Panggagahasa
Ang panggagahasa ay binibigyang-katuturan bilang ang bawal na seksuwal na pakikipagtalik nang walang pagsang-ayon ng babae, anupat ginagawa sa pamamagitan ng pamumuwersa, pamimilit, pananakot, o panlilinlang.
Nagbabala si Jehova hinggil sa mga resultang daranasin ng Israel kung susuwayin nila ang kaniyang kautusan. Bukod sa pagdanas ng mga sakit at kapahamakan, inihula rin niya na mahuhulog sila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway, at sinabi niya: “Ikaw ay makikipagtipan sa isang babae, ngunit gagahasain [anyo ng sha·ghalʹ] siya ng ibang lalaki.” (Deu 28:30) Nangyari ito nang alisin ni Jehova ang kaniyang proteksiyon mula sa bansa dahil sa kanilang pagkamasuwayin, at lupigin ng mga paganong kaaway ang kanilang mga lunsod. (Ihambing ang Zac 14:2.) Inihula na mararanasan din ng Babilonya ang gayong pakikitungo, na naganap nang bumagsak ito sa mga Medo at mga Persiano. (Isa 13:1, 16) Ayon sa Kautusan, hindi ito mangyayari sa mga bansang susupilin ng Israel, sapagkat ang mga kawal ay pinagbabawalang makipagtalik kapag panahon ng kampanyang militar.—1Sa 21:5; 2Sa 11:6-11.
Isang kaso ng halinhinang panggagahasa sa lunsod ng Gibeah ng Benjamin noong mga araw ng mga Hukom ang nagbunsod ng sunud-sunod na mga pangyayari bilang paghihiganti sa tribo ni Benjamin, na muntik nang humantong sa kanilang pagkalipol. Ang mga walang-kabuluhang lalaki sa lunsod, na may lisyang seksuwal na mga pagnanasa, ay nagpumilit na makipagtalik sa isang panauhing Levita. Sa halip na pumayag, ibinigay niya sa kanila ang kaniyang babaing kinakasama na bago nito ay nakiapid laban sa kaniya. Inabuso ito ng mga lalaki nang buong gabi hanggang sa ito’y mamatay. Ang terminong Hebreo na ʽa·nahʹ, isinaling “gahasain” sa ulat na ito, ay nangangahulugan ding “pighatiin,” “hiyain,” at “siilin.”—Huk kab 19, 20.
Puwersahang hinalay ng anak ni Haring David na si Amnon ang kaniyang kapatid sa ama na si Tamar, at dahil dito ay pinatay siya ng kapatid ni Tamar na si Absalom. (2Sa 13:1-18) Nang malaman ng Persianong hari na si Ahasuero ang kataksilan ng mapagpakanang si Haman na Agagita laban sa mga Judio, at lalo na laban sa reyna ni Ahasuero na si Esther, ang hari ay nagngalit. Sa pagkaalam na wala siyang maaasahang awa mula sa hari, ang desperadong si Haman ay sumubsob sa higaan na kinaroroonan ni Esther upang magmakaawa. Nang muling pumasok sa silid ang hari, nakita niya roon si Haman at siya’y sumigaw: “Gagahasain din ba ang reyna, habang ako ay nasa bahay?” Kaagad niyang sinentensiyahan si Haman ng kamatayan. Inilapat ang sentensiya, at maliwanag na pagkatapos nito, si Haman ay ibinitin sa mismong tulos na itinindig niya para pagbitinan sa pinsan ni Esther na si Mardokeo. (Es 7:1-10) Sa iniulat na pananalita ng hari (Es 7:8), ginamit ang salitang Hebreo na ka·vashʹ. Nangangahulugan itong “supilin, paglingkurin” (Gen 1:28; Jer 34:16) ngunit maaari rin itong mangahulugang “gahasain.”
Sa ilalim ng Kautusan, kung ang isang babaing ipinakipagtipan ay nakiapid sa ibang lalaki, siya at ang lalaki ay papatayin. Ngunit kung ang babae ay sumigaw at humingi ng saklolo, itinuturing itong katibayan na siya’y walang sala. Ang lalaki ay papatayin dahil sa kaniyang kasalanan ng pagpuwersa sa babae, at ang babae ay pinawawalang-sala.—Deu 22:23-27.