. (1Cr 14:17, tlb sa Rbi8) Ang pagdadala ng masamang pangalan sa isang tao ay nangangahulugan ng paggawa ng bulaang akusasyon laban sa taong iyon, anupat sinisira ang kaniyang reputasyon. (Deu 22:19) Kapag ang pangalan ng isa ay ‘inalis bilang balakyot,’ nangangahulugan ito ng pagkawala ng mabuting reputasyon. (Luc 6:22) Dahil sa pagnanais ng mga tao na gumawa ng “bantog na pangalan” para sa kanilang sarili bilang pagsalansang kay Jehova kung kaya nagsimula silang magtayo ng isang tore at isang lunsod pagkatapos ng Baha. (Gen 11:3, 4) Sa kabilang dako naman, ipinangako ni Jehova na gagawin Niyang dakila ang pangalan ni Abram kung lilisanin niya ang kaniyang lupain at mga kamag-anak upang magtungo sa ibang lupain. (Gen 12:1, 2) Natupad ang pangakong iyon yamang iilang pangalan lamang mula sa sinaunang mga panahon ang naging kasindakila ng pangalan ni Abraham, partikular na bilang mga halimbawa ng namumukod-tanging pananampalataya. Milyun-milyon pa rin ang nag-aangkin na sila ang mga tagapagmana ng Abrahamikong pagpapala dahil sa kanilang pinagmulang angkan sa laman. Sa katulad na paraan, ginawang dakila ni Jehova ang pangalan ni David sa pamamagitan ng pagpapala sa kaniya at pagkakaloob sa kaniya ng mga tagumpay laban sa mga kaaway ng Israel.—1Sa 18:30; 2Sa 7:9.
Sa araw na maipanganak ang isang tao, siya ay wala pang reputasyon, at samakatuwid ang pangalan niya ay nagsisilbing isang katawagan lamang. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng Eclesiastes 7:1: “Ang pangalan ay mas mabuti kaysa sa mainam na langis, at ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng kapanganakan.” Hindi sa araw na maipanganak ang isang tao, kundi sa panahon ng buong buhay niya nagkakaroon ng tunay na kahulugan ang kaniyang “pangalan,” sa diwa na nakikilala siya bilang isa na nagsasagawa ng katuwiran o bilang isa na nagsasagawa ng kabalakyutan. (Kaw 22:1) Dahil sa katapatan ni Jesus hanggang kamatayan, ang kaniyang pangalan ay naging ang iisang pangalan na “ibinigay sa mga tao na siya nating dapat ikaligtas,” at “nagmana siya ng isang pangalang higit na magaling” kaysa yaong sa mga anghel. (Gaw 4:12; Heb 1:3, 4) Ngunit si Solomon naman, na tungkol sa kaniya ay ipinahayag ang pag-asa na maging “mas marilag” nawa ang kaniyang pangalan kaysa sa pangalan ni David, ay namatay taglay ang pangalan bilang isa na tumalikod sa tunay na pagsamba. (1Ha 1:47; 11:6, 9-11) “Ang pangalan ng mga balakyot ay mabubulok,” o magiging isang nakasusuklam na alingasaw. (Kaw 10:7) Sa dahilang ito, ang isang mabuting pangalan ay “mas mabuting piliin sa halip na saganang kayamanan.”—Kaw 22:1.
Mga Pangalang Nakasulat sa “Aklat ng Buhay.” Waring ang Diyos na Jehova, sa makasagisag na pananalita, ay sumusulat ng mga pangalan sa aklat ng buhay mula pa noong “pagkakatatag ng sanlibutan.” (Apo 17:8) Yamang binabanggit ni Kristo Jesus na si Abel ay nabuhay sa “pagkakatatag ng sanlibutan,” ipinahihiwatig nito na ang tinutukoy rito ay ang sanlibutan ng sangkatauhan na maaaring tubusin at nagsimulang umiral nang magkaroon ng mga anak sina Adan at Eva. (Luc 11:48-51) Maliwanag na ang pangalan ni Abel ang unang nakatala sa makasagisag na balumbong iyon.
Gayunman, ang mga pangalang masusumpungan sa balumbon ng buhay ay hindi mga pangalan ng mga taong itinadhanang magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos at ng buhay. Malinaw itong makikita mula sa binabanggit ng Kasulatan na ‘pagpawi’ sa mga pangalan mula sa “aklat ng buhay.” Kaya, lumilitaw na tanging kapag naging isang lingkod na ni Jehova ang isang tao ay saka lamang napapasulat sa “aklat ng buhay” ang pangalan niya, at mananatili lamang ang kaniyang pangalan sa aklat na iyon kung patuloy siyang magiging tapat.—Apo 3:5; 17:8; ihambing ang Exo 32:32, 33; Luc 10:20; Fil 4:3; tingnan din ang BUHAY.
Mga Pangalang Nakatala sa Balumbon ng Kordero. Sa katulad na paraan, ang mga pangalan ng mga taong sumasamba sa makasagisag na mabangis na hayop ay hindi nakatala sa balumbon ng Kordero. (Apo 13:8) Ang awtoridad, kapangyarihan, at trono ng mabangis na hayop na iyon ay tinanggap nito mula sa dragon, si Satanas na Diyablo. Samakatuwid, yaong mga sumasamba sa mabangis na hayop ay bahagi ng ‘binhi ng serpiyente.’ (Apo 13:2; ihambing ang Ju 8:44; Apo 12:9.) Bago pa magkaroon ng mga anak sina Adan at Eva, ipinahiwatig na ng Diyos na Jehova na magkakaroon ng alitan sa pagitan ng ‘binhi ng babae’ at ‘binhi ng serpiyente.’ (Gen 3:15) Kaya nga, nakatalaga na mula pa sa pagkakatatag ng sanlibutan na walang pangalan ng mananamba ng mabangis na hayop ang isusulat sa balumbon ng Kordero. Tanging ang mga taong sagrado sa pangmalas ng Diyos ang pagkakalooban ng gayong pribilehiyo.—Apo 21:27.
Yamang ang Kordero ang nagmamay-ari sa balumbong ito, makatuwiran lamang na ang mga pangalang makikita rito ay mga pangalan ng mga taong ibinigay sa kaniya ng Diyos. (Apo 13:8; Ju 17:9, 24) Kaya naman kapansin-pansin na sa sumunod na pagbanggit sa Kordero sa aklat ng Apocalipsis, inilalarawan siya na nakatayo sa Bundok Sion kasama ang 144,000 na binili mula sa sangkatauhan.—Apo 14:1-5.